Chapter Three Part I: Mad
Hindi na mabilang ni Reileigh kung nakailang beses na siyang humikab mula nang sumakay sila ni Blaise dito sa limousine patungo sa eskuwelahan nila. Hindi naman niya kasi lubos akalaing sobrang likot matulog ni Blaise, hindi naman ito naninipa o ano, pero daig pa nito ang linta kung kumapit sa kaniya. Ilang beses siyang nagising dahil hindi siya makahinga, kung hindi ito nakadagan sa kaniya eh halos sakalin na siya nito sa leeg sa higpit ng pagkakayakap nito sa leeg niya. Pagdating nila sa eskuwelahan ay inaantok na bumaba si Reileigh ng sasakyan, agad naman siyang nilapitan ni Blaise at inakbayan, saka sila sabay na nagtungo sa kanilang classroom.
Hindi naman masanay si Reileigh sa atensyong natatanggap sa tuwing pumapasok sila ni Blaise sa kanilang classroom. Kahit naman mayaman at kilala ang pamilya niya ay napanatili niyang makaiwas sa mga mata ng mga kamag-aral niya. Sa pinaka likod sila umupo ni Blaise, sa kanang bahagi ng silid at malapit sa bintana. Balak niya pa sanang matulog muna habang wala pa ang kanilang guro nang guluhin naman siya ni Blaise. Panay ang bato kasi nito ng papel sa kaniya pero marahil sa sobrang antok ay nakaidlip pa rin siya.
Nagising na lang siya nang marinig niya ang malakas na pagtawag sa pangalan niya. Agad siyang napataas ng ulo at gulat na nagpalinga linga sa kaniyang palagid.
"Mabuti naman at gising ka Mr. Santiago. Akalain mo, umpisa ng klase at tulog ka kaagad?" ang mahigpit at sarkastikong sabi ni Mr. Malabunga sa kaniya.
Nakaramdam naman ng hiya si Reileigh lalo pa't tutok lahat sa kaniya ang atensyon ng kaniyang mga classmate.
"Ah! P-pasensya na sir, hindi na po mauulit." ang hinging pasensya niya.
"Naku, pasalamat kang bata ka at kilala kita. Sige, pagbibigyan kita ngayon pero ayoko nang mauulit ito ha? Nagkakaintindihan ba tayo?" ang napapabuntong hiningang sabi sa kaniya ni Mr. Malabunga.
"Opo, sir."
"Good."
Nang tumalikod na sa kaniya ang kaniyang guro ay doon niya narinig ang mga mahihinang pagtawa ni Blaise. Inis naman niya itong tinignan.
'Lokong 'to. Hindi man lang ako ginising.' ang puno ng sama nang loob niyang sabi sa sarili.
Umupo na siya't di na lang pinansin ang mga pagtawa ng katabi niya. Nang matapos na ang unang subject ay agad na nagkwentuhan ang mga kaklase niya habang naghihintay sa pagdating ng sunod nilang guro. Nag-umpisa na naman siyang guluhin ni Blaise.
"Grabe Lei, nakakatawa ka talaga kanina." ang tumatawang sabi nito na hindi naman niya pinansin.
Nag-umpisa na lang siyang gumuhit ng mga planeta sa likod ng kaniyang notebook.
"Uy! Mamansin ka naman." ang pangungulit pa nito sa kaniya pero hindi niya pa rin ito nilingon.
"Ikaw kasi eh, tulog ka pa nang tulog, napagalitan ka tuloy." ang animo'y concern pa nitong sabi pero tumawa rin naman sa huli.
'Psh. Sino kaya'ng may kasalanan kung bakit ako inaantok?'
Hindi niya pa rin ito pinansin kaya sinimulan na siya nitong kalabitin nang kalabitin sa braso, pero di talaga siya nagpatinag.
"Sino ba yung kausap ni Blaise? At bakit parang close na close sila?" -babaeng may maikling brown na buhok.
"Uh. Rei.. Rei... Rei ata Basta dun nag-uumpisa pangalan niya. Oo nga eh, alam ko, wala yang kaibigan si Blaise dahil ayaw niya kahit maraming gustong makipagkaibigan sa kaniya." -babaeng nakapusod ang kulot na buhok.
"Ang swerte naman niya, paano kaya niya naging kaibigan si Blaise?" - babaeng may mahabang buhok at bangs.
Napatingin naman si Reileigh sa tatlong babaeng nasa ikatlong linya ng mga upuan sa harapan nila ni Blaise, nang maramdaman niya ang tingin ng mga ito. Nagulat naman ang mga ito at agad na napaiwas ng tingin. Hindi man niya narinig ang mga sinasabi ng mga ito ay mayro'ng konting ideya na siya kung ano ang mga pinag-uusapan ng mga ito, dahilan upang mas lalo siyang mawala sa mood.
Laking pasasalamat na lang niya nang dumating na rin ang pangalawa nilang guro kaya natahimik na rin sa wakas ang katabi niyang walang ibang alam kundi ang pasakitin ang kaniyang ulo.
Dumating na rin ang kanilang recess, mayro'n silang ilang minuto upang kumain na alak niya sanang gamitin upang makatulog pero may ibang plano ang katabi niya. Hinatak siya nito't nagtungo sila sa canteen.
"Dali! Bili mo ako ng soft drinks saka ham sandwich." ang utos ng magaling niyang kamahalan sa kaniya.
"Wala ka bang mga kamay?" ang inis naman niyang sagot.
Pero pinagtulakan lang siya nito papunta sa counter. Wala na siyang nagawa kundi ang bumili ng pagkain nila. Nang muli niyang hanapin si Blaise matapos niyang bumili ay nakita niya itong nakabusangot ang mukha habang pinalilibutan ng tatlong babae at apat na lalaki sa isang mesa di kalayuan sa entrance ng canteen. Noong lumapit siya ay doon lang niya nalaman kung bakit.
"Sige na Blaise, sumali ka na sa basketball team, mahusay ka! Sayang naman ang talent mo." ang pakiusap ng pinaka matangkad na lalaki.
"Sinabi ko na nga noong nakaraang taon diba? Ayoko at ayoko pa rin. Ngayon, kung hindi pa kayo aalis sa paningin ko ay tatamaan na kayo sa akin. Bubuwagin ko din yang team niyo kapag hindi niyo pa ako tinantanan!"
Ang dinig niyang banta pa nito sa kausap dahilan upang agad na magsialisan yung mga lalaki habang yung mga babae ay sinubukan pang kausapin siya, pero isang nakakatakot na tingin lang ang binigay nito ay nagsipag-alisan din ang mga ito. Bumaling naman sa kaniya ang inis nito noong makalapit na siya.
"Bakit ang tagal mo? Matatapos na recess oh!" ang galit nitong sabi.
'OA. Apat na minuto pa kaya.' sagot niya sa sarili.
Hindi naman na niya ginatungan pa ang galit nito at umupo na lang kaharap nito. Marahas naman nitong kinuha ang pagkain saka inis na lumamon.
Siya naman ay nagtaka ng konti, nakita na niya itong maglaro at hindi niya maikakailang mahusay ito kaya bakit ayaw nitong sumali?
"Anong tinitingin tingin mo?" ang masungit nitong tanong nang mapansin nitong nakatingin siya.
"Wala."
~~~~Raica Kaihawa.
Hehe, hindi ako naka pag-upload kahapon kaya dinalawa ko na lang ngayon.
Thanks for reading :)
Comments (0)
See all