Chapter Five Part II
"Hindi ka lalayo sa tabi ko kahit anong mangyari." ang seryoso nitong sabi na ikinabigla naman ni Reileigh.
Hindi naman inasahan ni Reileigh na iyon ang hihinging kondisyon ni Blaise, kaya hindi siya kaagad nakasagot.
"Oh? Ano na Lei?" ang naiinip nitong tanong sa kaniya.
Napailing na lang siya't napalayo kay Blaise saka siya sumagot.
"Ok fine-Oop!"
Nanlaki naman ang mga mata niya at kamuntik pa siyang mapasubsob pababa nang bigla siyang akbayan nang mahigpit ni Blaise sa kaniyang balikat.
"Hahaha. Papayag ka rin naman pala, pinatagal mo pa." ang tuwang tuwa namang sabi nito kay Reileigh na napabuntong hininga na lang sa kalokohan nito.
Kinabukasan
Nakabusangot na kaupo si Blaise habang nakaupo sa palagi niyang puwesto sa loob ng limousine. Ang nagbago lang ngayon ay kasabay na uli niya si Reileigh sa pagpasok, ayun nga lang...
"Tsk." ang nagmamaktol niyang parinig sa katabi niya pero hindi man lang siya nito tinapunan nang tingin at patuloy lang na nagbasa.
"Tsk." ang pagpaparinig niya uli pero wala pa ring epekto.
Para bang hindi talaga siya nito naririnig na mas lalo naman niyang ikinainis. Sa totoo lang, kahapon pa siya naiinis dito, pumayag nga ito sa kondisyon niya at sinusunod ang gusto niya pero..... Hindi naman siya nito kinakausap o kinikibo. Parang wala ring nagbago. Nang hindi pa rin siya pinansin ni Reileigh ay kinuha niya ang tablet niya at binuksan ang music app niya, saka siya malakas na nagpatugtog. Ngunit wala pa ring epekto iyon kay Reileigh na patuloy pa rin sa pagbabasa, kaya tinodo na niya ang volume. Natuwa naman siya nang makita niyang isinara nito ang librong binabasa nito pero sandali lang iyon dahil hindi pa rin siya nito pinapansin.
Napatimpi na lang siya ng galit.
Lunch Time
Naiilang na napapatingin ang tatlo na sina Alex, Roy at Jane kina Reileigh at Blaise. Hindi nila alam kung ano ang nangyari pero kanina pang may galit na ekpresyon sa mukha ang dalawa habang kumakain.
"May alam ba kayo na nangyari sa kanila?" ang pabulong na saad ni Jane kay Alex.
Nagkibit balikat naman ito.
"Ikaw Roy?" ang baling nito sa isa.
"Ano bang paki ko dyan sa dalawa? Saka baka may hindi magandang ginawa na naman yang bully diyan." ang masungit naman nitong sagot.
"Nagtanong lang eh." ang nakasimangot na tugon ni Jane.
"Hehe, yaan na lang natin sila." ang sagot na lang ni Alex saka ito kumain ng spaghetti na order nito.
Kanina pa nagtitimpi si Reileigh sa mga kalokohang pinaggagawa ni Blaise, ilang beses na rin silang kamuntik na mapalabas ng kanilang teacher dahil sa ginagawa nitong pagbato bato ng papel sa kaniya. Hindi ba nito mahalata na wala siya sa mood na makipag-usap ngayon? Hindi naman sa, sinasadya niyang hindi ito pansin, sadyang wala lang talaga siya sa mood, kagabi pa.
Pagkauwi kasi nila kahapon ay isang tawag mula sa kaniyang ina ang kaniyang natanggap. Ilang linggo na ring wala pareho ang mga magulang niya at ni isang tawag ay wala siyang natatanggap sa mga ito. Kaya ganun na lang ang kaniyang pagkagulat nang tumawag ang kaniyang ina kagabi. Alam naman na niyang masama ang ibabalita nito o hindi maganda ang dahilan kung bakit ito napatawag. Subalit hindi niya lubos na inakalang nalaman na pala nito ang ginawa niya, na pinaghirapan pa naman niyang huwag malaman ng mga ito.
Kahit nga si Blaise o ni isa man sa mga kaklase at mga guro niya ay walang nakakaalam doon. Pero kahit na ganun ay nalaman pa rin ng kaniyang ina at agad na pinakansela ang form na ipinasa niya. Isa yung application form sa isang website na naghahanap ng mga kalahok sa isang All About Space Competition, mag mula sa poster making, poem, short stories at iba pa.
Umasa pa naman siyang makakalusot siya at hindi iyon malalaman ng kaniyang ina, pero nagkamali siya. Sa isang iglap lang ay naglaho ang lahat ng pinaghirapan niya.
"Ano na naman ba itong nalaman laman ko ha? Ilang beses ko bang dapat sabihin sa iyo na huwag na huwag kang sumasali sa mga contest na iyan! Pinapayagan ka lang naman namin dahil ang mga guro mo ang may gusto. Paano na lang kung natalo ka sa kompetisyon na ito? Ipapahiya mo lang kami ng papa mo, alam mo ba iyon?!"
Nawalan tuloy siya bigla nang ganang kumain nang maalala niya ang sinabi ng kaniyang ina kagabi. Napansin naman iyon ni Blaise at sa wakas ay napagtantong mukhang may problema si Reileigh, kaya humupa rin ang kaniyang galit. Maging ang tatlo ay natahimik din at nag-aalalang napatingin kay Reileigh.
"Kuya Rei? Ayos ka lang po ba?" ang tanong ni Alex.
Pero tanging isang tipid na tango lang ang itinugon ni Reileigh sa kaniya bago ito tumayo.
"Mauna muna ako, may pupuntahan lang ako saglit." ang paalam ni Reileigh bago niya iwanan ang mga ito.
Agad namang tumalim ang tingin ng tatlo kay Blaise.
"Ikaw! Anong ginawa mo sa kaniya ha?" ang masungit na tanong sa kaniya ni Jane.
Iritable naman siyang tinapunan ng tingin ni Blaise.
"Tss. Ano bang malay ko sa may saltik na iyon. Eh lagi naman yang galit sa akin. Diyan na nga kayo." ang iritable niyang sagot saka siya tumayo at maangas na naglakad palayo at nagpanggap na pabalik na sa classroom ang tungo niya.
Pero ang totoo, ay pasimple niyang hinanap si Reileigh, subalit lahat na ata nang alam niyanh posibleng puntahan nito ay tinungo na niya. Ngunit bigo siyang mahanap ito dahilan upang mas lalo siyang mag-alala. Bagsak ang balikat na bumalik siya sa kanilang classroom, sa pag-asang baka pumasok na ito. Pero nalaman na lang niyang nagtungo ito sa clinic upang kumuha ng permiso na pauwiin dahil masama raw ang pakiramdam nito. Wala naman siyang nagawa kundi ang maupo na lang at tignan ang katabing upuan, na kasalukuyang bakante.
'Ano kayang nangyari doon?' ang tanong niya sa kaniyang sarili.
~~~~Raica Kaihawa
Thanks for reading :)
Comments (0)
See all