Chapter Six Part I: Best friend.
"Salamat po Butler Arman." ang nakangiting sabi ni Reileigh sa head butler ng kanilang pamilya.
Ngunit kahit nakangiti man siya ay bakas pa rin sa mga mata niya ang kalungkutan. Nginitian naman siya ni Butler Arman saka ginulo ang kaniyang buhok.
"Ikaw talagang bata ka, ilang taon mo na ba akong kasangga sa mga kalokohan mo?" ang pabiro nitong sabi sa kaniya.
Napayuko na lang siya at patagong ngumiti.
"O siya, maiwan na kita rito, hanapin mo lang ako kung may kailangan ka, ok?" ang malumanay pa nitong sabi.
Napangiti na lang ito nang hindi pa rin siya sumagot at nanatiling nakayuko lang. Pagkatapos ay saka siya nito tuluyang iniwanan sa kaniyang silid. Mabuti na lang talaga at sinakyan nito ang kasinungalingang ginawa niya kanina sa clinic ng kanilang school l, kaya pinayagan siyang makauwi ng Nurse. Totoo namang masama ang pakiramdam niya at matamlay siya ngayong araw, iyon nga lang ay iba ang kaniyang rason kung bakit ganoon ang kaniyang pakiramdam.
Nang marinig niya ang pagsara ng pinto ay agad siyang pabagsak na humiga sa kama at tulalang tumingin sa kisame. Kahit na ayaw niya, kahit anong klaseng pagpigil niya sa sarili na balewalain na lamang ang mga nangyari kagabi katulad ng parati niyang ginagawa, ay hindi niya magawa. Dahil malinaw na malinaw ang mga itong bumabalik at paulit ulit na nagpapakita sa kaniyang isipan. Akala niya talaga ay ayos na ang lahat, pasado naman na siya at tinanggal na ng mga ito ang kaniyang application form at gawa. Hinihintay na lang niyang sumapit ang araw na ito, dahil ngayong gabi na gagawin ang paligsahang kanilang ginawa
Naimahe na nga niya ang sariling dadalo at bitbit ang kaniyang obra na puno ng saya at pananabik. Pero isang tawag lamang mula sa kaniyang ina ay naglaho ang lahat ng mga ito na parang bula. Wala sa sariling inabot ng kaniyang mga kamay ang kaniyang unan at saka mahigpit iyong niyakap sa kaniyang dibdib. Pagkatapos ay marahan niyang ipinikit ang kaniyang mga mata, hindi na rin siya nag-abalang hubarin ang suot niyang uniform. Dahil ang nais niya lamang ay magkaroon ng katahimikan ang kaniyang isipan at makalimutan kahit sandali ang kaniyang dinadamdam.
Pero bago niya tuluyang maipikit ang kaniyang mga mata ay malungkot at may sakit sa mga matang tinignan niya muna ang isang parisukat na bagay, na tinatakluban ng isang puting tela, na makikitang nakatayo sa tabi ng kaniyang maliit na lagayan ng mga libro.
Nasayang lang ang lahat ng kaniyang pinagpaguran.
NAGISING na lamang siya nang makarinig siya ng mga kaluskos at mahinang pagsinghap. Dahan dahan at kinukusot kusot niyang iminulat ang kaniyang mga mata, pero dahil naalimpungatan siya ay hindi agad rumehistro sa kaniyang isipan ang kaniyang mga nakikita. Ang alam lang niya ay may tao ngayon sa kaniyang silid, may kadiliman na rin ang paligid at bukas ang pinto ng kaniyang kuwarto. Marahan siyang umupo sa kaniyang kama at muling pinilit na imulat ang kaniyang mga mata.
Pero nawala ang kaniyang antok nang mapansing niyang wala na ang puting telang nakataklob sa painting na ginawa niya. Ngunit mas nagulat siya nang makita niya si Blaise na nakatayo sa harap ng painting at hawak nito sa mga kamay ang puting tela na pinangtakip niya doon. Bahagya siyang namula sa hiya at agad na napatayo.
"B-Blaise? A-anong ginagawa mo rito? Saka bakit mo pinakielama iyan?!" ang naiinis niyang sabi sabay marahas na kinuha ang puting telang nasa kamay ni Blaise.
"Bakit mo ito tinanggal?" ang dagdag niya pa.
"Sorry na, na-curious lang ako." ang nakaiwas ang tinging sabi nito.
"Ganun lang iyon? Na-curious?" ang inis pa niyang sagot sabay talikod dito at saka niya muling tinakpan ng puting tela ang gawa niya.
"O-oy! Bakit mo tatakpan? Maganda naman ah, saka tinitignan ko lang naman, masama ba iyon?" ang pagpigil nito sa kaniya.
Pero hindi naman niya inintindi ang papuri nito sa kaniyang gawa dahil naiinis pa rin siyang pinakielam nito ang gamit niya ng walang paalam.
"Oo. Masama talagang mangielam ng isang bagay na hindi sa iyo!" ang inis niyang sagot.
"Sorry na nga diba?"
"Tsk. Sorry? Bakit ba kasi ang hilig mong mangie-"
Napahinto siya't napasinghap nang bigla siyang yakapin ni Blaise mula sa likod.
"H-huy! A-anong ginagawa mo?" ang nauutal niyang tanong.
"Shh." ang pagpapatahimik nito sa kaniya.
"Anong? Huy! Nababaliw ka na ba? Ano ba'ng ginagawa mo? Bitiwan mo na nga ako." ang sabi niya pa habang pilit na tinatanggal ang mga kamay nitong nakayakap sa kaniyang bewang.
Hindi naman ito sumagot at sa halip ay binitiwan siya nito saka siya hinawakan sa kaniyang mga balikat at inikot paharap rito.
" Halika, may pupuntahan tayo." ang nakangiti nitong sabi sabay hila sa kamay niya.
"Huh? Teka! Saan naman tayo pupunta?"
"Basta." ang nakangiti nitong sagot.
Habang patuloy pa rin siya nitong hilahila palabas ng kuwarto niya. Kapwa pa sila naka uniforme at mukhang walang balak na magpalit noong makababa na sila ng hagdan.
"Eh paano kung ayokong sumama?" ang banta niya, na ikinangiti lang nito.
"A-ah. Hindi ka pwedeng tumanggi, may kasunduan tayo di ba? Pinalagpas ko na nga iyong ginawa mong pag-iwan sa akin sa school eh. Kaya ngayon, sasama ka sa akin, sa ayaw o gusto mo."
Napabuntong hininga at napailing na lang siya habang nagpapahila rito. Bigla naman siyang napatingin sa mukha nito nang pisilin nito ang kamay niyang hawak nito. Hindi naman siya nito nilingon at sa halip ay nagsalita lang.
"Magugustuhan mo doon, panigurado." ang may ngiti sa labing sabi nito.
Napatitig na lang siya sa mukha nito at napaisip.
Saan naman kaya siya nito dadalhin?
~~~~Raica Kaihawa.
Thanks for reading :)
Comments (0)
See all