Chapter Six Part II
Hindi makapaniwala at walang pagsidlan ang mga emosyong naghalo halo ngayon sa loob loob ni Reileigh, nang dalhin siya ni Blaise sa lugar na hindi niya aakalaing pagdadalhan nito.
"Pa-paano mo nalaman ang tungkol dito?" ang hindi niya makapaniwalang tanong kay Blaise.
Napaiwas naman ng tingin sa Blaise at napakamot sa pisngi nito. Ngayon lang niya kasi nakitang puno ng emosyon ang mga mata ni Reileigh. Madalas kasi iyong walang emosyon o guwardiyado, na para bang takot itong magpakita ng emosyon. Kaya nga niya ito madalas pikunin dahil iyon lang ang emosyong kaya niyang maipalabas mula rito.
"Tinanong ko si Butler Arman. Pansin ko kasing mas malapit kayong dalawa kaya siya agad ang tinanungan ko kanina. Saka nalaman ko ring siya ang nagsundo sa iyo kanina." ang medyo pabulong niyang sagot.
"Maligayang pagdating sa Its All About Science Junior Exhibition! Huwag kayo, kahit mga bata lang ang mga kalahok natin ay tinitiyak kong mamamangha kayo sa kani kanilang dalang master piece! Ano pang hinihintay natin?! Umpisahan na ang kompetisyon at atin nang husgahan ang kanilang mga obra!" ang puno ng buhay na anunsyo ng MC ng patimpalak na nakangiting nakatayo sa tapat ng pintuan ng gusali kung saan naroon ang mga gawa ng mga lumakhok. Kasabay nun ay ang pagbubukas ng dalawang pinto at isa isa nang pumasok ang mga taong kanina pa naghihintay sa labas ng gusali.
Oo, tama kayo ng hinuha. Dinala lang naman si Blaise sa lugar kung saan dadausin ang kompetisyong sinalihan niya. Hindi siya makapaniwalang makakapunta pa rin siya dito kahit na kinansela na ang kaniyang application form.
Bigla namang nawala ang ngiti sa kaniyang mga labi at mga mata, nang maisip niyang baka magalit ang kaniyang ina oras na malaman nitong dumalo pa rin siya rito.
"Anong problema?" ang biglang tanong sa kaniya ni Blaise, napansin siguro nito ang biglang pagbabago ng kaniyang emosyon.
"Umuwi na lang tayo." ang walang emosyong sagot niya sabay talikod at naglalakad pabalik sa sasakyan nila.
"Hah?! Sandali!" ang pagpigil sa kaniya ni Blaise.
Hinawakan pa siya nito sa kaniyang braso upang tumigil siya sa kaniyang paglakad.
"Ano ba iyang sinasabi mo? Ayaw mo ba rito? Akala ko pa naman magugustuhan mo ang lugar na ito. Pero tuwang tuwa ka naman kanina ah?" ang nagugulahan nitong sunod sunod na tanong sa kaniya.
Napayuko lang siya at hindi sumagot.
"Tsk. Hali ka nga. Sulitin na lang natin ang pagpunta dito at tigilan mo na iyang pag-e-emote mo." ang seryoso nitong sabi sabay hatak sa kaniya papasok sa loob ng building.
Mula sa gilid ay bahagya siyang nilingon nito, tapos ay bigla siya nitong ngitian at saka sinabing....
"Isa pa, bawal ka lang naman sumali pero hindi ang pumunta di ba? Saka akong bahala sa iyo, kaya huwag ka nang mag-alala ok?"
Hindi niya alam pero parang biglang naglaho lahat ng mga masasamang ala-ala niya kay Blaise ng mga sandaling iyon. Para bang ibang Blaise ngayon ang kaharap niya at hindi ang makasarili, mayabang at nakakainis na Blaise na una niyang nakilala. Napayuko na lang siya't pasimpleng napangiti, hindi na rin siya umangal pa at nagpahila na lang siya kay Blaise papasok sa loob.
Mas lalo naman siyang nagulat at natuwa dahil nakikita niyang nag-e-enjoy din si Blaise sa mga nakita nila sa loob. Inaasahan niya kasing mababagot lang ito dahil hindi naman niya ito nakikitaan ng kahit anong interest sa mga ito. Pero nagkamali siya. Nagustuhan din niya ang mahusay nitong pagsuri at paghusga sa mga gawa ng mga kalahok.
Hindi niya akalain at hindi niya ni minsan naimaheng magiging masaya siyang kasama si Blaise. May itinatago din palang bait ang loko.
SA Mansyon ng mga Santiago.
"Hays! Grabe! Napagod ako doon ah!" ang komento ni Blaise sabay pasalampak na humiga sa kaniyang kama.
Kakatapos lang nilang maligong dalawa at ngayon nga ay kasalukuyang nakatambay sila sa kaniyang silid. Siya naman ay nakaupo sa gilid ng kama katabi nito at pinapatuyo ang kaniyang buhok gamit ang isang maliit na puting tuwalya.
"Buti na lang at wala ding pasok bukas!" ang dagdag pa nito.
Napasimangot naman ito nang hindi pa rin siya nagsasalita.
"Woi! Kausapin mo naman ako. Bakit ba ang tahimik mo masyado?" ang tanong nito sa kaniya.
"Eh bakit din ang ingay mo?" ang balik tanong naman niya.
Napaismid naman ito sa kaniya tapos ay bigla itong napatingin sa painting na gawa niya.
"Ano na nga pala ang plano mo diyan?" ang tanong nito bigla sa kaniya sabay nguso sa painting niya..
Napatitig naman siya doon at napakibit balikat.
"Baka ibigay ko na lang uli sa bahay ampunan o kaya bahala na si Butler Arman kung anong balak niya diyan."
"Pwede ko bang itago?"
Nabigla naman siya sa tanong nito kaya napatingin siya rito. Hindi naman ito nakatingin sa kaniya at nanatili lang na nakatingin sa gawa niyang natatakpan pa ng puting tela. Na ikinapapasalamat naman niya, dahil doon ay hindi nito nakita ang pamumula ng kaniyang mga pisngi.
"At aanhin mo naman iyan?" ang tanong niya.
Wala naman kasi siyang makitang espesyal doon. Simpleng painting lang naman iyon ng solar system pero mas naka-focus ang gawa niya sa planetang Pluto.
"Kakainin ko. Malamang idi-display ko dun sa kuwarto ko. O di kaya ay ibigay ko kay Mommy para ilagay doon sa kuwarto ko sa bahay." ang sagot naman nito.
"Bahala ka." ang sagot na lang niya.
Tapos ay binalot na naman sila ng katahimikan.
Sa totoo lang ay kanina pa niya gustong magpasalamat kaso ay nahihiya naman siya.
"Oh? Napaano ka na naman?" ang biglang tanong nito.
"Wala."
"Wala daw eh mukha ka nang matatae diyan." ang nang-aalaska nitong sabi.
"Psh."
"Ano nga kasi?" ang pangungulit pa nito.
"Salamat." ang tipid at halos bulong sa hangin niyang sabi.
"Ha? Paki ulit, hindi ko kasi narinig."
"Ang sabi ko. Salamat pala kanina."
Bigla naman itong napangiti ng malapad na ikinairita naman.
"Haha. Wala iyon. Ano pa at naging magbest friend tayo." ang nakangiting sabi nito.
Napatawa naman ito nang makita ang halos malukot niyang mukha dahil sa sinabi niya.
"Best friend ka diyan."
"Hep hep hep! Bawal kumontra. Basta mag mula ngayon, mag best friend na tayo." ang ngiting ngiting sabi nito sa kaniya.
Hindi niya rin tuloy maiwasang mapangiti rin.
~~~~Raica Kaihawa
Comments (0)
See all