MAG-ISA NA NAMAN si Cass sa susunod na araw. Hindi na niya naabutan si Ansel at katulad nang nangyari kahapon, nagpadala ito ng breakfast niya. Ang pinagkaiba lang hindi na Yakult ang isinama ni Ansel, isang nakabukas ng bote ng Dutch Maid ang pinakuha nito.
Magsisinungaling siya kapag sinabi niyang hindi niya na-apreciate iyon. It was surprising even that he was paying attention to that detail. Nasabi niya kasi kahapon na baka ang Dutch Maid na ang magiging favorite drink niya. It was a casual comment. Kahapon rin niya nalaman na ayaw talaga nito nang matatamis dahil kahit na kinuha nito ang Dutch Maid, hindi rin naman nito natagalan kaya ibinigay rin lang naman nito iyon sa kanya.
Napailing na lang siya sa alala at inubos ang Dutch Maid bago nagpasyang lumabas na sa cabin.
Mukhang maganda ang araw ngayon at ang nag-iisa niyang agenda ay mag-trekking. Marami kasing trekking lanes na pwedeng lakarin sa Villa Montenuma. Base sa guide book, may tatlong trekking lanes: ang Magnolia, Marigold, at Primrose. Ang Magnolia ang pinakamahaba at ang aabot sa pinakamalalim na parte ng kagubatan. Ang Marigold naman ang nasa gitna dahil nag-e-end lang ang area sa common Park. Ang Primrose naman ay para sa mga casual trekkers lang.
She felt adventurous today, kaya pinasya niyang kunin ang Magnolia. Ngayon, siniguro niyang kompleto siya sa snacks at sa tubig. Mahirap na kung ma-stranded na naman siya nang wala sa oras. Nakuha na rin niya ang number ni Ansel kahapon pati na ang number ng manager ng minivan kaya kung gusto niya ng may masasakyan, hindi na siya mahihirapan.
Dala dala na rin niya ang mapa para sa Magnolia Trekking Lane. And when she's finally ready, sinimulan na niya ang paglalakad.
Dahil maaga siyang pumunta, wala pang ibang nagtatangkang mag-trek sa Magnolia. Ang mga nakita niya pa lang ay mostly sa Marigold pumupunta. Plano niya namang gawin mag-isa ang pag-tre-trek na iyon kaya hindi na niya inisip kung may kasama siya. Sa halip, nag-enjoy na lang siya.
Nature was all around her. Puro puno lang ang nakikita niya at ni wala ni isang indikasyon ng modern world sa trekking lane ng Magnolia. Pati ang mga signboards ay gawa sa kahoy sa halip na yero. Ganoon rin sa ibang mga lane pero mas na-advertise iyon sa Magnolia.
Huminga siya nang malalim para papasukin sa kanyang mga baga ang fresh air.
Buti na lang talaga at natuloy siya. She had never taken a vacation even once since nagsimula siyang magtrabaho. Natanong na nga ni Greta kung nag-iipon ba siya ng bakasyon o ayaw lang talaga niyang lumabas.
Kung tatanungin siya ngayon, it was more like she didn't think she deserved it at first. Mahal din kasing mamasyal mag-isa ka man o may kasama. Naisip niya lang na mas mapapakinabangan niya ang maiipon niya sa ibang paraan tulad ng bills at emergencies. Hindi pa naman niya kailangan tumulong sa mga magulang sa pagpapaaral sa kanyang nakababatang kapatid ngunit nagsisimula na rin siyang magpadala ng pera.
Dito nga lang siya napilit ni Greta na pumunta dahil sagot naman ng Villa ang lahat ng kailangan niya. Ang ibang hindi libre ng Villa ay hindi naman niya masyadong pinaggagastusan.
And now that she's here, alone and at one with nature, doon niya lang naramdaman ang importansya nang pagkakaroon ng break. Kahit siguro hindi tatlong linggo, kahit mga ilang araw lang. Basta lang maka-unwind siya at makalimot ng konti sa mga responsibilidad na kailangan niyang harapin.
Napapasenti tuloy siya ng wala sa oras. "Keri yan, Cass. Keri natin 'to," pagaalo niya sa sarili. With a bright smile on her face, she kept trodding through the path.
HINDI INAASAHAN NI Cass ang biglang pagbuhos ng ulan. Kapag mayroon man siyang hindi pinaghandaan iyon ay kung ano ang mangyayari kapag umulan. Dahil mukha namang maganda ang panahon kanina, hindi siya nagdala ng payong, dinala lang niya ang fishing hat para hindi siya masyadong mainitan. Hindi niya naman alam na bigla palang uulan.
Buti na lang may makeshift na shade doon. Medyo natutuluan pa rin siya ng ulan ngunit hindi naman gaano.
Wala pa siyang nakitang iba pang nagplanong mag-trek kaya mag-isa siyang ma-stra-stranded doon. Ch-in-eck niya ang kanyang phone at kahit full bars siya, wala naman siyang ma-co-contact dahil walang signal sa parteng iyon ng gubat.
Napabuga siya ng hangin. "Malas ba ako or something..." Bulong niya sa sarili.
Sana lang hindi naman siya abutin ng gabi roon at sana may maghanap ulit sa kanya. Hindi niya lang alam kung posible iyon. Nag-iwan kasi siya ulit ng note at ang natatanging taong makakaalam kung asaan siya ngayon ay si Ansel. Ang problema ang nakalagay naman sa note nito ay ma-le-late itong umuwi ngayon. Napadasal na lang tuloy siya na sana tumila na rin ang ulan.
At nakakailang minuto na ay mas lumakas lang iyon. Napaupo na lang siya sa sariling bag at ngumuya ng energy bar.
Ito ang mahirap kung mag-isa siya nang matagal at walang ibang iniisip, inaatake siya ng hindi magandang pagiisip. Lalo na ngayong na-stranded siya sa gitna ng kagubatan. Napaisip siya ng mga hindi magagandang pangitain at umabot pa siya sa sitwasyong baka mamatay siya roon at walang makakahanap sa kanya. Kinabahan siya at ch-in-eck niya muli ang kanyang phone. Wala pa rin siyang signal.
Takbuhin na lang kaya niya ang natitirang path? Isa na lang naman. Napailing siya sa naisip. Mukhang maputik na ang daan at pwede siyang madisgrasya kapag ginawa niya iyon. Gusto na niyang umiyak. Bakit ba kasi kung kelan pinagdesisyunan niyang maging matapang ng konti ay minalas naman siya?
"Caz?" Tanong ng isang pamilyar na boses na ikinagulat niya.
Comments (0)
See all