"ANSEL, WHAT THE heck?" tanong ni Cass sa binata nang na-realize na niya kung saan siya nito dinala. Hindi kasi nito sinabi sa kanya kung saan sila pupunta, basta ang sinabi lang nito ay magdamit siya nang komportable at kahit mag-light makeup na lang siya. Hindi na siya nagtanong at ngayon pinagsisihan na niya iyon. She should have put two and two together para na-realize niya na sa zipline pala sila pupunta.
"What?" na-amuse namang tanong ng binata nang nakalapit na ito sa kanya. Saglit kasi siya nitong iniwan para kausapin ang staff na naroroon.
"Pwede bang panoorin na lang kita?" tanong niya rito, sinubukan niya pang ngitian ito at baka umobra ang karisma niya kung mayroon man siya.
"Oh no," flat na tonong sagot nito. "Sasama ka sa akin. Ayokong mag-isa."
"Huwaw. Anong pinagsasabi mo diyan?"
Binalingan niya ulit ng tingin ang zipline. Mukhang mataas ito at malayo ang distansya mula sa starting point at sa ending point. Lumakas ang kabog ng kanyang puso at naramdaman niya agad ang pag-nginig ng kanyang mga paa. "Please?"
"Nope," sabi pa rin nito. "Halika na."
Kinuha na nito ang kamay niya at pinagisipan niya kung ano pa ang pwede niyang sabihin para mabago ang isip nito. Nang naroroon na sila sa platform, mas napakapit na lang siya sa kamay nito. Bahala na ito kung ano ang gusto nitong isipin.
"You're trembling," mahinang usal nito at ikinulong nito ang mga kamay niya sa sarili nitong mga kamay. Napatingin siya rito at wala namang ekspresyon ang mukha nito. But judging from his actions... it seems like he's trying to calm her down. This is... nice. "Takot din ako sa heights dati, Caz. Kaso na-bored akong matakot sa heights."
Ano raw? Pwede ba yun?
Pinaningkitan niya ito ng mata. Kakaiba rin ang boredom nito, ano? Ganyan ba talaga ang mga matatalinong tao? Hindi ma-satisfy ng mga maliliit na bagay?
"A-Anong ginawa mo?" naisip niya na lang itanong. Mukha kasing hindi magandang itanong ang mga una niyang naisip.
"Ano pa nga ba? Nag-zipline, nag-sky dive... anything na makakatulong," sabi nito at dahan dahan nitong binitawan ang kanyang mga kamay. "And now it's you turn. Ang first step mo ay ang zipline."
"Pero--"
"Wag kang mag-alala, matibay ang equipment nila. Dumadaan iyan sa maraming test bago nila ipinapagamit. Hindi ba, Ate?"
Tumango naman ang staff na naroroon at hawak hawak na nito ang protective gear. Pasimple pa nitong inilagay ang ilang hibla ng buhok nito sa likod ng tainga nito. Well, what to expect kung may poging biglang kumausap sa'yo?
Huminga siya nang malalim para kalmahin ang sarili pero nanginginig pa rin siya. Kahit siguro huminga siya nang malalim ng maraming beses ay wala pa ring mangyayari.
"F-Fine, I'll try it. Sasama ka ba sa akin?" tanong niya rito. Gusto na niyang hawakan ulit ang kamay nito para manghingi ng lakas, kahit konti lang.
Nakangiti naman itong tumanggi na ikinagulat niya. "Bago ka humirit, just trust me, okay? Basta 'pag andoon ka na sa kabila, makikita mo muli ako roon." At para mas i-assure pa siya nito, mahinang pinisil nito ang balikat niya.
"Seryoso? Matapos ng pep talk mo, 'di ka sasama?" 'di pa rin makapaniwalang sabi niya. Ako lang ang magbubuwis ng buhay? Ang sama naman ng mokong na ito.
"Just trust me."
Huminga siya nang malalim. "Fine. 'Pag namatay ako, Ansel, ikaw ang una kong mumultuhin," banta niya rito at marahang natawa lang ang binata. "Sige, tawa ka pa."
"Ang cute mo, Caz," sabi nito bago siya iginaya sa Ate Girl na nagta-try pa ring magpa-cute kay Ansel kahit na kay Cass lang naman ang atensyon nito.
"Cute ka diyan."
Napailing na lang ito. "Sige. Ate, ikaw na bahala sa kanya, ah? Pupunta lang ako sa kabila."
"Sige po, Sir."
Hindi man lang ito lumingon nang umalis na ito at gustong gusto na ni Cass na batuhin ito ng sapatos. Kung hindi lang siya inaasikaso ni Ate sa safety equipment ay baka sinundan na niya ito. Huminga na lang siya uli nang malalim at nagdasal na sana hindi siya maaksidente sa gitna nang pag-zi-zipline.
PAKIRAMDAM TALAGA NI Cass ay mamatay siya, nagsisigaw lang siya sa kabuuan ng ride, ni hindi siya tumingin ni minsan sa ibaba. Nakapagdasal na rin siya ng ilang beses at natawag na niya lahat nang matatawag niya. Saka lang siya nakahinga nang maayos nang bumalik na ang mga paa niya sa lupa.
"How is it?" tanong ni Ansel na naroroon na katulad nang sinabi nito.
Sa halip na sumagot ay napayakap na lang siya rito. Nanghihina kasi ang tuhod niya at hindi pa siya makatayo. Hindi nagtagal ay naramdaman niya ang mga braso nitong pumulupot sa kanyang baywang. "Are you okay?"
Itinaas niya ang ulo niya rito para magreklamo pero hindi niya nagawa. Bakas kasi sa mukha nito ang pag-aalala kaya sa halip, natawa na lang siya. "A-Ano ka ba? Balak mo talaga akong patayin, ano?" Tanong niya na lang sa nanginginig na boses. "Pakiramdam ko mahuhulog ako anytime dun, sa susunod talaga hindi na ako maniniwala sa iyo."
A small relieved smile crossed his lips. "Oh, Caz..."
"Cassidy nga, ang kulit mo."
"Di ka man lang ba magiging proud sa sarili mo?" tanong nito. "Na-survive mong mag-zipline nang mag-isa. At sabi ko naman sa iyo, hindi ka mahuhulog."
May point nga naman ito at napatango naman siya, pero hindi pa rin nito maiaalis sa kanya ang sobrang kabang naramdaman niya. "R-Right."
Isang click ng camera ang narinig niya bago pa makasagot ang binata. Parehas nilang nilingon ang isang staff na kumuha ng litrato nila. Malawak ang ngiti ng cameraman. "Ibibigay ko na lang po yung picture niyo mamaya, Ma'am, Sir. Ang cute niyo kasing mag-moment, maganda pang advertising ng zipline po namin."
Bigla siyang namula at mabilis pa sa alas-kwatrong kumalas siya rito. Oo nga naman, nakakailan na siya. Buti hindi ito nagrereklamo.
Although, hindi naman niya kasalanan iyon. On both incidents na niyakap niya ito ay dahil sa takot at relief. At nagkataon lang na ito ang naroroon. Kung hindi, baka isa sa mga staff ang niyakap niya pagbaba niya.
Umubo siya sa kamao para itago ang pagkapahiya.
"Basta may bayad kung successful, Kuya," ani ni Ansel sa cameraman. "Ito ang calling card ko, tawagan mo na lang ako, okay?"
"Syempre po, Sir. Hindi po kami tumatanggi sa mga willing."
Nagkatawanan pa sila na parang dati ng magkabarkada. Napailing na lang si Cass sa ginawa nito.
"Tara sa isa pa?" Tanong ni Ansel nang lingunin na siya nito.
"A-Ayoko nga!" agad niyang pagtanggi. Tama na sa kanya ang isang beses niyang pagbubuwis ng buhay.
"Sige na po, Ma'am. Pagbigyan mo na po ang boyfriend mo," sabat ng cameraman. "Kanina pa po siya proud na proud sa'yo habang nagsisigaw ka sa zipline."
Ano raw? "Paano naman siya naging proud sa ganoon?"
Makahulugang nginitian lang siya ng cameraman. "Sige na ho, Ma'am. Mas madali ring bumalik mula sa kabilang zipline kaysa rito. Mahirap din ang nilakad ni Sir para mano-manong makarating. Pagbigyan mo na siya."
Tinitigan niya si Ansel at pasimpleng nag-iwas lang ito ng tingin. Ngunit, halata naman ang maliit na ngiti na gumuhit sa mga labi nito. Huminga siya nang malalim at sumuko na lang gayong dino-double team siya ng mga ito. Mahirap na baka makisama pa sa pang-aasar ang iba pang staff na naroroon.
Ini-strap na rin siya pabalik sa zipline at sumunod naman si Ansel. At least kung mamatay man siya, may kasama siya. Bago pa sila dalhin ng mga staff sa kabila, naramdaman niya ang pagpisil ni Ansel sa kamay niya. Tinapunan niya ito nang nagtatakang tingin at ngitian siya nito. "Pampalakas loob."
Napatango na lang siya at nang gumalaw sila, binitawan na nito ang kamay niya. "Tingin ka rin sa scenery, Caz," pahabol nito. "Andito lang ako."
Andito lang ako, it was a funny thing to hear from him. But it helped her either way... and surprisingly, maganda nga ang scenery.
Comments (0)
See all