Sa pagdating namin nila Kian at Kerr sa Zone 1 Town ay agad naming ginawa ang mga natutunan sa Beginners Training Camp. Mula sa pagbebenta ng mga loot hanggang sa pagbili ng mga kailangan. Dagdag pa doon ay napagpasyahan naming tatlo na maghiwa-hiwalay muna habang namimili at magkita na lamang sa Z1 Inn makalipas ang dalawang oras. Ang Z1 Inn ay ang tanging matutuluyan dito sa Zone 1. At dahil nag-iisa ito ay mahihinuha mo na siguro kung gaano ito kalaki. At dahil doon ay mabilis na itong mahahanap ng lahat, dahil yun lang naman ang pinakamalaking gusali sa buong Zone 1.
Makalipas ang dalawang oras ay nakarating na ako sa Z1 Inn. Pagpasok sa main entrance ng inn ay ang nakita ko agad ang isang malaking dining area.
"Nasaan si Kerr?" agad kong sinabi nang may mapansing mabilis na aninong lumapit mula sa kanan. Halos di iyon mapapansin ng ordinaryong player lamang. Ngunit hindi na bago sa akin ang ganitong pangyayari.
"Napansin mo parin ako do'n sir Dylan? Kalupet naman talaga. Andun si Kerr na-order na ng kakainin natin, libre nya daw eh", tugon ni Kian na nagulat sa tamang prediksyon ko na papalapit sya akin.
"Aba! Dapat lang! Halos reklamo at pagpupulot lang ginawa nya kanina sa field eh", sumbat ko pa pagkarinig na manlilibre si Kerr.
Marahan kaming pumunta sa mesang kinaroroonan ni Kerr. Naabutan pa namin ang ilang order na binanggit nya.
"Padagdag na rin ng tatlong order ng buffalo wings, tatlong large fries saka tatlong slice ng chocolate cake", banggit ni Kerr sa waiter.
"Hanep Kerr! Gutom na gutom ah?", duda kong tanong sa kanya.
"Haha! Minsan lang kumain nang di tumataba eh, lubus-lubusin ko na dito", pagmamayabang nyang sagot.
Matiyaga kaming naghintay sa lahat ng inorder na pagkain ni Kerr. Maingay sa dining area ng inn. Bakas sa mga hitsura ng mga tao dito ang pananabik sa paglalakbay sa bagong mundong ito.
"Mukhang natagalan ka sa pamimili sir Dylan ah? Nangchix ka pa siguro ano?", tanong ni Kian na may halong pang-aasar.
"Baka nangchix! May hinanap lang akong skill pampabilis magpalevel at magpayaman dito sa Zone 1", pagpapaliwanag ko na may kasamang pang-uuyam.
Panandaliang tumigil ang ingay sa dining area ng inn nang may pumasok na isang grupo. Lima ang miyembro ng grupong ito. Hinuha ko ay isang lalaking knight, dalawang lalaking mage, isang babaeng fighter at ang isa ay kulay puting knightess. Maangas ang paglalakad ng limang ito papunta sa isang bakanteng lamesa malapit sa entrada ng dining area.
"Hindi ba si Blood Queen yon?", narinig kong usapan sa kabilang mesa.
"Oo, at yung grupo nila ang pinakamalakas sa squad sa guild nila", sagot pa ng isa.
Nang marinig iyon ay bakas sa galaw ng puting knightess ang hiya at kaba sa kanyang paglalakad. Dali-dali itong dumiretso sa bakanteng lamesa at pumwesto na sa upuan noon.
"Kian, anong alam mo sa kanila?" agad kong tanong kay Kian.
"Since maraming nagmamadali magpalakas dito sa mundong ito, marami na ring guild na nagregister. Isa na don ang Evangelion Guild na mula pa noong game palang to ay sikat na. At sa guild na iyon, sila nga ang pinakamalakas." bulong ni Kian.
"Kaunti pa lamang ang nasagap kong balita sa kanila pero yung isang mage na lalaki na nakakulay bughaw ay si Sul, na siya ring guild master ng Evangelion. Kilala siya sa pagiging Magic Assassin dahil sa bilis at lakas ng magic damage ng kanilang grupo. Ang mage na nakaitim ay si Gian, ang Flame Magician. Ang Explosive Knight na si Neri, at ang asawa niyang Valiant Warden na si Mimi. At yung nakaputi ay ang White Knightess na si Aria, pero mas kilala ng lahat sa tawag na Blood Queen.", dagdag pang sagot ni Kian.
"Pa'no naman siya tinawag na Blood Queen?", tanong ni Kerr habang ngumunguya ng french fries.
"May nakakita daw sa grupo nila habang nagpapalevel sa Wolf Zone, at nakita kung gaano kagigil at tuwang-tuwa pumatay ng mga lobo si Aria. Na umabot sa punto na kulay dugo na lahat ng kasuotan nito.", kwento pa ni Kian.
"Wolf Zone? Sa Q5 na yon ah! Ang lakas na naman pala nila", gulat na tugon ni Kerr.
Maging ako ay nagulat din sa impormasyon na ipinaalam ni Kian. Ang Zone 1 ay binubuo ng tatlong malalaking parte. Ang Quadrants, Main Roads, at Town Area.
Ang Town Area ay itong kinalulugaran namin ngayon, isang safe zone na maaaring makapagpahinga ang mga players.
Ang Main Roads na siyang daanan ng players. Dalawa ang Main Roads dito sa Zone 1. Ang BTC-Z1 Main Road na kalsada mula Beginners Training Camp patungong Z1 Town, at ang isa pa ay ang Z1-Z2 Main Road na daan naman na magkokonekta mula sa Z1 Town papuntang Z2 Town. Ngunit sa ngayon ay hindi pa kami maaaring dumaan sa Z1-Z2 Main Road dahil kailangan pang mapatay ang Zone Boss sa lugar na ito.
At ang pinakamalaking bahagi ng Zone 1 na ito ay ang Quadrants. Anim ang quadrants dito, ang Q1, Q2, Q3, Q4, Q5 at Q6. Dahil level 8 pa lamang kaming tatlo, Hanggang Q4 lamang ang maaari naming marating. Bawat Quadrant ay may level requirement upang makadaan dito. Mula sa Q1 na level 2 ang requirement, ay tataas ng 2 level ang requirement sa bawat pagtaas ng Quadrant number. Dahil ang Wolf Zone ay parte ng Q5, malamang ay level 10 pataas na ang Prime Squad ng Evangelion.
"Mukhang gusto ipakilala ng Evangelion kung gaano sila kalakas sa larong ito nung nasa dating mundo pa tayo ah", pagpapaalala ni Kerr.
"At mukhang kailangan narin natin maghabol ng level kung hindi, mauunahan pa tayo sa first drop ng SB", mahinang tugon ko sa dalawa.
"Alam nyong kailangan ko yung drop na yun dahil nandoon yung ano", paalala ko pa.
Sa pagkakasabi ko ng mga salitang iyon, ay bakas sa dalawa kung gaano kaseryoso ang sitwasyong aming kinalalagyan. Pagkat ang first drop ng Secret Boss o SB na yon ay naglalaman ng aming mga paborito.
"Pero base sa calculation ko sir, mukhang mauuna parin sa atin makarating ng Q6 yung prime squad ng Evangelion ah", hinaing ni Kian na mukhang namomroblema na.
Ipinaliwanag ko sa kanilang dalawa ang bagong planong aking naisip upang hindi masira ang aming plano para sa SB. At nang maintindihan nang mabuti ng dalawa ang aking balak ay bakas ang kumpyansa sa kaninang di maipintang mukhang ng mga ito.
"Tang**a! Pa'no mo naisip yon??", manghang tanong ni Kerr.
"I see. Posible nga yon sir, kung masusustain natin yan ay tiyak na makakahabol nga tayo", sang-ayon pa ni Kian.
Matapos ang namin maubos lahat ng inorder ni Kerr ay naghanda na kami upang magbanat ng buto sa pagpapataas ng level. Mga health at mana potions, mga bagong bagong equipment, at syempre ang mga bagong skills na kailangan namin para sa maitim na balak.
"Hoy Kerr! Baka mali pa nabili mong skill kanina ha? Hayop ka i-check mo nga ulit.", paninigurado ko.
"Sakin sir hindi mo ipapacheck?", tanong ni Kian.
"H'wag ka na! Sigurado akong ilang beses mo na tiningnan yan pati yung paborito mong 20 mana potion stock sa inventory.", pabiro kong sagot kay Kian.
"Hoy Kerr!", sita ko sa kanya na mukhang 'di ako narinig kanina dahil palinga-linga pa sa mga tao sa Dining Area.
"'Eto na nga i-checheck ko na. Hala! Di pa pala nakaequip.", sagot ni Kerr.
"Sabi na eh! Tsk! Tsk!", sambit ko pa na may kasamang pag-iling ng ulo.
"Gago sorry!", paumanhin ni Kerr na kasunod ang tawanan naming tatlo.
Ilang minuto pa ay lumabas na kami sa Z1 Town. At kagaya ng nabanggit ko sa plano ay agad kaming dumiretso sa Quadrants ng Zone 1. Ito ay nahahati sa anim: Ang Q1 na nasa pinakataas na kaliwang bahagi na puro slime lang ang mobs. Ang Q2 na matatagpuan sa ibaba ng Q1 ay sagana naman sa greater slimes. Ang Q3 na nasa pinakababang kaliwa ng Quadrants ay ang lugar naman ng mga lesser goblin. Sa Q4 na nakalagay sa pinakababang kanan ng quadrants ay makikita ang mga goblin. Sa itaas ng Q4 ay ang Q5 na mas sikat sa tawag na Wolf Zone. At ang pinakataas na kanang bahagi ng Quadrants ay ang Q6, kung saan makikita ang Hobgoblins, Zone 1 boss na Goblin King, at ang pakay naming Secret Boss.
Comments (0)
See all