Tahimik akong nakinig sa kanilang usapan.
Tinatrato nila akong tila wala sa silid, samantalang ang kanilang mga mata ay nakatitig kay Marius na mangiyak-iyak sa kanilang harapan. Hinawakan ni itay ang buhok ni Marius na napapikit sa takot. Iniangat niya ang kaniyang mukha. Nakita ko ang luhang tumulo sa pisngi ng aking bagong kaibigan.
"Bitawan ninyo siya!" bigla kong nasambit.
Napatingin sa akin ang dalawa na mistulang nagulat sa aking presensya.
"Hindi ba ninyo nakikita na hindi naiintindihan ni Marius ang mga pangyayari? Natatakot siya sa mga sinasabi ninyo!"
Hinatak ko si Marius palayo at niyakap siyang mahigpit. Humihikbi niya akong niyakap pabalik at tahimik na umiyak sa aking dibdib.
"Hanggang ngayon ay hindi pa rin ninyo ipinaliliwanag ang lahat sa amin," wika ko. "Dapat yata ay hindi ko kayo pinapasok sa aking silid!"
"Theodorin. Tumahimik ka," sabi ng aking ama na nanlilisik ang mga mata, ang kaniyang tinig, malakas, galit. "Ikaw ay anak ko lamang, at ako ang Emperador. Ang lakas ng loob mong magsalita nang ganiyan sa iyong Emperador." Lalong napa hagulgol si Marius.
Galit na tumayo ang aking ama at itinaas ang kanang kamay. Dumadaloy ang kidlat dito at itinuro niya iyon sa direksiyon namin ni Marius.
"Ibigay mo sa akin si Prinsipe Marius!" utos niya.
"Maghunos dili ka, Emperador Leonsio."
Lumapit si Haring Domingo sa aking ama at hinawakan siya sa braso. Biglang nanlambot ang mga tuhod ng aking ama na halos mahulog sa lapag, ngunit nasalo siya ni Haring Domingo. Ang ama kong napakalaking tao ay kinarga niya na parang isang munting paslit, at ihiniga sa aking kama.
"Anong ginawa mo sa aking ama?!?" sigaw ko sa kaniya, handang tumawag ng kapangyarihan upang kalabanin siya.
"Huwag kang mag-alala. Pinatulog ko lamang siya," kalmado niyang sagot. "Sabihin mo sa akin, Prinsipe Theodorin, paano mo nagawang tanggalin ang maskara sa mukha ng aking anak?"
"Bakit hindi mo siya tanungin?" Pabalang kong sagot.
"Marius?" tawag niya sa kaniyang anak.
Hinarap niya ni Marius.
Nakangiti siya, walang markang galit ang kaniyang makinis na mukha at ubeng mga mata. "Maari mo bang ilaad sa akin ang mga pangyayari?" Umiling si Marius, natatakot mag-salita sa kaniyang ama. "Huwag kang mag-alala, anak," pang-aamo niya, "hindi ako basta-basta tatalaban ng iyong mahika. Tandaan mo, ako ang hari ng mga enkantado sa isla ng Hermosa. Isa rin akong Dilang Pilak na may dugo ng mga diwata." Ngumiti siya at hinawi ang pilak na buhok ni Marius.
"Ama..." ani Marius, "nais lang namin makita ang aking mukha..." paliwanag niya, "ipinakita sa akin ni Marius ang salamin, at pareho kaming nagtaka kung bakit tila may sumpa ang maskara na nakasuot sa akin..."
"Kaya ba naisipan ninyo itong alisin?"
"Ako po ang nag-utos sa kaniya na alisin ang maskara. Ako ang nagtanggal nito," singit ko habang masama ang tingin sa hari ng Hermosa. "Walang anu mang kasalanan si Marius!"
"At paano mo naman nagawa iyon, Prinsipe Theodorin?" tanong ni Haring Domingo sa akin.
"Naalala ko po ang isang kuwento kung saan ang sumpa ay natanggal sa pamamagitan ng isang halik..."
"Isang halik?" Napatawa bigla ang hari ng Hermosa. Ang tinig niya ay parang mga ibong nag-aawitan sa umaga. "Napaka simpleng lunas – ang halik ng tunay na pag-ibig!" Patuloy siyang tumawa.
Napatingin ako kay Marius na nakangiti sa kaniyang ama, at napangiti na rin ako. Maya-maya ay tatlo na kaming tumatawa sa loob ng silid habang ang ama ko ay patuloy na natutulog nang mahimbing.
"Itay, totoo po ba na mapanganib ako sa ibang tao?" tanong ni Marius sa kaniyang ama. "Kailangan ko po bang magsuot muli ng maskara? Habambuhay?"
Malungkot na tinitigan ni Haring Domingo ang munting prinsipe. Napabuntong hininga siya at niyakap ang kaniyang anak.
"Hayaan ninyo akong magpaliwanag," tumingin siya sa akin. "Sapagkat ang bagay na ito ay nauukol sa inyong dalawa."
"Ang mga purong maharlika na mula sa pamilyang Ravante ay may lahing diwata," paliwanag niya, "kaya tayo ay ipinapanganak na mga enkantadong malakas ang kapangyarihan sa mahika. Ang elemento natin ay tubig na nagbibigay ng buhay, at ang ating kapangyarihan ay ang pagmamanipula sa mga bagay na may buhay."
"Isa sa mga katangian ng mga pamilyang Ravante ay ang napaka gandang mukha na nakakapang-akit, lalo na sa mga nilalang na mas mahina sa atin. Isa pang kakayahan na bihirang lumabas sa ating dugo ay ang 'Dilang Pilak', na siyang namana nating dalawa. Sa pamamagitan nito ay maaari nating utusan ang sino man o anu man sa pamamagitan lamang ng salita, basta malaman natin ang tunay nitong pangalan."
"Ngunit, bakit po hindi ako tinatablan ng kapangyarihan niya?" tanong ko.
"Matalino ka para mapansin ang bagay na iyan, Prinsipe Theodorin," sagot ng hari, "at ang sagot dito ay sasabihin ko mamaya..."
Nagpatuloy ang paliwanag ni Haring Domingo.
"Tulad nang aking sinabi, bihira ang mga Ravante na nagkakaroon ng kakayahan na Dilang Pilak. Sa isang pamilya, iisa lang ang nagmamana nito, at iyon ay laging nasa punong pamilya lamang. Paminsan ay ni hindi ito lumalabas sa isang henerasyon. Ito ang dahilan kung bakit tanging mga purong Ravante lang ang maaring magpakasal sa isa't-isa," patuloy niya. "Ngayon, ang bawat Dilang Pilak na lumalabas, ay may isang 'kabigkis' na makakasama nila sa habambuhay..."
"Isang 'kabigkis'?" tanong ko.
"Oo," sagot ni Haring Domingo. "Isang tao na tanging makakalabag sa kaniyang mga utos."
"Isang tao... na `di tatablan ng kaniyang enkanto..." Napatingin ako kay Marius na napatingin din sa akin. "Ako po ba ang tinutukoy ninyo?"
Ngumiti si Haring Domingo at hinawakan ang aking kamay.
"Alam mo ba kung ano ang kapangyarihan ng iyong pamilya, Prinsipe Theodorin?"
"Hawak namin ang kapangyarhan ng kidlat at ng hangin!" mabilis kong isinagot. "Kami ang pinaka makapangyarihan sa buong daigdig!"
Lumaki ang ngiti sa mukha ng hari.
"Maari nga," wika niya, "ngunit `di lang hangin at kidlat ang sakop ng iyong kakayahan."
Mula sa aking palad, nagsulat siya ng simbulo ng tubig. Agad umagos ang malamig na tubig mula sa aking kamay.
"Kaya mo ring kontrolin ang ibang mga elemento."
Ngayon naman ay simbulo ng puno ang sinulat niya sa aking palad na tinubuan ng baging. Sa gulat ko ay hinatak ko palayo ang aking kamay.
"Paano mo iyon nagawa?" tanong ko sa kaniya.
"Ikaw ang may gawa noon, ginabayan ko lang ang iyong kapangyarihan," sagot niya. "Ikaw ay isang Gintong anak ng Heilig, isang 'Hari ng Elemento' na kayang manipulahin ang lahat ng elemento sa mundo, at tulad ng Dilang Pilak, ay miminsan ka rin lamang ipanganak sa inyong pamilya," patuloy niya. "Pero hindi lang iyon ang kaya mong gawin."
Tinawag ni Haring Domingo si Marius mula sa aking tabi at ipinag-hawak ang aming mga kamay. "Marius, anak, utusan mo ang bintana na bumukas."
"Ano po kamo, Ama?" tanong ni Marius.
Tinignan namin ang bintana sa aking silid, ito'y gawa sa tanso at pilak at napalilibutan ng makakapal na adobe at bakal. Kasalukuyan itong naka piit.
"Alamin mo ang pangalan ng mga elementong nakalibot sa bintana at utusan mo silang bumukas," ulit ng kaniyang ama.
Tinignan muli ni Theo ang bintana. Tumagilid ang kaniyang mukha at napa-iling, na para bang may pinakikinggan, tapos at bigla siyang nagsalita, "Aez, Argenti, Petram, Ferrum, at Speculo... Bintana, bumukas ka."
Biglang yumanig ang aking silid.
Ang adobeng nakapalibot na aking pader ay bumigay, at tila isang buong nilalang, ay bumukang parang bulaklak, kasama ang bintanang yari sa bakal at salamin! Nagkaroon ng malaking uwang sa gilid ng aking silid, kung saan makikita ang malalim na bagsak mula sa taas ng aking tore patungong lapag ng palasyo.
Napa singhap kami pareho ni Marius.
"Paano ko nagawa iyon?!" tanong ng munting prinsipe.
"Theodorin," tawag sa akin ng hari ng Hermosa, "Ikaw ay isang 'Salamangkerong Lubos'. Alam mo ba ang ibig sabihin noon?"
"Ano po iyon?" tanong ko pabalik.
"Ang Salamangkerong Lubos," wika niya, "ay `di nangangailangan ng mahika mula sa paligid o kalikasan. Sila mismo ay puno ng purong mahika sa kanilang katawan."
"Hindi ko po naiintindihan..."
"Ang pangkaraniwang mga magus ay may mahika sa kanilang katauhan, ngunit ito ay maaring maubos at kinakailangang ipahinga para mapuno muli. Ito ang dahilan kung bakit kumukuha rin sila ng mahika sa kalikasan upang hindi agad maubos ang mahika sa kanilang katawan."
"Tama, kaya't kailangan nating subaybayan at limitahan ang pag-gamit ng mahika sa araw-araw na gawain," pagmamalaki kong sagot.
"Ngunit may isang nilalang, ayon sa mga alamat, na hindi nauubusan ng mahika, kahit gaanong karaming orasyon ang gawin nila."
"Kahit pa mag labas siya ng mahika buong araw?"
"Kahit hanggang gabi pa."
"Ngunit, saan po nanggagaling iyon?" napakunot ang aking noo.
"Walang nakaaalam," sagot niya, "marahil ikaw lang ang maaring makasasagot nito."
Natigilan ako at napatingin kay Marius na nakatitig sa akin nang tagilid.
"Sa mundong ito, may tatlong napakalakas na ankan," patuloy ng hari ng Hermosa. "Ang una ay may kapangyarihan ng buhay na pinanghahawakan ng aming pamilyang Ravante na kayang pasunurin ang lahat ng bagay. Ang pangalawa ay may kapangyarihan ng apoy na hawak ng pamilyang Ignasius sa bansa ng mga bulkan. Sila ang sumisimbulo sa pagkagunaw. Ang wika'tlo at huli naman ay may kapangyarihan ng kalasag na hawak ng pamilyang Heilig. Kayo ang pumo-protekta sa buong Emperyo."
Pinaghiwalay niya ang kamay namin ni Theo at tumingin sa amin.
"Sa mga nakaraang panahon, ang Dilang Pilak ay laging nabibigkis sa mga kapwa engkanto sa aming pamilya."
Hinawakan niya kaming pareho sa ulo at hinatak upang yakapin.
"Sa unang pagkakataon, mula sa sinaunang kabanata ng ating mundo na pinangangalagaan ng mga pantas na mga Ravante, hindi pa nagkakaroon ng bigkis ng isang Gintong Anak ng Heilig at isang Dilang Pilak. Sa unang pagkakataon, ngayon lang maaring magkabigkis ang dalawang napaka makapangyarihan na nilalang."
"Ibig sabihin po ba nito," mahinang tanong ni Marius, "maari pa rin kaming maglaro ni Theo, kahit pa nagalit ang Emperador sa amin?"
Natawa kaming pareho ng hari ng Hermosa.
"Huwag kang mag-alala, anak," sagot ng kaniyang ama, "kapag nalaman ng Emperador ang lahat nang ito, marahil ay ipag-utos pa niyang hindi ka na pabalikin sa ating kaharian."
"Ho?" nabigla si Marius sa kaniyang sagot. "Ngunit, ayokong manatili rito, ama, gusto ko pong umuwi sa atin, gusto kong makasama ang aking ina at mga kapatid..."
"Ayaw mo akong makasama?" tanong ko, may hinanakit sa aking tinig.
"Gusto, Theodorin," nahihiya niyang sagot, "Ngunit ang aking ina..."
"Kung gayon ay ako ang pupunta sa inyo!" nagmamalaki kong sagot.
Natawang muli ang hari.
"Huwag kayong mag-alala," wika niya, "gagawa tayo ng paraan upang pumayag ang iyong ama..."
"Wala akong paki kung ano pa man ang sabihin ng aking amang Emperador," sabat ko sa hari, "basta't ang alam ko, ay magkabigkis kami ni Marius, at walang sino-man ang makapaghihiwalay pa sa amin!"
"K-kung ganon ay ako rin!" Sagot ni Marius na may ngiti sa kaniyang mapupulang labi.
Niyakap ko siya nang mahigpit at hinalikan ang kaniyang noo, at pareho kaming napapikit nang muling nagliwanag ang buong silid.
Nang mawala ang ilaw ay nagkatinginan kami ni Marius, at sabay humarap sa kaniyang ama na nanglalaki ang mga mata.
Napabuntong hininga siya at napailing.
"Masyado pang maaga, pero mukhang wala na tayong magagawa ngayon," ani niya. "Ngayon, kayo ay ganap nang magkabigkis."

Comments (0)
See all