Isang gabi, habang tahimik ang buong bahay, nakaupo si Marco sa harap ng kanyang computer.
Tila may kung anong bumabagabag sa kanya, isang bagay na hindi niya maipaliwanag—kaya binuksan niya ang kanyang Wattpad account.
Matagal na siyang mahilig magsulat ng fanfiction.
Pero ngayong gabi, naisip niya:"Bakit hindi ko subukan ang isang orihinal na kwento? Hindi para sa atensyon. Hindi para sa likes. Para lang mailabas ang nararamdaman ko."
Gusto niyang magsulat ng isang maikling kwento.
Isang tahimik na pasasalamat.
Isang lihim na paghanga.
Isang alaala na kahit hindi mapasa-kamay ng taong inaalayan niya, ay mararamdaman pa rin sa pagitan ng mga pahina.
"Pero para kanino?"
Tanong niya sa sarili.
Hanggang sa...
sumagi sa isip niya si Dra. Celina Ramos.
Oo, isa siyang doktor. Propesyonal. At trabaho lang naman niya ang tumulong sa tulad niya.
Pero sa puso ni Marco, alam niyang mahigit pa sa gamot ang naibigay sa kanya ni Dra. Celina.
Naisip niya:"Marapat lang na pasalamatan siya... kahit sa isang simpleng paraan."
At kahit isang mug o ballpen ay puwede sanang pang-regalo...mas pinili niyang magsulat.
At nagsimula siyang mag-type.
Wala pa siyang pamagat. Pero ang mga tauhan, malinaw na sa kanya.
Kei Yamada.
Isang 28 taong gulang na lalaki, may problema rin sa pangangatawan—tulad ni Marco.
Pero sa kwento, mas mabigat ang pinagdaraanan ni Kei:Binubully sa paaralan, hinuhusgahan sa trabaho, at pinalalampas sa sariling tahanan.
Walang pahinga ang sakit, kahit sa loob o labas ng katawan.
"Tama. Ganito nga. Para mas may drama ang dating."
bulong ni Marco habang nagta-type.
Sa kwento, lumabas ang damdamin ni Marco.
Hindi man niya direktang ikinuwento ang sarili,
pero alam niya—si Kei rin siya.
At sa likod ng bawat talata, siya ang isinusulat niya.
At hindi kumpleto ang kwento...
kung wala si Dr. Serena Hoshino.
Isang mabait na doktora. Maganda. Propesyonal. Tahimik pero matatag.
Malinaw: siya si Dra. Celina sa kwento.
Ibang pangalan, ibang mundo... pero parehong puso.
Nagkakilala sila sa clinic.
Nagkapalagayan ng loob.
Hanggang sa isang araw...
Nagtapat ng damdamin si Serena.
"Teka... parang cheesy masyado,"
sabi ni Marco habang tinatapik ang keyboard.
"Lagyan natin ng twist."
At doon, ipinanganak ang pinakamasakit na bahagi.
Lumabas sa kwento na may malubhang sakit si Kei.
Terminal. Liver failure.
Wala nang magagawa ang medisina kundi pabagalin ang pagdating ng huling sandali.
Sa huling bahagi, si Kei ay pumanaw.
Wala siyang iniwan kundi isang liham.
At isang pagmamahal na kahit saglit lang... ay totoo, tapat, at wagas.
Walang halik. Walang relasyong inangkin.
Pero isang alaala na mananatili sa puso ni Serena—habambuhay.
Humigop ng kape si Marco.
Tahimik ang gabi.
Kuntento siya.
Binasa niya mula simula hanggang huli ang kwento.
Wala siyang nakitang dapat ayusin.
Wala na siyang gustong palitan.
Sa wakas, binigyan niya ito ng pamagat:"In the Time We Had."
"Mukhang okay na.
Edit ko na lang kung may maisip pa ako,"
sabi niya habang nagbubuntong-hininga.
At pinindot niya ang "Publish."
Hindi niya ito in-announce.
Hindi niya ito ibinahagi agad.
Pero kinabukasan, habang madaling araw pa lang,napansin niyang nadagdagan ang bilang ng views.
Isa.
Tapos naging dalawa.
May nakabasa.
May tumingin.
May nakarating.
At sa mismong umagang 'yon—di pa niya alam,na ang kwento niyang sinulat sa katahimikan...
ay unti-unting magpapagulo sa mundong akala niya'y matagal nang tahimik.
Itutuloy...
Para sa reference, narito ang link ng kwentong "In The Time We Had":
https://tapas.io/series/In-The-Time-We-Had/info
Comments (1)
See all