Sabado, halos alas-diyes ng gabi. Tahimik na ang paligid sa maliit na subdivision sa Quezon City.
Pagbukas ng gate, dahan-dahang pumasok si Dra. Celina Ramos. Ang kotse niya, hindi man preno ng matulis, kundi preno ng pagod. Yung tipong hindi lang katawan ang bagsak—pati isip, pati damdamin.
Pagpasok sa bahay, isinabit niya ang sling bag sa coat-and-umbrella rack sa gilid ng sala.
Halatang hindi niya pinansin kung pantay ba ang pagkakabit—basta naisabit lang.
Dumaan siya sa gitna ng bahay, dahan-dahang humakbang... parang may iniwasan sa sahig—pero ang totoo, wala.
Umupo siya sa sofa. O mas tamang sabihin, bumagsak.
Nakatitig lang sa kawalan. Walang TV. Walang cellphone. Walang kahit ano.
Isang mahinang boses mula sa dining area ang pumutol sa katahimikan.
Mama niya:"Kamusta, iha? Kumain ka na ba?"
Celina:
"Hi, Ma..."
Mahina. Matamlay. Halos pabulong.
Walang energy. Walang sigla. Tapos dumapa sa sofa, ang isang kamay nakapatong sa noo, parang sinusubukang alalahanin kung anong araw na.
Lumapit si Mama, may hawak pang baso ng tubig. Naupo sa tabi niya.
Mama:
"May problema ba, iha?"
Celina:
"Ma..."
(saglit na katahimikan)
"Binasa niya sa'kin yung liham..."
Mama:
"Liham?"
Celina:
"Yung liham ni Kei para kay Serena."
"'Yung sa kwento... 'yung sinulat nung pasyente ko."
"May background music pa, Ma."
"Bato sa Buhangin. Acoustic version. Imagine mo yun—parang pelikula."
Napangiti ng kaunti si Mama, pero tahimik lang.
Celina:
"Ma... habang binabasa niya yung mga huling linya... lumuluha siya. Nanginig yung boses niya."
Mama:
"Anak..."
Celina:
"Parang... parang kami 'yung mga tauhan sa kwento."
(pigil na hikbi)
"Parang ako si Serena."
Hindi na niya kinaya.
Biglang tumulo ang luha.
Yung isa, dalawa... hanggang sa tuloy-tuloy na. Walang iyak na malakas. Pero ramdam mo ang bigat—
yung luha ng taong pinilit maging matatag buong araw... pero pag-uwi sa bahay, hindi na kinaya.
Mama:(dahan-dahang hinaplos ang buhok niya)
"Celina..."
Celina:(mahina, habang nakatalikod pa rin sa sofa)
"Ma... bakit ganun?
Hindi ko naman siya minahal...
Pero parang may nawala sa'kin."
Tumahimik ang ina niya.
Hindi agad sumagot.
Tumingala lang ito. At ang sagot niya, hindi sermon, hindi payo—
kundi isang yakap.
Yung yakap ng isang ina sa anak na hindi kailangang magsalita para maintindihan.
Mama:
"Ang puso, iha... hindi 'yan tanong ng tama o mali.
Minsan... nadadama lang. Kahit bawal. Kahit imposible.
At kahit isang kwento lang."
Doon na humikbi si Celina.
Buong lakas niyang pinipigilan. Pero sa yakap ng ina niya, napalabas din lahat.
Yung lungkot. Yung takot. Yung pagkalito. Yung pag-amin.
At sa gabing iyon, habang tulog na ang karamihan sa mundo—
isang anak, isang babae, isang doktora—
ang natutong muli kung paano umiyak.
Hindi dahil mahina siya.
Kundi dahil sa wakas...
may nakarinig sa kwento ng puso niyang matagal nang tahimik.
Sa kalagitnaan ng katahimikan ng yakap ng mag-ina sa sofa, isang pinto sa ikalawang palapag ang dahan-dahang bumukas.
May tunog ng tsinelas sa hagdan.
Si Ginoong Roberto Ramos, ang ama ni Celina—
lumabas ng kwarto, naka-white sando at boxer shorts, mukhang bagong gising, may hawak pang maliit na tuwalya sa balikat.
Nag-uunat habang pababa ng hagdan.
Roberto:
"O?" (pabulong pero may kuryosidad)
"Meron ba akong hindi nakita?"
"Naabutan ko ba dapat 'tong eksena na 'to?" (sabay turo sa yakap ng mag-ina)
Umupo sa kabilang sofa. Sumulyap sa asawa.
Roberto:
"Anong nangyari?"
Si Aling Mercy, asawa niya, tumingin muna kay Celina. Tahimik. Parang humihingi ng pahintulot.
Tumango si Celina.
Mercy:
"Yung pasyente ni Celina, 'yung binanggit niyang si Marco—
'yung sinulat niyang kwento... binasa niya kanina. Sa clinic mismo. Sa harap ni Celina."
Roberto:
"Ano? Sa harap niya? Binasa?"
(tumingin kay Celina, diretso)
"Anak, e ano naman 'yon?"
Celina:(mahina pa rin ang boses)
"Ma... Pa... may liham kasi sa kwento. Liham ng lalaking may sakit, para sa doktora na minahal niya..."
(pigil ang hikbi)
"...at ako 'yung doktora doon."
Roberto:(pataas ang kilay, tumitig sa kanya)
"Ikaw?"
Tumango si Celina.
Mercy:
"Rob, ang ganda ng pagkakasulat. Ang sakit. Naiyak anak mo, pati ako..."
Roberto:(simpleng tono, pero may tension sa ilalim)
"Patingin nga ng kwento na 'yan."
Tumayo si Celina, kinuha ang tablet. Binuksan sa bookmarked page ng "In the Time We Had."
Tahimik na binasa ni Ginoong Roberto ang ilang bahagi.
Una, magaan ang kilay.
Pero habang lumalalim ang kwento, habang umaabot na sa confrontation scene nina Kei at Serena, habang dumadama na siya sa mga bitin na emosyon—
nag-iba na ang mukha niya.
Napabuntong-hininga.
Napakamot sa batok.
Pagkaraan ng ilang minuto, tumitig siya sa kawalan, at sinarado ang tablet.
Tumayo.
Dahan-dahan.
Roberto:
"Gusto kong makita kung sino ang sumulat ng kwento na ito."
Mercy:
"Rob..."
Roberto:
"Gusto kong makita ang lalaking 'yon—
ang lalaking nagpaiyak sa kaisa-isa kong anak na babae."
Celina:
"Pa, hindi naman po—"
Mercy:(tumayo agad, hinarangan si Roberto)
"Hoy, wala kang gagawing kung ano ah. Rob, seryoso ka ba?"
Roberto:(tumigil. Inayos ang shirt niya. Tumingin kay Mercy, diretso, pero kalmado)
"Wala naman akong balak na masama sa kanya."
"Gusto ko lang makilala."
"Gusto kong malaman kung anong klaseng tao siya. Anong klaseng lalaki siya."
Mercy:
"Rob..."
Roberto:
"Hindi ko siya huhusgahan. Pero bilang ama—may karapatan akong malaman kung sino 'yung gumalaw sa damdamin ng anak kong ilang taon nang hindi umiiyak."
Tahimik ulit.
Si Celina, hindi makapagsalita.
Pero ramdam niya—yung galit, hindi galit na galit.
Kundi galit na may kasamang pag-aalala.
Hindi siya yung galit na tulad ng galit sa kapwa lalaki.
Galit ng isang ama pero mahinahon. Para protektahan ang isang anak.
Ama pa rin siya.
At sa gabing iyon, habang patay na ang mga ilaw sa kapitbahay at mga kuliglig na lang ang tumutunog sa labas, isang ama ang tahimik na nagmarka ng pangalan sa isip niya.
Marco.
Isang lalaking sa ngayon ay hindi pa niya kilala......pero malapit na.
Nung gabi rin na yun, nasa silid si Celina, nagsusulat sa kanyang Journal.
Mula sa Journal ni Celina Entry #72
April 20 – Somewhere between sanity and... something else
Pina-iyak na naman ako ni Marco.
Binasa niya 'yung sulat. Yung farewell letter ni Kei. May matching background music pa—acoustic instrumental ng Bato sa Buhangin, imagine mo 'yon. Sino bang gumagawa ng ganun?
Pero hindi ako makatawa.
Kasi totoo 'yung luha ko.
At 'yung sa kanya.
Iniisip ko pa rin hanggang ngayon kung ano 'yung tatlong favors na hihingin ko sa kanya. Wala pa akong listahan. Pero sana... pumayag siya. Sana pagbigyan niya ako. Hindi ko siya gustong pilitin kung sakali.
Pero gusto ko rin siyang subukan.
Kanina, gusto siyang makilala ni Papa.
Binigay ko na yung contact number niya—galing sa patient record.
Pero teka... naisip ko lang...
Bakit nga pala nasa phonebook ko 'yon?
Dinagdag ko ba?
Shet.
Stalker na rin ba ako ngayon?
Oh my gosh, Celina. Pull yourself together.
Pero seryoso...
...Bakit parang hindi na lang basta pasyente si Marco?
-C
Binaba niya ang ballpen sa desk. Tumingin sa journal.
At mahina niyang binulong sa sarili—
"Hindi ko pa mapangalanan kung ano ba itong nararamdaman ko... pero nandito—buhay na buhay."
"...at kung pasyente lang siya talaga—
bakit ako 'yung hindi makatulog ngayon?"
Itutuloy...
Comments (0)
See all