Please note that Tapas no longer supports Internet Explorer.
We recommend upgrading to the latest Microsoft Edge, Google Chrome, or Firefox.
Home
Comics
Novels
Community
Mature
More
Help Discord Forums Newsfeed Contact Merch Shop
Publish
Home
Comics
Novels
Community
Mature
More
Help Discord Forums Newsfeed Contact Merch Shop
__anonymous__
__anonymous__
0
  • Publish
  • Ink shop
  • Redeem code
  • Settings
  • Log out

Kahit sa Batanes

Part 13: Package Tour for Two sa Batanes

Part 13: Package Tour for Two sa Batanes

Apr 30, 2025

Sabado, matapos ang takipsilim.

Naglalakad si Dra. Celina sa hallway ng ospital, kakatapos lang ng kanyang rounds sa mga pasyente. Bitbit ang mga charts, nakaipit sa kanyang tagiliran. May kausap siya sa telepono.

Dra. Celina (boses ng nag-papaawa):
"Sige na naman, please? Alam ko, ubos na yung favors ko sa'yo. Pero promise, may sorpresa ako. Matutuwa ka."

Nakangiti siya habang nakikipag-usap.

Marco (tinig ng nang-aasar):
"Pambihira ka, kailangan ko pa mag-isip ng dahilan para makaalis ng bahay. Sunday yun, pero sige, sabihan kita mamaya."

Dra. Celina (nagniningning ang mga mata, nakangiti ang labi, umaasa):
"Sige ha, sabihan mo ako agad. Pero aasahan kita—na pupunta ka ha?"

Marco:
"Okay, Dra. Celina. I'll message you later, okay? Bye."

Matapos mag-hang up, napapikit si Dra. Celina at inilagay ang cellphone sa kanyang dibdib. Sa isip niya: "Sana naman pumunta siya. I know, magugustuhan niya yung surprise ko sa kaniya."

Stroll sa High Street

Linggo ng hapon.

Mainit ang sikat ng araw pero malamig ang hangin na humahampas sa mga puno ng BGC High Street. Maraming tao—mga magka-holding hands, tumatawa, naglalakad habang may hawak na milk tea, o kumakain sa mga mamahaling al fresco café.

Sa gitna ng masayang tanawin, naglalakad si Marco at si Dra. Celina. Wala silang hawak na kamay, pero magkasabay. Wala silang iniinom, pero pareho ang may tinik sa dibdib.

Nakangiti si Celina. May bitbit sa bag—at may sikreto sa puso.

Celina:
"Yung susunod na buwan... may holiday, 'di ba?"
"Nag-file na ako ng vacation leave. Dalawang araw lang."
"Pero may surprise ako."

Napalingon si Marco. Medyo nagkainteres.

Celina:
"Nag-book ako ng tour package sa Batanes."
"Three days, two nights. For two. Para sa ating dalawa."

Parang bata ang mukha ni Celina habang sinasabi ito. Excited. Umaasa.

Celina:
"Oh 'di ba? Ang saya nun?"
"Chill lang. Sunset. Malamig na hangin. Picture tayo sa lighthouses... sa cliff... sa mga bato. Gusto ko lang... kasama ka."

Ngunit hindi agad sumagot si Marco. Ngumiti sana siya, pero may bumigat sa loob.

Marco: (mahinang boses, may bahid ng lungkot)
"Celina..."
"Natutuwa ako sa gesture mo. Sa pag-iisip mo palagi sa akin."
(pause)
"Pero... hindi pwede."

Natigilan si Celina. Tumigil siya sa paglalakad.

Marco:
"Alam mo kung bakit."
"Alam mo na."

Tahimik.

Hindi galit si Celina. Pero malamig ang tinig.

Celina:
"'Di ba... sabi mo... mahal mo rin ako?"

Tumigas ang katawan ni Marco.

Ang totoo, mahal niya si Celina.

Pero hindi ito ganoon kadaling ikahon sa label na gusto ng puso niya.

Hindi ito ganoong klaseng pagmamahal—hindi puwedeng ibalik sa parehong paraan.

Marco:
"Celina..."

Celina (umiiling, nanginginig ang boses):
"Ano ba 'tong kabaliwan na 'to?"
"Hindi ayos sa akin 'yung masaya tayo ngayon—tapos bukas, wala na."

Medyo tumaas ang boses niya. Narinig ito ng ilang nakaupo sa bench. May ilang tumingin. May ilan na nagkunwaring hindi nakikinig—pero nag-abang na rin ng susunod na mangyayari.

Lumapit si Marco. Mahinahon ang kilos. Inabot ang braso ni Celina.

Marco: (mahinang boses, pero sapat para marining ni Celina, may bahid ng biro)
"Teka, bakit parang si Toni Gonzaga ka kung mag-deliver ng linya?"

Akala niya matatawa si Celina. Pero hindi.

Winasiwas ni Celina ang braso niya, umiiwas.

Celina:"At feeling mo naman ikaw si Piolo Pascual."
Nakayuko siya, pabulong:
"Ang kapal mo rin."

Tumingin ulit siya sa mga mata ni Marco. Pero ang mga mata niya—unti-unti nang napupuno ng luha.

Nagbabanta nang tumulo sa pisngi.

Ang kanyang mga kamay, nanginginig. Hindi dahil sa galit, kundi dahil sa inis. Na para bang hindi siya napagbigyan.

Itinikom niya ang kanyang mga kamay—naging kamao. Para hindi halatang apektado siya.

Celina:
"Tangina ka naman, Marco."
"Seryoso na ako."
"Pero hanggang ngayon, hindi pa rin kita makausap ng matino!"

Lalo pang dumami ang nakatingin. May isa pang tumigil sa paglalakad. May pamilyang hindi na tumuloy sa Starbucks.

Celina:
"Kung hindi mo kayang sagutin 'yung tanong ko... 'dyan ka na!"

Bigla siyang tumalikod at naglakad palayo.

Marco: (nawala ang postura, kinabahan, at aktong humahabol)
"Celina naman... sandali..."

Sinubukan niyang sundan.

Huminto si Celina. Dahan-dahang humarap.

At doon nakita ni Marco—luhaan na siya.

Celina:
"Masama bang umasa ako?"
"Gusto ko lang naman maranasan... kung paano magmahal..."
"...at mahalin ng isang gaya mo."

Tuluy-tuloy ang luha.

At sa puntong 'yon, hindi alam ni Marco kung ano ang isasagot.

Ni hindi niya alam kung may karapatan pa siyang magsalita.

Celina:
"Pakiusap... huwag mo na akong sundan."
(bahagyang yumuko, mahina ang boses, sapat lang para marinig siya ni Marco)
"Ayaw muna kitang makita... ni makausap."

Tinalikuran siyang muli ni Celina. Mabilis ang lakad, pero mabigat ang bawat hakbang.

Naiwan si Marco.

Nakatayo sa gitna ng BGC High Street.

Mukhang tanga.

Pinagtitinginan.

May isang grupo ng lalaki sa gilid, ngumisi.

"Baka nabasted," sabay tawa—hindi malakas, pero sapat para marinig niya.

Wala siyang imik.

Hindi siya tumingin sa kanila.

Tumitig lang siya sa palayong si Celina—habang pinapanood niya ang isa sa pinakamahalagang tao sa buhay niya... na unti-unting lumalayo.

At kahit gusto niyang humabol—alam niyang hindi na ngayon ang tamang panahon.

Sa Basement Parking Lot

Naglalakad si Dra. Celina papunta sa sasakyan, pababa ng escalator. Unti-unti nang humuhupa ang mga luha pero mabigat pa rin ang dibdib niya.

Pagdating niya sa harap ng kotse, hindi agad siya pumasok.

Sa halip, pinikit niya ang mga mata, tumingala ng bahagya.

Celina (pabulong sa sarili, nanginginig ang boses):
"Gago talaga 'yon... di man lang ako sinubukang pigilan. Di rin ako sinundan dito."
sabay hikbi.

Tumayo siya roon, saglit na walang imik.

Tumulo muli ang luha, at sa isang iglap—hinampas niya ang manibela ng kotse gamit ang palad niya.

Celina:
"Anong kulang, Marco?!"
"Anong kulang sa'kin?!"

Pagkatapos ng ilang saglit, isinandal niya ang ulo sa manibela, habang ang mga mata ay nakapikit.

Maya-maya, huminga siya nang malalim. Inabot ang tissue sa dashboard. Pinunasan ang luha.

Celina (pabulong):
"Sige. Gusto mo ng space? Bibigyan kita."
pause
"Pero pagbalik mo sa buhay ko... wala na ako diyan."

TNVS – Gabi, on-route to Pasig

Sa likod ng sasakyan, tahimik si Marco. Nakatitig sa labas ng bintana habang binabaybay nila ang C5. Maliwanag ang mga poste, pero sa loob ng sasakyan, malabo ang mata niya. Hindi dahil sa ilaw. Dahil sa luha.

[GRAB DRIVER PLAYLIST]
"Hanggang sa dulo ng ating walang hanggan..." – Wency Cornejo

Napakunot si Marco, napailing. Tapos, bigla niyang kinurot ang noo niya. Tinakpan ang mga mata gamit ang kamay. Sisinghot-singhot na, pilit pinipigilan.

Marco: (monologue, low tone)
"Tangina naman... pati tong Grab car, nakikisabay sa emotional stress ko..."

Hindi na kinaya. Kinuha ang paper towel sa bulsa. Isang malutong na singhot.

GRAB DRIVER: (tingin sa rearview mirror)
"Sir... boss... okay ka lang?"

Dahan-dahang nilingon ni Marco si Kuya Driver. Luhaan. Nangangalit ang mata pero hirap magsalita. Umiling siya, tapos napahinga ng malalim.

Marco: (pilit na normal pero basag ang boses)
"Kita mo umiiyak ako, syempre hinde."

Tumawa nang sarkastiko, pero may tunog ng luha sa dulo.

 "Basta na lang ako iniwan nung ka-date ko... tapos eto ako... namamasahe pauwi. Kasi siya yung may dalang sasakyan."

Singhot. Wipe. Sip sip. Tapos tahimik na ulit.

Si Kuya Driver, awkward pero concerned. Inadjust ang volume ng radyo, binawasan ng konti.

GRAB DRIVER: (mahina)
"Sir... gusto n'yo po ba itugtog ko na lang yung Sponge Cola?"

Pagdating ni Celina sa bahay, diretsong bumagsak siya sa kama. Tahimik. Wala nang luha, pero mabigat pa rin ang dibdib. Ilang minuto siyang nakatulala bago bumangon, lumapit sa desk, at binuksan ang journal. Wala nang pasakalye—isinulat niya agad ang lahat ng laman ng puso niya.

Journal Entry #96
Dec 14, 2025 – Linggo ng Gabi – BGC High Street

Ang tanga ko.
Hindi ko alam kung dahil lang ba sa pagod... o dahil umaasa na talaga ako.
Pero alam ko, ngayong gabi—nanghingi ako ng sobra.
O baka... sobra lang talaga akong umasa.
Hindi ko alam kung saan nagsimula 'yung pakiramdam na baka puwede.
Na baka may "kami."
Na baka hindi lang ako ang nakakaramdam ng ganito.
Akala ko kapag pinilit kong maging matapang—
kapag ako na ang gumawa ng hakbang—
mas magiging malinaw ang lahat.
Pero hindi pala.
Lalong naging malabo.
Lalong naging masakit.
At ang pinakamasakit?
Yung makita siya—si Marco—na nakatitig lang habang nilalakad ko paalis.
Wala. Ni isang hakbang.
Wala kahit isang salita na pumigil sa akin.
Siguro nga hindi niya kailangang sabihin na mahal niya ako.
Dahil hindi naman niya kailanman sinabi... na pipiliin niya ako.
Akala ko handa na akong masaktan.
Pero ngayong narito na, hindi ko alam kung paano ako babangon bukas na parang walang nangyari.
Masama bang umasa?
Masama bang umibig sa taong kahit alam mong hindi ka puwedeng mapasayo... ay nagparamdam pa rin ng dahilan para maniwala?
Hindi ko alam.
Hindi ko alam kung ano ang kasalanan ko.
Pero alam kong ngayong gabi—isa lang ang gusto ko.
Kalimutan.
Kahit sandali lang.
Kalimutan ang tanong ko na hindi nasagot.
Kalimutan ang mata niya na ayaw kong maalala.
Kalimutan ang saglit na akala ko... puwede.

–C

Hindi sinasadyang pumatak ang luha ni Celina sa mga pahina ng journal.

At kumalat ang tinta ng mga salitang isinulat niya—mga salitang hindi niya alam kung kailan niya muling babalikan.

Itutuloy...

sherwinrreyes
AninoNgPusa

Creator

Comments (0)

See all
Add a comment

Recommendation for you

  • Blood Moon

    Recommendation

    Blood Moon

    BL 47.6k likes

  • Silence | book 1

    Recommendation

    Silence | book 1

    LGBTQ+ 27.2k likes

  • What Makes a Monster

    Recommendation

    What Makes a Monster

    BL 75.2k likes

  • Secunda

    Recommendation

    Secunda

    Romance Fantasy 43.2k likes

  • Touch

    Recommendation

    Touch

    BL 15.5k likes

  • Silence | book 2

    Recommendation

    Silence | book 2

    LGBTQ+ 32.3k likes

  • feeling lucky

    Feeling lucky

    Random series you may like

Kahit sa Batanes
Kahit sa Batanes

1.3k views3 subscribers

KAHIT SA BATANES
Isang kwentong hindi lang tungkol sa pag-ibig-kundi tungkol sa mga pusong natutong magmahal muli, kahit huli na.

Sa gitna ng mabagal na paggaling mula sa karamdaman, isang lalaki-si Marco Velasquez-ay muling natutong humawak ng pag-asa. Hindi niya inaasahan na sa loob ng isang maliit na clinic sa ospital, makikilala niya ang isang doktora-si Dra. Celina Ramos-na hindi lang magpapagaling sa kanyang katawan, kundi gisingin ang isang damdaming matagal nang natulog.

Ngunit si Celina ay hindi rin buo.

Sa ilalim ng kanyang white coat ay isang pusong pagod, sugatan, at sanay nang umiwas sa lahat ng emosyon. Hanggang sa mabasa niya ang isang kwento sa Wattpad-isang lihim na liham ng pasasalamat at pagmamahal... para sa kanya.
Sa bawat appointment, sa bawat biro, sa bawat tahimik na tango-lumalalim ang koneksyon.
Tatlong favors. Isang tango. Isang liham. Isang pag-ibig na hindi inaasahan.
Sa Batanes, may mga lugar na mahirap abutin. Gaya rin ng mga puso nilang dalawa.
Ngunit sa paglalakbay na ito, matutuklasan nilang...

Minsan, ang hindi mo sinadya... siya pala ang matagal mo nang inaasam.

KAHIT SA BATANES
Isang kwento ng pag-ibig na hindi lahat ng pagmamahal may happy ending. Pero may mga kwento na kahit walang tayo, may ako't ikaw-na minahal nang buo, totoo, at wagas.
Subscribe

24 episodes

Part 13: Package Tour for Two sa Batanes

Part 13: Package Tour for Two sa Batanes

59 views 0 likes 0 comments


Style
More
Like
List
Comment

Prev
Next

Full
Exit
0
0
Prev
Next