Please note that Tapas no longer supports Internet Explorer.
We recommend upgrading to the latest Microsoft Edge, Google Chrome, or Firefox.
Home
Comics
Novels
Community
Mature
More
Help Discord Forums Newsfeed Contact Merch Shop
Publish
Home
Comics
Novels
Community
Mature
More
Help Discord Forums Newsfeed Contact Merch Shop
__anonymous__
__anonymous__
0
  • Publish
  • Ink shop
  • Redeem code
  • Settings
  • Log out

Kahit sa Batanes

Part 14: LQ ng hindi naman mag-on

Part 14: LQ ng hindi naman mag-on

Apr 30, 2025

Seen. No Reply.

Makalipas ang ilang araw...

Sunod-sunod ang missed calls ni Marco. Pitong beses na siyang tumawag, pero walang sagot.

Viber? Wala. SMS? Walang reply. Pati email niya, unread.
Nakatingin siya sa screen. Dialing...

"Kainis! Please, Celina... sagutin mo naman," inis niyang bulong.

Sa mukha niya, halatang hindi lang inis ang nararamdaman. May bahid na ng kaba. Ng pag-aalala.

Huminga siya nang malalim, tumawag sa isang number.

"Opo, ganun na nga po ang nangyari... Hindi po niya ako kinakausap."

Saglit na katahimikan.

"Salamat po. Nag-aalala na rin po ako... Sige po, aasahan ko po ang tulong ninyo. Pasensya na po, sir."

Sa Clinic...

"Doc, eto na po 'yung next patient," ani Angela.

"Good morning po, Doktora!" bati ng pasyente.

"Good morning din. Sandali lang, basahin ko muna ang lab results mo..."

Ngunit habang hawak ang papel, tila lumabo ang paningin ni Dra. Celina. Naputol ang focus. Parang... napunta ang isip niya sa ibang lugar.

Isang cottage. Sa Batanes.

May bag sa tabi niya. Binubuksan niya ito.

"Anesthesia... check. Sedative... check. Lubid... check. Handcuffs... check. Pang-blindfold... check. Obsessive na pagmamahal—armed and morally questionable," sabay buntong-hininga.

Tumingin siya sa labas ng bintana.

"Tangina talaga Marco... bakit ba ang hirap mo kalimutan?"

Sa loob ng cottage, nakagapos si Marco sa isang rattan na upuan.

"Celina naman, anu 'to? Tanggalin mo na 'tong gapos please!"

Nagpupumiglas siya, pero mahigpit ang pagkakatali.

Celina, habang hinihigpitan pa lalo ang buhol ng lubid:
"Ano ka ba, Marco! Bakit ba ginagawa mong mahirap 'to?!"

Marco:
"Celina! Ano bang trip 'to?! I just wanted a check-up tapos—nasa Batanes na tayo bigla?!"

Celina, matigas ang loob pero nangingilid ang luha:
"Check-up?! Tangina... kung gano'n ka kabilis mag-cancel ng Batanes trip natin, baka pati relasyon natin—i-cancel mo rin bigla?!"

Marco:
"Anong relasyon?! Di nga tayo—"

Celina (hinawakan ang panga niya):
"Hindi nga tayo... pero 'di ba, halos tayo na?"
(sandaling katahimikan)
"'Di mo na ba maalala 'yung sinulat mong farewell letter para sa 'kin?"
"My love."
"My life."
"My everything."
(medyo may tension sa boses)
"Ano 'yon? Wala lang?"

Marco:(naka-awang ang bibig pero walang masabi) ...

Celina, bumuntong-hininga, sabay bulong:
"Ano ba ako sa 'yo, Marco? Kasi ikaw... ikaw 'yung sumulat ng kwento sa buhay ko, kahit hindi ko naman hiningi—pero ako 'yung nasaktan."

Marco:"Celina..."

Celina (umuupo sa harap niya, balikat bumagsak):
"Hindi ko naman talaga gagawin 'to, alam mo. Sa utak ko lang. Kasi... hindi kita kayang pigilan sa totoong buhay.
Kaya dito na lang. Sa imahinasyon ko.
Dito ako 'yung may kontrol.
Ako 'yung nagtanong.
Ako 'yung pinili."

Isang boses ang nagsalita...

"Doktora?"

Biglang natauhan si Celina.
"Huh?"

"May mga tatlong minuto na po kayong parang... wala sa sarili," ani ng pasyente, halatang nag-aalala.

Napahiya si Celina. Agad niyang tiningnan ang lab result.

"Ah, okay naman pala ang fasting blood sugar mo. Mataas ng kaunti pero expected naman. Tuloy mo lang ang prescription natin, then hopefully next time nasa normal range na."

Inabot niya ang prescription at lab request, kasabay ng propesyonal na ngiti.

"See you again pag nagawa mo na 'yung labs."

"Salamat po, Doktora." Tumayo ang pasyente at lumabas.

Pagka-alis nito, napasubsob sa mesa si Celina.

"Ano ba 'to... affected pa rin talaga ako hanggang ngayon?"

Angela sa may pinto:
"Doc, hindi niyo pa rin po ba sasagutin? Tambak na po 'yung emails ni Sir Marco."
"Palagay ko mga 20 missed calls na rin sa cellphone niyo."

Lumingon si Celina, nakasimangot.

"Hindi ko pa siya kaya harapin. Masama pa loob ko sa kanya."

Bumuntong-hininga siya.

"Pag pumunta siya dito... sabihin mong wala ako."

Angela, tumango na lang. "Sige po, Doc. Ako na bahala."

Cheesecake sa Clinic

Huling oras ng consultation sa clinic. Tahimik na ang paligid. May ilang pasyente na lang ang natitira. Si Dra. Celina, nasa loob pa rin ng exam room. Pero sa reception area...

May biglang dumating.

May bitbit.

May kaba.

"Angela..." tawag ng pamilyar na tinig.
Napalingon si Angela.

At sa nakita niya, napa-"EEEEEEEEEEKKKK!!!" siya sa gulat.

"Please," mahina pero punong-puno ng pakiusap ang boses ni Marco. "Parang awa mo na...
kailangan namin mag-usap. Kailangan ko magpaliwanag sa kaniya."

May hawak siyang maliit na box—may ribbon.

Eleganteng white box na may transparent panel.

Sa loob... cheesecake. New York style.

Marco, pilit ngumiti, kahit halata sa mata niya ang pagod at lungkot. "May dala akong
pasalubong. Para sa inyo."

Napatingin si Angela sa box.

Tinitigan, inikot.

"Teka lang... New York Cheesecake?"

Sa loob ng exam room, may bahagyang kumaluskos.

Narinig ni Dra. Celina ang sinabi.

Cheesecake.


Napatingin sa pinto.

Napakunot ang noo.

Pero... hindi nagsalita.

"Angela, please..." pakiusap muli ni Marco, halos boses-kaba na lang ang natira.

Tinignan siya ni Angela. May halong awa sa mata, pero nandoon pa rin ang respeto sa desisyon ng doktora.

"H-Hindi ko mapapangako," sabi niya, mahina. "Pero... susubukan ko."

Tahimik si Marco. Tumango.

Pumasok si Angela sa exam room.

Isinara ang pinto.

Ilang minutong katahimikan.

Pagbalik niya, bakas sa mukha ang lungkot.

"Sir Marco..." mahinang sabi ni Angela. "Ayaw ka pa rin po niyang kausapin."

Saglit na katahimikan.

Tapos mula sa loob, may boses na nagmula kay Celina—medyo matigas, pero hindi galit.

"Pakisabi... iwan yung cheesecake."


Napangiti si Marco.

Bahagyang napailing, pero may luha sa mata habang pilit na humahawak sa konting ligaya.

Iniabot niya ang box kay Angela. "Salamat. Aalis na muna ako."

Angela, tinanggap ang cheesecake.

Medyo nalungkot... pero nang tinignan ang cake, napangiti ng kaunti.

"Ingat po kayo, Sir Marco. Siguro... pag handa na siya."

Tumango si Marco.

Bahagyang kumaway.

Lumabas ng clinic, tahimik. Bitbit ang lungkot. Pero may kaunting pag-asa.

Usapang Ama't Anak


Sa payapang gabi, marahang pumarada ang kotse ni Dra. Celina sa garahe ng kanilang bahay.

Tahimik ang kanyang kilos. Hindi niya alam kung pagod lang siya... o emosyonal pa rin.

Pagbukas niya ng pinto at pagpasok sa sala, agad niyang napansin ang kanyang ina—si Aling Mercy—nakatayo sa bukas na pintuan ng kusina. Walang salita. Isang tango lang. Isang paanyayang tahimik: "Halika, anak. Sumunod ka rito."

Pagpasok sa kusina, napahinto si Celina.

"Ma... Pa?" gulat niyang sambit.

Naupo sa lamesa ang ama niyang si Mang Rob, tahimik, tila may hinahandang salitang matagal nang inipon sa dibdib.

"Maupo ka, anak," wika ng kanyang ama, may kabigatan sa boses.

Tahimik na sumunod si Celina. Naupo sa kaharap ng kanyang ama.

"Nasaan na 'yung kahon?" tanong ni Mang Rob. Ang tinutukoy niya—ang cheesecake na dinala ni Marco.

Nagkibit-balikat si Celina. "Ah Pa... 'Yung kalahati pinauwi ko na kay Angela. Yung sakin, nilipat ko dito." Tumingin siya sa ama, mahina ang tono. "Pa... gusto niyo po ng cheesecake?"

Sasagot sana si Aling Mercy sa halip, naupo sa tabi ng anak, at marahang hinimas ang balikat nito. Isang ina na nakakaramdam ng bugso sa puso ng anak, kahit walang sinasabi.

Ngunit si Mang Rob, nanatiling seryoso.

"Anak... ikaw ang may paborito ng ganyang cake. Hindi ako," sagot niya, mahina pero buo ang tinig.

Napaawang ang labi ni Celina. "Sabi ko na... nag-uusap po siguro kayo ni Marco, 'no?"

"May mga ilang beses na, anak," sagot ni Mang Rob, diretsahan. "Anak... Celina... may gusto sana akong sabihin."

"Pa...?"

Nagbuntong-hininga si Mang Rob bago nagsalita. "Anak... Nagsikap ako buong buhay ko, para masigurong maibigay ko sa inyo ng mama mo ang lahat ng kailangan niyo. Diploma. Baon. Pambayad sa eskwela. Damit. Lahat."

Tahimik si Celina. Nakatingin lang.

"Dahil mahal na mahal ko kayo. Subalit... ang mali ko... pinaniwala kita na ang tunay na tagumpay sa buhay ay makikita lang sa diploma, sa titulo, sa karera... at sa pera."

Tumigil siya sandali.

"Kaya siguro... ganito ka ngayon. Nahihirapan kang unawain ang emosyon pagdating sa pagmamahal."

Napatingin si Celina sa kanyang ina. Si Aling Mercy naman, nakatitig lang sa kanya—malumanay, pero mabigat ang tingin. Nandoon ang pag-unawa.

"Pa... wala naman pong mali sa ginawa ninyo," mahinang sagot ni Celina. "Kung hindi niyo ako tinuruan ng gano'n, mararating ko ba itong kinatatayuan ko ngayon? Magiging doktor kaya ako kung hindi ko sinunod ang mga pangaral niyo?"

Tahimik na tumango si Mang Rob.

"Kahit focused na ako sa pag-aaral noon... nahirapan pa rin ako. Pa'no pa kung may binabalanse akong relasyon? Hindi ko rin kakayanin." Tumingin siya sa ama. "Pakiusap po, huwag niyo pong sisihin ang sarili niyo. Ako ang pumili ng mga desisyon sa buhay ko. Kaya ako narito ngayon."

Muling nagbuntong-hininga si Mang Rob. "Anak... kausapin mo siya. Mabuting tao si Marco. Wala siyang masamang intensyon sa'yo. Gusto ka lang niyang gabayan... sa paglalakbay mo. Hanggang sa matutunan mong magbukas ng puso... at magmahal. Hindi para sa kaniya—kung hindi para sa'yo."

Napayuko si Celina.

Bahagyang kumirot ang dibdib niya.

"Alam ko naman, Pa. Ramdam ko naman 'yon. Pero... mabigat pa rin ang loob ko sa kanya. Hindi ko pa kaya. Bigyan niyo pa po ako ng kaunting panahon. Kakausapin ko rin naman siya. Gusto ko rin marinig kung ano talaga ang sasabihin niya."

"Salamat, anak." May kalmadong tinig si Mang Rob. "Ang gusto ko lang... ay 'yung lahat ng makakabuti para sa'yo. Hindi bilang doktor. Kundi bilang isang ganap na tao."

Ngumiti si Celina, mahina pero totoo.

"Wala 'yon, Pa. Natutuwa ako na kahit hanggang ngayon... nandyan ka pa rin. Inaalalayan mo pa rin ako."

Tumayo siya. Lumapit sa ama. At marahang niyakap ito.

"I love you, Pa. Salamat at palagi kang nandito para sa akin."

Naluha si Aling Mercy habang nakatingin. At hindi nagtagal—sumali na rin siya sa yakapan.

Isang tahimik pero matibay na pamilya. Buo pa rin—kahit ilang bagyo ang dumaan.

Yakap sa Seawall

Hapong iyon, habang nasa opisina si Marco, tumunog ang cellphone niya. Isang simpleng text lang, pero sapat na para manginig ang dibdib niya.

"Sunday. Hapon. Baywalk. Tapat ng Raja Sulayman Park."

Napalunok siya. Nag-reply agad.
"Anong oras?"

Lumipas ang ilang minuto. Walang sagot.

Ilang oras pa. Wala pa rin.

Napatingin siya sa screen, napailing. "Seryoso ba 'to?" bulong niya sa sarili. Hindi na siya tumawag. Kilala na niya si Celina—mas lalo lang siyang mabubuwisit kung tawagan pa niya.

"Imposible ka talaga, Celina," mahina niyang tawa.

Alas kuwatro y medya. Medyo malamig ang simoy ng hangin mula sa dagat. Pebrero pa rin, at kahit pa tirik ang araw, hindi ito kasing init ng ibang buwan.

Lumipas ang tatlumpung minuto. Wala pa rin si Celina.

Umupo si Marco sa seawall. Yumuko, yakap ang tuhod habang pinagmamasdan ang dagat. May mga barkong nakaangkla sa di-kalayuan. Ang mga alon, marahang humahampas sa bato.

Tahimik. Malalim.

Alas singko y medya. Unti-unting lumulubog ang araw. Gintong silahis ang bumalot sa paligid, at ang anino ni Marco ay humaba sa harap niya.

"Darating ba talaga siya?" mahina niyang tanong sa sarili.

Tumayo na sana siya—nang biglang...

"Marco..."

Lumingon siya.

Si Celina. Suot ang mahaba niyang coat, nakatali sa baywang. Nilalaro ng hangin ang kanyang buhok. Sa kabila ng dapit-hapon, parang siyang liwanag sa harap ni Marco.

Napangiti si Marco, bahagya.

"Dumating ka... Salamat."

Lumapit si Celina, dahan-dahan. Umupo sa tabi niya—may kaunting distansya, pero sapat para marinig ang tibok ng isa't isa.

"Matagal ka ba naghintay?"

"Ang mahalaga, nandito ka na," sagot ni Marco. "Celina, may mga bagay ako na gustong sabihin sa'yo—"

Ngunit inunahan siya ni Celina.
"Yung liham ni Kei kay Serena... liham yun ng pagmamahal. Pero para sa'yo, isa rin ba 'tong paraan para masabi mo ang nararamdaman mo sa akin?"

Tumango si Marco.

"Oo." Tumingin sa dagat. "Noong sinimulan ko ang kwento—pasasalamat lang. Pero habang sinusulat ko ang katapusan, parang may naayos sa loob ko. Yung puwang sa puso ko—naisara. Naging buo ulit ako."

"At palagay ko'y dahil sa'yo, Celina."
Napatingin si Celina sa kanya.

"Ako?"

"Simula nung makilala kita... pakiramdam ko natupad ko na yung matagal kong pangako—sa sarili ko, sa Diyos, hindi ko na maalala kung kanino. Basta... natupad ko na."

Napatawa si Celina, umiiling.

"Ginawa mo pang star-crossed lovers ang kwento natin ha." ngumiti siya. "Ibang klase ka talaga."

Napangiti rin si Marco, may konting saya sa mata.

"Sa wakas, nakita ko rin yang ngiti mo," sabi niya.

Tahimik. Hangin. Alon.

Celina: "Kung ibang panahon lang, no?"

Marco: ngumiti, pero may lungkot
"Oo..."

Huminga ng malalim. Tumingin sa langit, sa mga unang bituin. Tapos lumingon kay Celina.
"Kung single lang ako... at puwede tayong maging tayo..."
"...papakasalan kita kahit saang simbahan sa Pilipinas."
"Kahit sa Batanes."

"Bahala na kung sino ang makakasunod. Ikaw lang naman ang kailangan ko dun. Tayong dalawa lang."

Napanganga si Celina. Tinakpan ang bibig. Tumulo ang luha—pero ngumiti rin.

"Gago ka talaga..."

Tumingin siya sa kanya, may halakhak sa gitna ng luha.

"Putek. Di mo man lang inisip ang logistics. Di mo inintindi ang gastos—okasyon, long drive, ulan sa Batanes..."

Tumawa si Marco. Mahinang tawa, pero may bigat.

"Alam kong hindi na puwede. Pero gusto ko lang... malaman mo."

"Nahanap kita sa buhay na 'to. At pakiramdam ko—natupad ko ang pangakong matagal ko nang binitawan."

Pinunasan ni Celina ang luha. Tumingin sa kanya, mata sa mata.

"Salamat, Marco. Tingin ko... handa na ako."

Nagliwanag ang mukha ni Marco. Maamong ngiti, puno ng kaalaman na tama ang ginawa niyang paghihintay.

"Gusto ko sana samahan ka sa paglalakbay mo," sabi niya. "Pero hanggang dito na lang kita masasamahan. Sana sa paglalakbay mo, mahanap mo ang mga sagot sa mga tanong mo. Pero nandirito lang rin ako—kung kinakailangan mo ng kaibigan, kung sakaling maligaw ka ng landas, kung kinakailangan mong bumalik..."

Inabot niya ang isang maliit na envelope.

"Buksan mo siya pag nakarating ka na sa Tukon Chapel," sabi niya.

Inabot ni Celina ang liham. Dahan-dahang ipinatong sa dibdib.

"Naiintindihan ko, Marco."

"Sa pamamagitan ng liham na ito... siguro, parang kasama na rin kita."

At sa dapit-hapon na iyon—hindi man nila nakuha ang isa't isa, nakuha naman nila ang isa't isa... kahit saglit lang. Isang pag-unawang higit sa salita. Isang yakap ng kaluluwa, kahit hindi ng katawan.

[Journal Entry #98 – Dra. Celina Ramos]
February 11, Sunday | 8:47 PM

Nakita ko siya kanina. Sa Baywalk. Sa wakas, nagkita rin kami.
At doon, habang unti-unting lumulubog ang araw sa dagat, may mga tanong na nasagot. May
mga puso na nakaintindi.
Hindi pa rin siya akin. At alam kong hindi siya kailanman magiging akin. Pero hindi ko na kailangan ng galit. Hindi ko na rin kailangan ng closure. Dahil sa hapong ito, binigyan niya ako ng pahintulot... para magpatuloy.
At sa wakas, marunong na rin palang lumambot ang pusong ito. Unti-unti.
Hindi pa man buo ang paggaling... pero nagsimula na ito.
At siguro, iyon lang ang mahalaga ngayon.

-C

Itutuloy...

sherwinrreyes
AninoNgPusa

Creator

Comments (0)

See all
Add a comment

Recommendation for you

  • Blood Moon

    Recommendation

    Blood Moon

    BL 47.6k likes

  • Silence | book 1

    Recommendation

    Silence | book 1

    LGBTQ+ 27.2k likes

  • What Makes a Monster

    Recommendation

    What Makes a Monster

    BL 75.2k likes

  • Secunda

    Recommendation

    Secunda

    Romance Fantasy 43.2k likes

  • Touch

    Recommendation

    Touch

    BL 15.5k likes

  • Silence | book 2

    Recommendation

    Silence | book 2

    LGBTQ+ 32.3k likes

  • feeling lucky

    Feeling lucky

    Random series you may like

Kahit sa Batanes
Kahit sa Batanes

1.3k views3 subscribers

KAHIT SA BATANES
Isang kwentong hindi lang tungkol sa pag-ibig-kundi tungkol sa mga pusong natutong magmahal muli, kahit huli na.

Sa gitna ng mabagal na paggaling mula sa karamdaman, isang lalaki-si Marco Velasquez-ay muling natutong humawak ng pag-asa. Hindi niya inaasahan na sa loob ng isang maliit na clinic sa ospital, makikilala niya ang isang doktora-si Dra. Celina Ramos-na hindi lang magpapagaling sa kanyang katawan, kundi gisingin ang isang damdaming matagal nang natulog.

Ngunit si Celina ay hindi rin buo.

Sa ilalim ng kanyang white coat ay isang pusong pagod, sugatan, at sanay nang umiwas sa lahat ng emosyon. Hanggang sa mabasa niya ang isang kwento sa Wattpad-isang lihim na liham ng pasasalamat at pagmamahal... para sa kanya.
Sa bawat appointment, sa bawat biro, sa bawat tahimik na tango-lumalalim ang koneksyon.
Tatlong favors. Isang tango. Isang liham. Isang pag-ibig na hindi inaasahan.
Sa Batanes, may mga lugar na mahirap abutin. Gaya rin ng mga puso nilang dalawa.
Ngunit sa paglalakbay na ito, matutuklasan nilang...

Minsan, ang hindi mo sinadya... siya pala ang matagal mo nang inaasam.

KAHIT SA BATANES
Isang kwento ng pag-ibig na hindi lahat ng pagmamahal may happy ending. Pero may mga kwento na kahit walang tayo, may ako't ikaw-na minahal nang buo, totoo, at wagas.
Subscribe

24 episodes

Part 14: LQ ng hindi naman mag-on

Part 14: LQ ng hindi naman mag-on

67 views 0 likes 0 comments


Style
More
Like
List
Comment

Prev
Next

Full
Exit
0
0
Prev
Next