Huling hapon sa Batanes.
Tahimik na nag-empake si Dra. Celina sa kanyang kwarto. Maingat niyang inilalagay ang mga damit, mga souvenir, at ang journal na naging saksi sa mga pagbabagong pinagdaanan niya sa mga araw ng tour.
Isinara niya ang zipper ng maleta. Huminga nang malalim. Ngayong gabi, aalis na siya. Pa-Maynila na.
Pagbaba niya ng hagdan patungo sa lobby, agad niyang nakita sina Hanz at Leia.
Nakangiti si Leia at masiglang kumaway. May hawak pa itong pinipitik-pitik na capiz shell keychain na tila bagong bili lang sa souvenir shop sa town proper.
Hindi na napigilan ni Celina ang emosyon.
Napaluha siya at agad na lumapit kay Leia. Mahigpit ang yakap, para bang ayaw niya munang iwan ang dalawang taong naging sandigan niya sa tour.
Celina (pabulong, nanginginig ang boses):
"Salamat... sa inyo ni Hanz. Hindi ko inakala na magiging masaya ako sa trip na 'to. Inakala ko mag-isa ako—pero hindi pala."
Leia (malambing, habang pinupunasan ang luha ni Celina):
"Walang anuman. Alam mo, kung okay lang sa 'yo, ituring mo na kaming kaibigan. Hindi lang pang-tour. Totoong kaibigan."
Hanz (nakangiti, tinapik ang balikat niya):
"At kung kailangan mo ng kasama o kakwentuhan sa Maynila... tawag ka lang. Hahanapan ka namin ng oras. Promise yan."
Kasabay ng dapit-hapon, sumakay na silang tatlo sa tour van papuntang Basco Airport.
Habang bumabaybay sa makitid na kalsada, tanaw ni Celina ang siluet ng mga burol, bahay na bato, at ang dagat na tila nakikinig lang.
Pagdating sa airport, dumiretso siya sa check-in. Matapos makuha ang boarding pass, lumakad siya patungong tarmac. Pero bago pa siya umakyat ng hagdan ng eroplano—tumigil siya.
Humarap siya sa direksyon ng hanging amihan.
Lumingon sa kabundukan. Sa mga burol na minsan niyang tinahak.
At doon, dumaan sa isip niya ang mga huling alaala:
[FLASHBACK MONTAGE – With BGM: "Bato sa Buhangin" (Acoustic)]
Ivana Port to Sabtang Island:Sa loob ng faluwa, nagkukwentuhan sila habang nilalagpasan ng alon ang bangka. Si Hanz may baong "fun facts", habang si Leia panay selfie. Si Celina—tumatawa na ng totoo.
San Vicente Ferrer Church:Tahimik si Celina habang pinagmamasdan ang altar.
"Dito ba sila nanalangin dati?" bulong niya sa sarili. Hawak ang maliit na rosaryong iniregalo sa kanya ng Nanay niya.
Savidug at Chavayan Villages:Nagpapalitrato sila sa tabi ng mga lumang bahay na bato. "Maganda ka pa sa postcard," sabi ni Hanz kay Leia. "Pareho kayo," sabay kindat kay Celina.
Tinyan Viewpoint:Mahabang tinginan lang silang tatlo sa karagatan. Walang selfie. Walang salita. Peace lang.
Morong Beach:Tawanan habang nilalagyan ni Hanz ng buhangin sa likod si Leia. Si Celina? Nagkape sa ilalim ng punong niyog. "Ayos dito. Walang deadline."
Honesty Coffee Shop:Nag-iwan si Celina ng bayad at mensahe: "Hindi lahat ng tiwala ay nauubos. Salamat, Batanes."
House of Dakay:Pinagmasdan niya ang pinakamatandang bahay. Naalala niya ang mga matatagal na pagmamahal. Yung tumatagal—kahit walang kasiguruhan.
BACK TO PRESENT – AIRPORT TARMAC
Bumuntong-hininga si Celina.
Celina (sa sarili, mahina):
"Salamat, Batanes."
Umakyat siya ng hagdan. Sa likod, hindi siya lumingon ulit. Ang kanyang alaala na lang ang muling babalik dito.
Sa loob ng eroplano, nakaupo siya sa window seat.
Walang katabi.
Ngunit hindi na bakante ang puso.
Nang magsimulang umandar ang eroplano, ngumiti siya.
Ito ang unang biyahe niya kung saan, kahit siya lang mag-isa—pakiramdam niya, buo siya.
At habang paangat ang eroplano sa kalangitan, tanaw niya ang mga huling tanawin ng Batanes—ang burol, dagat, at ulap.
Hindi siya natulog. Ni hindi siya napapikit.
Sa halip, tinanaw niya ang lahat nang may kapayapaan sa kanyang dibdib.
Sa kanyang isip, isang tanong ang sumagot ng buo:
"Handa na akong bumalik... bilang bagong ako."
Sa Maynila - Ang Bagong Simula
Paglapag ng eroplano sa NAIA Terminal 4, unti-unting naglakad palabas si Celina kasama ng ibang pasahero. Tahimik ang paligid. Sa loob niya, may kakaibang payapa. Hindi katulad ng pag-alis niya noong isang linggo.
Habang hinihintay ang kanyang check-in baggage sa conveyor belt, napansin niya ang magkasintahan—sina Hanz at Leia. Nakatayo sa may gilid, magkahawak-kamay. Nagkatinginan sila ni Celina.
Ngumiti siya. Malamyos. Isang pasasalamat.
Nag-flying kiss si Leia. Si Hanz naman, humawak sa dulo ng cap niya at tumango.
At dahan-dahan silang naglakad palayo—pabalik sa sariling buhay.
Sa labas ng airport, nakatayo na sina Mang Rob at Aling Mercy.
Paglapit niya, inilapag ni Celina ang kanyang maleta at mga gamit—at walang sali-salita, niyakap nang mahigpit ang kanyang mga magulang.
"Ma... Pa..." mahina niyang bulong, "Masaya ako. At... salamat. Itinuloy ko ang paglalakbay na ito."
"Anak..." sabi ni Mang Rob, pinisil ang balikat niya, "Nakita mo ba ang mga sagot sa mga tanong mo?"
Tumingin si Celina sa kanyang ama. Hindi siya nagsalita. Tumango lang—dahan-dahan, may luha sa mata. Pero may ngiti rin sa labi.
Sa bahay, tahimik ang gabi. Nakaupo si Celina sa harap ng vanity drawer. Bukas ang kanyang journal.
Hawak niya ang ballpen.At sa pahina ng bagong simula, sinimulan niyang magsulat:
[Journal Entry – February 24, Tuesday | 10:04 PM]
"Isang Pag-ibig na Naiwan sa Panahon"
Hindi ko akalaing sa isang lugar na kasing-layo ng Batanes, makakahanap ako ng kapayapaan.
Hindi ko rin inakalang ang dalawang taong hindi ko naman kilala, ay magiging sandigan ko sa mga panahong gusto ko sanang umatras.
Doon ko nakita... kung ano ang hitsura ng tunay na pagmamahalan. Yung hindi pabigat. Yung masaya lang. Tahimik. Payapa.At doon ko rin nalaman...
Na kaya ko pala.
Siguro hindi ko kayang piliin ang landas na 'yon noon...
Pero baka kaya ko na ngayon.
Hindi man sa kaniya, dahil hindi talaga ma-aari
Pero para sa kanya. Maghihintay ako.
Marahil, balang-araw.
Kaya kong tumayo, kahit mag-isa.
Kaya kong magmahal, nang hindi nawawala ang sarili ko.
Kaya mula ngayon... mamahalin ko muna ang sarili ko.
At kapag dumating ang tamang oras—kapag may kumatok na pagmamahal sa puso kong muling binuksan...
Hindi ko na ito ilalayo.
Bubuksan ko na ang pinto.
-C
Kinabukasan, sa St. Elora Global Medical Center...
Naglalakad si Dra. Celina sa hallway. Bitbit ang clipboard, suot ang kanyang lab coat. Naalimpungatan ang guard.
"Good morning, Mang Aldz," bati niya, may siglang ngiti.
"G-Good morning po, Doktora..." medyo nagulat ang guard. Bago siya nakangiting tumango.
Sa labas ng clinic, may pila na ng pasyente. Bawat isa na bumabati sa kanya ay tinatanguan niya.
Pagpasok sa clinic, agad siyang sinalubong ni Angela.
"Good morning po, Doktora."
"Good morning din, Angela."
Napansin agad ni Angela ang kakaibang sigla sa boss niya. Parang may glow. Parang galing Batanes—literal.
Matapos ang huling konsultasyon, kumain lang siya ng kaunting lunch, nagpahinga, at nagsimula na siyang mag-rounds sa mga naka-confine na pasyente.
Pagbalik niya sa clinic, halos maghahapon na. Mabilis ang lakad niya sa hallway, hawak ang folders ng pasyente.
Sa isang likuan, "THUD!"
Nagkalat sa sahig ang mga charts at record. Nagsalansan sa tiles. Siya ay napaatras ng bahagya.
"Aray! Naku, nagkalat na..." sabay tikhim. "Tingnan mo naman ang dinadaan mo—"
Isang malumanay na boses ang sumagot:
"Ah... naku... sorry Doktora—tulungan na kita," sabay luhod ng lalaki, nagmamadaling pulutin ang mga papel.
Nilingon ni Celina.
At natigilan.
Biglang bumagal ang mundo. Ang mga tao sa paligid ay nawala sa kanyang ulirat.
Sa harap niya ay isang lalaki—naka-asul na scrub suit, suot ang isang preskong white coat na may simpleng name embroidery:
Dr. Bennedict Lorenzo
General Surgery
Ang mukha? Mala-binata pero may lalim. Maputi, makinis, at malinis. Ang buhok, dark brown na may natural na wave. Ang mata—parang may gustong malaman. Tahimik, pero expressive.
"Pasensya na po... a-ako po ang may kasalanan. Ang bilis ko yata kanina. L-let me help," medyo nauutal pa habang pinupulot ang mga chart.
Si Dra. Celina—tulala. Parang may sinundot sa puso niyang kakagaling lang.
Matapos nilang mapulot ang mga nagkalat na papel, tumayo na si Dr. Bennedict. Kinapa ang bulsa—sa scrub pants, sa coat, sa chest pocket. Tapos may hinugot.
Isang calling card.Inabot niya iyon.
"Dra. Celina..." basa niya sa nameplate. "Pasensya na talaga. Please call me pag may time ka today. Promise, babawi ako—may emergency lang sa O.R."
Ngumiti siya. Hindi pilit. Hindi scripted. Basta natural.
At agad siyang tumakbo papuntang O.R. 1.
Si Celina?
Nakatayo lang.
Tinitingnan ang calling card.
At sa unang pagkakataon, pagkatapos ng mahabang panahon...
May kumatok.
Cake, Coin, at Clues
Pagkatapos ng isang minor surgery sa O.R. #1, hinubad na ni Dr. Bennedict ang guwantes, naghilamos at naghugas ng kamay, at saka isinuksok muli ang kanyang white coat. Sakto namang nag-buzz ang kanyang cellphone.
Isang text message.
"6:30 PM, Recovery Café and Pastries, 2nd Floor – Dra. Celina"
Napatigil siya. Kinabahan. Napakamot sa batok."Hala. Sana sapat ang latte at cake para hindi ako sermonan," bulong niya habang pasimpleng nilunok ang kaba.
Recovery Café – 6:35 PM
Nasa labas pa si Bennedict. Tiningnan niya ang sarili sa salamin ng pinto—ayusin ang buhok, inayos ang coat, huminga ng malalim.
Sa loob, nakangiti si Celina. Kumaway.
Ngumiti si Bennedict pabalik.
Binuksan niya ang kalahating pinto—at THUD—nauntog siya sa kabilang glass panel.
"Aray..." bulong niya, sabay ngiting kunwari walang nangyari.
Sa isip ni Celina, "Ang tikas niyang tingnan, pero bakit parang may pagka-clumsy?"
"Anong order mo, Doktora?" tanong ni Bennedict habang hindi pa umuupo.
"Iced Spanish Latte. Paki-add ng brown sugar, pa-halo na rin. Sa cake—ikaw na bahala. Isa lang, share na lang tayo."
Tumango si Bennedict at nagpunta sa counter.
"Sir, may six pesos po kayo?" tanong ng cashier. "Para buo na lang ang sukli."
Kumapa siya sa bulsa. "Meron po..." At sa pagbunot ng coins, sumama ang resibo, apartment key, ID clip—lahat kumalat sa sahig.
Nagtinginan ang ibang customers. Si Celina, napatitig.
Pero kahit sa kahihiyan, cute pa rin. At kahit nahihiya na, ngumiti lang si Bennedict at sinabing, "Ah, sorry miss. Sandali lang ha."
Habang magkasalo sa kape't cake, nagsimula ang mas malalim na kwentuhan.
"Graduate ako sa Xavier University sa Cagayan," kwento ni Bennedict. "Sa NMMC ako nag-intern, pero dito sa Manila ko gustong mag-practice talaga."
Natawa siya sa sarili. "Pero hirap pumasok sa malalaking ospital. Feeling ko hindi sila impressed sa akin. Kaya heto, St. Elora at Makati Med lang muna."
"Kelan duty mo dito?" tanong ni Celina.
"Martes, Huwebes, Sabado. Miyerkules, Biyernes, Linggo ako sa Makati Med. Off ko ang Lunes."
Nagbahagi pa siya ng mga kwento—mga kabarkada niya, mga basted moments, accent struggles. "Ang sabi ng iba, boring daw ako... clumsy pa. Kaya ayun, single pa rin."
Napangiti si Celina, nakasandal sa kamay, nakikinig lang. Ramdam ni Bennedict ang kalma at presensya niya.
Hanggang sa biglang nagbago ang tono.
"Actually," ani Bennedict. "Isa sa mga dahilan kaya ako lumuwas ay dahil sa isang kwento na nabasa ko online. Kwento ng isang fictional writer na tingin ko... Doktora rin."
Napatingin si Celina.
"Ang lalim ng kwento. Parang hindi kathang-isip. Parang totoong nangyari. Gusto ko siyang hanapin... pasalamatan. O baka higit pa ro'n."
"Anong kwento 'yon?" tanong ni Celina, bahagyang nanginginig ang boses.
"'In the Time We Had' ang pamagat. Ang author: m.velasquez_0928."
Nalaglag ang tinidor ni Celina.
"Dra. Celina? Okay ka lang?" tanong ni Bennedict, halatang nag-alala.
"Okay lang," sagot ni Celina, pilit ang ngiti. "Wala 'to."
Tahimik silang dalawa sandali.
"Kung makita mo 'yung author na 'yon, anong gagawin mo?" tanong ni Celina.
Ngumiti si Bennedict. "Kung single pa siya... baka ligawan ko."
Natawa si Celina, pilit pa rin ang tawa. Pero sa puso niya—hindi na siya sigurado kung natatawa siya o naiiyak.
"Take-out ko na lang 'tong drinks ko," aniya. "Salamat sa kape't cake, Dr. Bennedict."
Tumango si Bennedict. "Walang anuman."
Lumakad si Celina papalabas. Sa kamay niya—hawak ang cup. Sa dibdib niya—may tinatagong sikreto. Hindi pa ngayon. Pero malapit na.
Itutuloy...
Comments (0)
See all