Linggo.
Isang araw ng pahinga para kay Dra. Celina, sa wakas ay walang rounds, walang pasyente, at walang pressure. Nasa loob siya ng kanyang maliit na sala, nakaunat sa sofa, suot ang maluwag na t-shirt at pajama habang nakikinig sa kwento ni Dr. Bennedict sa kabilang linya.
Samantala, si Dr. Bennedict ay nasa duty sa Makati Medical Center, sandaling nakasilong sa call room habang patuloy ang ingay ng ospital sa paligid.
"Akala ko nga puputilin na, nung makita ko," ani Bennedict, may halong gulat at kaunting kaba sa boses. "Kasi namumuti na yung kaliwang hinlalaki niya."
Napakunot ang noo ni Celina, na parang siya ang mismong tumingin sa sugat.
"Pero nung tinignan naman namin sa X-Ray," dagdag niya, humupa ang tensyon sa kanyang tono, "mukhang buo pa naman. Walang naputol na buto. Nabugbog lang ng husto ang ugat."
Nagpahinga ng bahagya si Celina bago tanungin, medyo curious, "Anong ginawa mo?"
"Wala namang espesyal—tinahi lang namin para maisara ng maayos ang sugat, at para hindi na magdugo," sagot ni Bennedict, may halong kababaang loob. Para bang hindi niya gustong palakihin ang sariling ginawa.Sandaling katahimikan.
Tapos, narinig ni Celina ang bahagyang paglinaw ng boses ni Bennedict—parang nag-ipon ng tapang.
"Sya nga pala..." paunang salita niya, tila may gustong sabihin pero nag-aalangan pa.
"Off ko bukas." Lumunok siya nang marahan, ramdam sa tinig ang kaba, ang pagsukat ng pagkakataon.
"Ok lang ba yayain kita kumain sa labas?" May bahid ng nerbyos at pag-asa. Para bang nakataya ang buong araw niya sa isasagot ni Celina.
Ngunit ang sagot ay hindi inaasahan.
"Ok lang sa akin," tugon ni Celina, may lambing at kaswal na kasiguruhan. "Pero kung ako ang tatanungin mo kung ano gusto ko—gusto ko sana bisitahin ang apartment mo. Dyan na lang tayo?" Hindi utos, kundi alok na puno ng tiwala.
Biglang natahimik si Bennedict.
"Huh?" napahugot siya ng hangin. "Naku, nakakahiya ang lugar ko, maliit lang. Tsaka hindi gaano maayos dito—magulo pa yung mga gamit ko." Halata ang pagka-conscious, parang biglang bumalik sa pagiging intern sa harap ng isang consultant.
Tumawa si Celina—malambing, walang halong paghatol.
"Ganun ba? Off mo naman, meron ka pang buong maghapon para magligpit," biro niya, parang sinadyang gawing biro ang imbitasyon para pawiin ang hiya ng kausap.
"Dyan na lang tayo, para hindi na gaano magastos para sa iyo," dagdag niya, sa mas mahinang tono. Practical, at may halong malasakit.
Napabuntong-hininga si Bennedict. Tila nagbitiw ng depensa.
"Ewan ko ba, pag ikaw ang nagre-request, ang hirap mong tanggihan," sabi niya na may mahinang halakhak—isang pagsuko na masaya, hindi pilit.
"Sige, maglilinis at magliligpit ako. Order na lang tayo ng makakain para hindi na magluto—pagdating mo dito," dagdag niya, ngayon ay may halong excitement na.
"Sige. Salamat, Bennedict. Bye," paalam ni Dra. Celina, malumanay, parang may ngiti sa labi kahit hindi nakikita sa kabilang linya.
Nagpaalam din si Bennedict, habang nakatitig sa screen ng cellphone niya.
Ngumiti siya ng mag-isa.
Bukas... siya ang bisita.
Lunes ng Gabi
Gabi. Tila may katahimikang bumalot sa hallway ng condominium sa Makati. Tahimik ang paligid, tanging ilaw mula sa corridor lamp ang nagbibigay ng liwanag. Kumatok si Dra. Celina sa pinto ng unit ni Dr. Bennedict, may dalang kaba at munting ngiti.
Pagkabukas ng pinto, bumungad si Dr. Bennedict—naka maong shorts at puting slim fit t-shirt, medyo basa pa ang buhok, at lutang na lutang ang tikas ng katawan. Parang eksena sa isang K-drama na hindi inaasahan ni Celina.
Namula ang pisngi ni Dra. Celina. Agad siyang napalingon sa gilid, pilit nilalabanan ang awkwardness.
"Nahirapan ako humanap ng parking sa baba," sabi niya, medyo naiilang. "Pwede na ba ako tumuloy?"
"Ah... eh... oo naman!" halos matapilok sa sagot si Bennedict, agad tumabi sa pinto.
"Kakatapos ko lang magligpit," dagdag niya habang mabilis na tinakpan ang hindi maayos na bahagi ng unit gamit ang sarili niyang katawan.
Pagpasok, bumungad kay Celina ang isang studio-type unit—simple, malinis sa unang tingin, ngunit halatang bachelor pad. May isang couch na convertible sa kama, maliit na dining area, at isang ref na may kalat na magnet at post-it notes.
"Upo ka muna," alok ni Bennedict.
Umupo si Celina sa sofa bed, pinakiramdaman ang paligid. Hindi niya alam kung saan dapat ilagay ang bag niya, pero ngumiti na lang siya't sumandal ng bahagya.
"Order lang ako ng pizza para sa hapunan natin," ani Bennedict, sabay kuha ng cellphone at pagbukas ng delivery app.
Ngunit bago pa niya ma-finalize ang order, biglang tumayo si Celina. Tumungo sa kitchenette, binuksan ang refrigerator—at nakita ang isang bukas na ham at isang tray ng itlog.
Tumingin pa siya sa counter. May laman pa ang rice cooker.
"Bennedict," tawag niya mula sa kitchen. "Bakit hindi na lang itong ham at itlog lutuin natin? Kaysa umorder ka pa. Maghihintay pa tayo ng trenta minutos."
Naglakad si Bennedict papalapit, sabay kamot sa batok. "Naku Celina, gustuhin ko man... baka masunog lang natin. Yung niluto ko kahapon na ham and eggs, hindi ko rin nakain... mapait."
Napatawa si Celina. Hindi mapigilan. Yung simpleng pag-amin ni Bennedict sa kahinaan niya sa kusina, parang bata lang na nahuling hindi marunong magsaing.
Walang anu-ano'y kinuha niya ang ham at itlog, kinuha rin ang mantika, at binuksan ang kalan."Halika dito," utos niya na may lambing. "Tuturuan kita."
Ang pagluluto ng Ham at Fried Egg
Nagtagpo sila sa maliit na kitchen.
Hinubaran ng Celina ng plastic ang ham, habang si Bennedict ay pinapawisan sa pagbibitbit ng kawali.
"Kalahating kutsara lang ng mantika, hindi swimming pool." tawa ni Celina.
"Sorry," sagot ni Bennedict habang sinasalo ang tumalsik na mantika.
"Eto, basagin mo ang itlog, pero dahan-dahan lang ha."
"Bakit parang exam 'to?"
"Kasi kung bagsak ka, gutom tayong dalawa."
Pagkaluto, naupo silang dalawa sa harap ng maliit na lamesa. Walang candles, walang fancy plating—pero ramdam ang gaan. Ramdam ang pagiging totoo.
"Nakakahiya naman Celina," ani Bennedict, habang naglalagay ng ketchup sa pinggan. "Ikaw na nga ang bisita ko, pinagluto mo pa ako."
Ngumiti si Celina, naglagay ng konting kanin sa pinggan niya. "At least nakita mo na kung paano, 'di ba? Aktwal."
"Oo nga..." sabay ngiti ni Bennedict. "Pero pag pinanood ko kasi sa YouTube, parang ang dali lang."
Tumigil siya sandali. Tumingin sa malayo, saka nag-kwento, malumanay ang tinig.
"Hindi kasi ako natutong magluto talaga. May kaya kasi pamilya namin. Ang dad ko, sub-contractor ng mga malalaking construction firm sa Mindanao. Si mom ko, dealer ng bigas. Tapos may mga negosyo pa kaming parlor, water station, food carts... may tatlong katulong sa bahay. Wala akong kailangang gawin. Kaya ayun, nadala ko hanggang ngayon."
Tumango si Celina. Hindi humusga. Bagkus, mas lalo pa siyang tumingin kay Bennedict na may pagkaintindi.
"Bennedict," mahina ngunit buo ang boses niya, "maraming salamat at pinaunlakan mo ang hiling ko. Gusto ko kasing makita ka bilang ikaw. Kung ano ka talaga."
Napatingin si Bennedict sa kanya, bahagyang natigilan.
"Salamat, Celina. Ang lalim nun ah," biro niya, pero may halong sincerity.
Makalipas ang ilang minuto, nagpaalam na si Celina.
Bitbit ang maliit na handbag, at dala-dala rin ang isang bagay na hindi niya inaasahan—ang aliwalas ng isang gabing simple lang, pero totoo.
"Ingat ka pauwi," sabi ni Bennedict habang hinahatid siya sa pinto.
"Salamat ulit," sagot ni Celina, may ngiti sa labi at bahagyang kislap sa mata.Pagkasarado ng pinto, napangiti si Bennedict mag-isa. Sa kabila ng gulo ng buhay, at kahit pa hilaw pa sa pagluluto...
Parang may isang bagay siyang nagawa nang tama ngayong araw.
Itutuloy...
Comments (0)
See all