Ang pagkahulog ng loob sa isa't isa
Parang isang librong hindi inaasahang gustuhing tapusin...
Isang pahina ang bumuklat, sumunod pa. At sa bawat araw na lumilipas, unti-unting nahulog ang loob nina Celina at Bennedict sa isa't isa.
Tuwing gabi, kahit pagod na mula sa duty, tumatawag si Bennedict. Si Celina naman, kahit ayaw aminin sa sarili, hinihintay iyon.
"Kumusta ER n'yo kanina?"
"May pasyenteng kinagat ng buwaya—este, pusa pala."
"Loko ka talaga."
"Pero seryoso, tumakbo lang daw ng tumakbo, tapos biglang nahimatay."
Simpleng kwentuhan, pero sa pagitan ng mga tawa at kamustahan, may namumuong hindi pa binibigkas.
Minsan, nauuwi sa:"Ano bang dahilan mo bakit tumawag?"
"Wala lang... gusto ko lang marinig boses mo."
At natahimik pareho. Walang nagsalita ng matagal, pero pareho silang ngumiti sa dulo ng linya.
Pag Sabado sa St. Elora, nakasanayan na nilang sabay mag-lunch. Si Angela, at ang med student na assistant ni Dra. Celina na si Elaine, palaging kinikilig tuwing sinusundo siya ni Dr. Bennedict.
"Grabe Doc... ang pogi ni Sir Bennedict. Parang Korean actor, pero mas humble."
Napapangiti lang si Celina, sabay iling.
"Elaine, focus sa case presentation mo, ha."
"Pero Doc, kayo ba... may something?"
"Wala!" sabay tawa, pero hindi niya na idinagdag ang salitang "pa."
At ganito sila sa mga sumunod na araw.
Ang mga araw naging linggo.
Ang linggo naging buwan.
Parang isang tahimik na relasyon na walang pormal na simula, pero alam ng puso kung saan ito patungo.
Isang araw, habang kumakain sila sa hospital cafeteria, sa mesa sa tabi ng bintana, umihip ang malamig na hangin mula sa labas.
Tahimik silang kumakain, pero si Celina ay may dalang tanong na matagal na niyang gustong itanong.
"Bennedict..."
Tumingin si Bennedict, ngumiti.
"May balita ka na ba dun sa hinahanap mong si m.velasquez_0928?"
May bahid ng pag-aalinlangan ang tanong. Alam niya ang sagot, pero gusto niyang marinig mula sa kanya.
Nagbuntong-hininga si Bennedict, saka tumitig sa tasa ng kape.
"Wala pa, Celina."
"Ang totoo nga... parang unti-unti na rin nawawala yung interest ko sa paghahanap sa kanya."
Malambing ang boses niya. Hindi padalos-dalos, pero may laman.
"Hah? Bakit naman?" tanong ni Celina, pilit na pinapanatili ang tono, pero ramdam ang kaba.
Tumingin si Bennedict sa malayo. Sandaling katahimikan.
"May... may iba na kasi akong nagugustuhan ngayon."
Tumigil sa pagnguya si Celina. Napatingin sa kanya.
"Ka-katrabaho mo ba siya?" mahina niyang tanong, halos hindi siya makahinga.
"Oo," sagot ni Bennedict. "Sa ngayon, hindi ko pa siya kayang harapin tungkol dun sa damdamin ko para sa kanya."
Minsan... nakita ni Celina, hindi lang isang beses—siguro dalawa o tatlong beses, may kausap si Bennedict na nurse sa lobby ng Makati Med.
Maganda. Matangkad. Balingkinitan. Mukhang Koreana.
At kung titignan mo sila nang magkatabi... bagay sila.
Biglang nalungkot si Celina, kahit wala namang dahilan. O siguro... meron.
"Sino pala yung nurse na nakikita ko minsan na kausap mo?" tanong niya, kalmado ang tono pero may tinatagong silakbo.
"Ah, si Vanessa ba?" sagot ni Bennedict. "Siya yung tumulong sa paghahanap ng apartment ko bago ako lumipat sa Maynila."
Tumango si Celina. Saka mahina ngunit malinaw ang kanyang sinabi.
"Bennedict..."
"Tingin ko, dapat mo na siyang makita."
Napakunot-noo si Bennedict.
"Sino?"
"Si m.velasquez_0928."
Pagkasabi nito, tumigil ang mundo sandali.
"Kaya kong mag-setup para ma-meet mo siya in person."
Napatingin si Bennedict sa kanya, nabigla.
"Kilala mo siya, Celina?"
Tumango si Celina, mababa ang tinig, pero buo ang loob.
"Oo, Bennedict. Patawarin mo sana ako. Hindi ko kaagad sinabi. Tingin ko kasi... hindi pa yun ang tamang oras."
Tahimik si Bennedict. Tumitig sa kanya, may lungkot sa mata, pero walang galit.
"Ganun ba..." mahina niyang sagot. "Sige, payag ako. Pero samahan mo sana ako. Gusto ko lang siya kausapin—pasalamatan."
Ngumiti si Celina, kahit may kaba pa rin.
"Sige... i-message kita pag handa na ang lahat."
At sa loob niya... hindi niya alam kung ito na ang simula ng isang katapusan,
o simula ng isang pag-ibig na hindi na kailangang itago.
Ang Pagkakahayag, komprontasyon at pagtatapat
Isang hapon sa isang sikat na mall sa Makati.
Sa isang tahimik na sulok ng isang cozy coffee shop, magkasalungat sa isang maliit na mesa, nakaupo si Dra. Celina at si Dr. Bennedict. Sa pagitan nila ay dalawang tasa ng kape—parehong halos hindi nababawasan. Ang usapan nila, simple lang. Mga kwentong clinic, pasyente, at ilang biro.
Pero sa ilalim ng lahat ng iyon, ay ang hindi mabigkas na pulso ng isang damdaming pilit pa lamang umuusbong.
Biglang bumukas ang pintuan ng coffee shop. Kasunod ng pag-ihip ng malamig na aircon ay ang pagdating ng isang lalaki—diretso sa mesa nila Celina.
Tumayo si Dra. Celina, bahagyang may ngiti sa labi, ngunit may tensyon sa mata."Kamusta ka na, Marco?"
"Medyo matagal na rin, simula ng huli tayong nag-usap."
"Marco Velasquez," pakilala ng lalaki habang inabot ang kamay kay Dr. Bennedict.
Medyo nanginginig si Bennedict sa pagkabigla. Tumayo siya, pilit pinapakalma ang sarili.
"Dr. Bennedict Lorenzo." Kinamayan niya si Marco—maayos, pero ramdam ang bahagyang panginginig ng kanyang mga daliri.
Wala pa man silang nauupuan muli, bigla na lang nagtanong si Bennedict, halos pabulong, nanginginig ang tinig:"I-Ikaw si m.velasquez_0928? Yung sumulat ng kwento?"
Nag-aalangan, parang hindi makapaniwala. "Isa kang... lalaki? Akala ko'y—"
Hindi pa man natatapos si Bennedict, sumabat na si Marco.
"Yung kwentong nabasa mo—sinulat ko yun para sa kanya," sabay lingon kay Celina.
Napalingon si Bennedict kay Dra. Celina. Nagtama ang kanilang mga mata.
Marahang tumango si Celina. Hindi na kailangan ng paliwanag. Marahang umupo si Dr. Bennedict, pilit inaayos ang bigat ng kanyang dibdib habang nakasandig ang isang kamay sa lamesa.
Pagkaupo nilang tatlo, muling nagtanong si Dr. Bennedict, halos hindi makatingin ng diretso:"Ibig sabihin... ikaw si Dr. Serena Hoshino sa kwento?"
Tahimik na tumango si Celina.
At ikaw... si Kei Yamada?"
Marahan din ang tango ni Marco. Hindi niya tinatago ang lungkot sa kanyang mga mata.Yumuko si Dr. Bennedict. Ang labi niya bahagyang nanginginig.
"Ibig sabihin... mahal n'yo ang isa't isa."
Tahimik si Marco. Pagkatapos ng ilang segundo, nagsalita siya. Mahinahon. Malalim.
"Hindi sa paraang iniisip mo."
"Oo, may pagmamahal ako kay Celina. Pero isa yung pagmamahal ng isang kaibigan."
Tumingin siya sa malayo, tapos muling humarap sa kanila.
"Kung sakaling nabuhay kami sa ibang panahon, ibang kalagayan—marahil ang pagmamahal namin ay tulad ng iniisip mo."
"Ibig mong sabihin... may pamilya ka? May responsibilidad ka ngayon—kaya hindi mo siya pwedeng mahalin?"
Tanong ni Bennedict, may halong sakit sa tinig.
"Oo, Dr. Bennedict."
"Hindi ko kayang tanggapin na kung magiging makasarili ako... at angkinin namin ang isa't isa—ay maging mitsa ito ng pagkapira-piraso ng mga pinaghirapan niya, at maging dahilan ng sakit sa mga taong mahal ko—na wala namang kinalaman sa kwento namin."
"Celina..." bulong ni Bennedict.
Tumingin si Celina sa mga mata ni Bennedict, malumanay ang tinig pero bakas ang pagod.
"Ang totoo... sasabihin ko sana sa'yo, na unti-unti ko nang kinakalimutan yung inakala kong doktora na sumulat ng kwento."
"Sapagkat... may bago na akong nagugustuhan."
Nagbuntong-hininga siya. Tumingin sa lamesa, iwas sa parehong tingin ng dalawang lalaki.
"Ngunit hindi ko inaasahan ito."
"Kailangan ko ng kaunting panahon at espasyo. Hayaan mong mapag-isipan kong mabuti ang lahat."
"Hindi ko gustong maipit sa gitna ng kung ano man ang meron kayo ni Marco."
Tumayo siya—dahan-dahan. Pinipilit panatilihin ang dignidad, kahit ang loob niya'y gulo-gulo.
"If you'll excuse me."
At tumalikod si Dr. Bennedict, marahang lumakad palayo sa coffee shop. Hindi na siya lumingon pa.
Naiwan si Celina sa harap ni Marco.
Maluha-luha. Tahimik.
"Celina," tanong ni Marco. "Gusto mo rin siya, ano?"
Tumango si Celina, mabigat ang puso.
"Oo, Marco."
"Nagustuhan ko na rin siya."
"Hindi siya mahirap mahalin."
Pinikit niya ang mga mata saglit, bago nagsalita muli.
"Pero bakit ganun? Hinayaan ko naman bukas ang puso ko, kung sakaling may kumatok."
"Bakit ganito ang nangyari?"
"Pinili ko namang maging tapat at totoo. Kaya nga nagkita-kita tayo dito."
Tahimik si Marco. Tiningnan siya, hindi na bilang Serena, kundi bilang Celina—ang babaeng minahal niya sa isang panahong hindi na pwedeng balikan.
"Celina," tugon niya, may bahid ng pag-asa ang boses.
"Sinabi naman niyang pag-iisipan niya ang lahat."
"Sa ngayon... bakit hindi muna tayo magtiwala sa pag-ibig?"
Matagal bago sumagot si Celina.
"Susubukan ko... sana hindi pa talaga huli ang lahat."
Hanggang Dito Na Lang Ba?
Sumunod na araw. Tahimik ang hallway ng St. Elora Medical Center.
Habang binabasa ni Dra. Celina ang isang memo sa bulletin board, napatigil siya. Isang linya ang agad tumama sa kanya—parang suntok sa dibdib.
"Dr. Bennedict Lorenzo – filed a one-month emergency leave."
Agad siyang napatingin sa petsa. Kahapon ito isinampa.
Mabilis siyang nagtanong sa nurse station.
"Totoo ba ito? Uuwi si Dr. Bennedict ng CDO?"
Tumango lang ang clerk. "Oo daw po, urgent daw. Family matter ata."
Lumipas ang isang linggo.
Walang text.
Walang tawag.
Walang e-mail.
Walang kahit isang "seen" sa Viber.
Tahimik.
Gusto sana siyang kamustahin ni Celina. Hawak na niya minsan ang phone—nakatype na ang
"Hi Bennedict..." pero binura rin.
"Baka lalo lang siyang lumayo... baka ayaw niya akong kausapin. Mas mabuti na sigurong manahimik muna ako."
Itutuloy...
Comments (0)
See all