Ang Umagang Hindi Dapat Nandoon
Umaga na.
Nang magbukas ang mata ni Dra. Clarise, una niyang napansin ang wall clock-nasa kaliwang pader.
"Bakit nalipat itong wall clock sa kaliwa?" tanong niya sa sarili. "Pinalipat kaya ni Nanay?"
Lumingon siya sa kanan. Napansin niyang wala namang naiwang pamakuan sa kanan bahagi ng pader, kung saan dapat naka kabit ang wall clock na yun.
Nagkibit balikat lang siya at bumangon na sa kama. Naghanda upang bumaba na para mag-almusal.
Pagkababa ni Clarisse sa hagdan, naamoy niya agad ang kape.
Barako. Matapang. Malakas ang aroma.
Pamilyar.
Pagdating sa kusina—nandoon si Mang Tony, nakaupo, nagbabasa ng dyaryo, naka-sando at shorts.
Sa tabi niya, nakapatong ang cellphone at isang platitong may pandesal.
Napahinto si Clarisse.
"Tay...?"
"Oh, gising ka na. Good morning, anak," sagot ni Mang Tony habang nilalagay ang salamin sa tainga.
"Kala ko po nasa Leyte pa kayo?"
"Na-move 'yung flight. Mamayang gabi pa daw ang biyahe. Problema raw sa barge, baha yata ro'n."
"Ahh..."
Nagmano siya, saka naupo saglit.
"Kumusta po si Tito Roman?"
"Matamlay pa rin daw 'yung mga anak. Pero ayos naman ang burol."
Tumango na lang si Clarisse, at tinignan ang mug na may laman na kape sa kanyang kamay.
Parang... hindi 'yon dapat nandito.
Pero hindi na siya nagsalita.
Paalis
Pagkatapos maligo't magbihis, bumaba ulit si Clarisse.
Dark blue blouse, black slacks, ponytail. Pamilyar na estilo.
Sa sala, nandoon si Nanay Floring, nag-aayos ng mga tuyong damit para tiklupin.
"Nay, aalis na po ako."
"Anak, ito oh—baon mong saging. Nilaga ko 'yan kaninang maaga."
"Thank you po."
Hinalikan niya si Nanay Floring sa pisngi.
Lumapit sa ama't ginawaran din ng halik.
"Ingat ka, anak," sabi ni Mang Tony.
"Text mo lang kami kung late ka ulit makakauwi."
"Opo. Love you."
Tahimik. Pero buo.
Parking na May Pagkakamali
Sa parking B1 ng ospital, maaga pa si Clarisse.
Ilang beses na siyang dito naka-park—automatic na.
Nang bigla...
"Dok! Doon po tayo sa kabila!" sigaw ni Mang Aldz, sabay kumpas.
"Good morning, Mang Aldz?"
"Kay Dr. Fariñas po kasi itong slot na 'to, ma'am. Doon po tayo sa B3."
Napakurap na lang si Clarisse.
"Akala ko po... sakin 'to?"
"Hindi po, mam. Nag-reshuffle noong isang linggo. May memo po. Baka hindi lang po nabasa."
"Ah. Okay. Salamat po."
Lumipat siya. Tahimik lang.
Pero sa isip niya: "Wala akong natandaang memo."
Clinic Confusion
Pagpasok niya sa clinic, agad siyang nagsalita sa sekretarya.
"Angela, paabot ng mga charts ng pasyente natin dito."
"Angelou po, ma'am."
Tumingala saglit si Clarisse.
Isang masayahing babae, pero hindi si Angela.
Pareho ang boses... pero hindi ang itsura.
"Ah... sorry. Sige... Angelou. Pakiabot na lang."
Tumango si Angelou.
Lumapit at iniabot ang mga papel.
May chika pang:
"Ma'am, may bago pong admit sa Room 309. Follow-up ng case natin kahapon."
"Okay. Salamat, Angelou."
Ngunit sa loob-loob niya...
"Kahapon? Hindi ba ngayon ko lang siya nakita?"
Ang Pagkikita sa Hallway
Habang papunta sa Room 309, nakasalubong ni Clarisse si William.
Dumaan ito sa harap niya, pero hindi na gaya kahapon.
Ngumiti ito—buo, may kislap sa mata.
Tumigil.
"Hi, Dra. Clarisse. Kumusta?"
"Okay naman. Ikaw?"
"Ayos lang. Mas okay ngayon."
Nginitian niya ito.
Hindi awkward.
Parang natural lang.
Ngunit may kung anong bumalot sa kanyang isipan...
Saglit siyang napatitig, saka nagsalita:
"Bakit pala nagmamadali ka kahapon kumain at umalis sa Subway?"
Si William Kumurap ang mga mata. Nalito.
"Kahapon?"
"Wala naman ako natatandaan na dumaan ako sa Subway kahapon."
Natigilan si Clarisse.
Saglit na katahimikan.
"Huh? Ah... sige lang. Kalimutan mo na 'yon."
"Baka ako ang nagkamali... o baka..."
Pero ngumiti lang si William.
Nilabas ang cellphone.
"Pwede mo ba ako i-add sa Viber? Baka minsan... gusto mong mag-kape, mag-usap?"
"Kung okay lang sa'yo, ha."
Clarisse, medyo natigilan. Nahihiya.
"Ah... uhm... sige ba."
Binunot din niya ang kanyang cellphone.
In-add ang number ni William sa Viber contacts.
Tahimik. Parang walang nangyayari.
Pero sa dibdib niya—may kumislot.
Pagkatalikod niya, napapikit siya.
Mabilis. Isang iglap lang.
"Parang... dati na naming pinag-usapan 'to."
Routine at Trabaho
Pagbalik sa clinic, tinapos niya ang rounds.
Nagreseta. Nagsulat.
Sumagot sa dalawang email.
Tumawag sa lab.
Pero habang ginagawa ito, paulit-ulit niyang sinusulyapan si Angelou.
"Sigurado ba akong ngayon lang kita nakasama?"
Pamilyang Kumpleto
Gabi.
Tatlo silang sabay na kumain sa mesa.
May tinola. May kanin. May malamig na tubig.
Tahimik si Clarisse.
Pero ngumiti sa bawat kwento ni Mang Tony.
Tumango sa tanong ni Nanay Floring.
Pero sa isip niya...
"Bakit parang 'di ko na alam kung anong araw ngayon?"
Ang Pagtulog na Tahimik
Sa kwarto, binuksan niya ang lamp.
Nagbihis.
Sinilip ang phone. May tatlong missed call—lahat galing sa isang "Unknown Number."
Hindi niya sinagot.
Paghiga niya, tumingin sa kisame.
Walang ngiti.
"Siguro wala lang 'yon," bulong niya.
"Baka pagod lang ako..."
At sa katahimikan ng gabi, sa dilim ng kwarto...
nawala siya sa sariling diwa.
Hindi pa niya alam—na sa panaginip, may naghihintay na sa kanya...
Malapit na...
Itutuloy...
Comments (0)
See all