Lunes ng Umaga
Nag-alarm ang cellphone ni Dra. Clarisse. Sakto alas sais.
Hindi siya nagising.
Lumipas ang labinlimang minuto. Nag-alarm ulit. Tumagilid lang siya sa kama, mahigpit pa rin ang pikit ng mata.
Sa pangatlong alarm—alas sais, kuwatro y medya ng umaga—dahan-dahang bumukas ang kanyang mga mata. Nakatagilid siya. Ang una niyang nakita? Ang oras sa cellphone.
"Mag-aalas siyete na?!" bulalas niya.
Parang natapunan ng malamig na tubig, bigla siyang tumayo. Hinagilap ang tuwalya at pang-opisina. Di na siya nag-isip, diretso banyo.
Hindi niya napansin—ang wall clock, nasa kanang pader.
Hindi niya napansin... dahil ang isip niya, gising na gising sa iisang bagay: kailangan niyang pumasok.
Sa Kusina
Pagkababa, humalik siya sa pisngi ng kanyang ina.
"Anak, handa na ang almusal mo. Tinanghali ka yata?" tanong ni Nanay Floring habang iniaabot ang tasa ng kape.
"Nay, late na rin kasi ako nakauwi kagabi. Alam nyo na... may ka-date ang anak nyo." Nakangiting pilya ang tono ni Clarisse.
Ngunit sumeryoso ang mukha ng ina.
"Ka-date? Alas otso pa lang ng gabi, nandito ka na. Sabay nga tayong naghapunan. Mechadong manok pa nga ulam natin kagabi."
Natigilan si Clarisse.
Dalawang eksena ang pilit nagsisiksikan sa kanyang alaala. Una, ang gabi nila ni William—ang biyahe, ang motel, ang katahimikan matapos. Pangalawa, ang payak na hapunan nila ng kanyang ina, habang pinupuri ang pagkakaluto ng manok.
Napatingin siya sa lamesa. May bowl ng natirang mechado. Katabi nito ang longganisa't pritong itlog—pang-almusal.
"Ah, oo nga Nay. Nalito lang siguro ako," mahina niyang sabi. Pero sa loob-loob niya, hindi lang basta kalituhan 'yon.
Parang may kakaiba.
Pero hindi niya binigyang pansin. Inubos ang kape. Kumain.
Sa Ospital
Pagdating sa East Global Medical Center, sinalubong siya ng pamilyar na boses.
"Good morning po, Dra. Clarisse!" bati ni Angela.
"Good morning din, Angelou," tugon niya.
"Doc? Angela po," sabay ngiti ni Angela.
Napangiti rin siya, bahagyang nahiya. "Sorry, Angela."
Habang nire-review niya ang charts ng mga pasyente, may iniabot si Angela.
"Doc, good news! May dumating na kayong check galing sa Philex Pharma."
Dalawang tseke. Insentibo mula sa pharmaceutical reps. Sanay na siya dito.
"Ilang minutes pa tayo bago magsimula ang consultation?"
"Mga 45 minutes po," sagot ni Angela.
"Sige. I-deposit ko lang muna 'to sa checking account ko."
Sa Bangko
Mabilis ang kilos ni Clarisse. Kabisado na ang proseso: fill-up, pirma, pila.
Pagkakuha ng deposit slip mula sa teller, papalabas na sana siya nang...
"Wi–William?"
Nasa bungad ng pinto, si William—nakatitig din sa kanya.
"Hi..." sabay ngiti niya, pero may halatang pagtataka.
"Doktora? Kayo po 'yung sa clinic ni Dra. Anne, 'di ba?"
Napako si Clarisse sa kinatatayuan.
Parang nabura ang kulay ng paligid. Parang may bumagsak na basong hindi nabasag.
"Ah... oo. Ako nga pala si Dra. Clarisse Villanueva. Endocrinologist." Ngiti niya, pilit na kalmado.
"Hon," sambit ng babaeng sumunod kay William. "Nakapag-fill up ka na ba ng deposit slip?"
"Love, hindi pa. Sige, gagawin ko na."
"Dra. Villanueva, if you'll excuse me..."
"Sige lang..." mahina niyang sagot.
At nang tumalikod si William, napalunok si Clarisse. Hindi siya nakita. Hindi siya naalala.
At ang lalaking hinalikan niya sa motel kagabi—ngayo'y ibang tao.
May asawa. At hindi na siya kilala.
Pagbalik sa Trabaho
Tahimik si Clarisse buong araw.
Inubos niya ang oras sa clinic. Sa rounds. Sa mga meeting. Sa admin boardroom. Sa bawat papel na hawak niya—parang may gustong takasan.
Pag-uwi, sinalubong siya ng ina. Sabay silang kumain.
"Nay, kailan po ba uuwi si Tatay?"
"Mga ilang araw pa. Maganda naman daw ang stay niya sa Leyte. Nakikipag-bonding sa mga pinsan niya."
Tahimik na tumango si Clarisse.
Nagpalit ng pang-tulog. Umupo sa kama. Nag-scroll sa social media. Nag-comment. Natawa sa meme. Saglit lang.
Hanggang sa dinalaw na siya ng antok.
Muli, sa Kwarto
Pinatay niya ang ilaw. Nahiga.
Pumikit.
Tahimik.
Walang ulan. Walang hangin. Pero ramdam ang bigat ng gabi.
At habang siya'y tulog na, sa silid na iyon—
Ang wall clock?
Nasa kaliwang pader.
Itutuloy...
Comments (0)
See all