Ang Paglipas ng Mga Araw
Muling umikot ang mundo.
At sa paglipas ng mga araw, sa bawat pagngiti ni Ethan, sa bawat tapik ng maliit niyang palad sa pisngi ng ina, unti-unting napalitan ng liwanag ang mga aninong minsang bumalot sa pamilyang Villanueva.
Pinangalanan ni Clarisse at William ang bata na Ethan.
At sa kahilingan ni Mang Tony, hindi man isinunod ang apelyido ni William sa birth certificate, pumirma naman siya bilang Ama. Sa papel, Villanueva. Sa puso, isa siyang Centeno.
Hindi pa man tumuntong ng isang taon, malikot na si Ethan. Naglalakad na. Nakakangiti nang buo, tumatawa nang walang rason, at may iilang salitang kaya nang bigkasin: "Mama," "Papa," "Tay," "Nay," "Dede", "Ayaw." Minsan, "More" kapag busog na't may gusto pa.
Isang Masayang Sabado
Sa kusina, abala si Nanay Floring. Maagang gumising para magluto ng adobo at magbalot ng pandesal—pangbaon nila Clarisse at William. Picnic day ngayon. Sa Quezon Memorial Circle.
Si Clarisse naman, abalang inihahanda ang gamit ni Ethan—diaper bag, extrang damit, gatas, wipes, laruan, at dalawang bote ng tubig.
Dumating si William, bitbit ang ngiti. Nagmano kay Nanay Floring.
Nang lumapit siya kay Mang Tony, inabot ang kamay. "Mano po, Tay."
"Sige na..." malamig na sagot ng matanda. Ngunit hindi matigas. Parang pagod lang.
Napangiti si Clarisse. Sanay na siya. Ngunit si Ethan—ibang usapan.
Pagkakita sa lolo, iniunat ang dalawang kamay. "Taytay!"
Hindi nakatanggi si Mang Tony. Kinuha agad ang apo, hinalikan sa noo.
"Nako... ang apo ko. Love na love si Taytay!" bulalas niya, tila nawala ang lamig sa kanyang boses.
"Tay... baka ayaw na sa amin sumama ni Ethan..." biro ni Clarisse.
"Eh kung dito siya sumama, ako na lang magpapasyal sa kanya sa park," sagot ni Mang Tony, habang kinukurot ni Nanay Floring sa tagiliran.
Bago sila umalis, tumango si Mang Tony at bumulong kay Floring, "Salamat at pinili niyang ipaglaban ang batang 'to."
"Hindi ko rin pinagsisisihan," sagot ni Floring. "Sa totoo lang... binuhay tayong muli ng batang 'yan."
Piknik Sa Quezon Circle
Payapang umaga. Masarap ang hangin. Maingay ang mga bata sa palaruan, pero sa gitna ng gulo, may katahimikan sa puso ni Clarisse.
Habang si William ay ginagabayan si Ethan sa slide, tahimik siyang nanonood. Nakatutok sa dalawang mahal niya sa buhay. Isang eksena ng halos perpektong pamilya.
Nang makahanap ng pagkakataon, nagsalita si Clarisse.
"William... ilang buwan na rin na nandito si Maica. Kamusta na kayo?"
Sandaling katahimikan.
"Akala ko may pag-asa pa kami," sagot ni William. "Pero habang tumatagal, mas ramdam kong wala na."
"Alam na ba niya... tungkol sa atin?" maingat na tanong ni Clarisse.
"Alam na niya. Hindi pa lang niya ako hinaharap. Tahimik lang siya. Pero ramdam kong alam na niya lahat."
Napabuntong-hininga si Clarisse.
"Pasensya na, Clarisse," sabay tingin ni William sa kanya. "Sa lahat ng gulong 'to."
Napatingin si Clarisse kay Ethan, habang abala ito sa mga alphabet blocks.
"Wala akong pinagsisisihan, William." Gumuhit ang ngiti sa labi niya.
"Mahal kita... kayong dalawa ni Ethan."
Hinawakan ni William ang kanyang kamay.
At sa gitna ng sigawan ng mga bata at hampas ng araw sa mukha nila, parang tumigil saglit ang oras.
Hapon ng Alaala
Sumunod silang tumuloy sa mall.
Sakay si Ethan sa mini-carousel, hawak ni William. Sa playpen, tuwang-tuwa siya sa mga bola't foam blocks. Kumakaway sa lahat, kahit sa mga hindi kakilala.
At nang dumating ang gabi, pagod pero masaya silang umuwi.
Sa harap ng bahay, hinatid ni William sina Clarisse. Tulog na tulog si Ethan sa balikat ng ina.
"I love you, Clarisse," bulong niya.
Hinalikan siya ni Clarisse sa pisngi.
Nakangiti si William habang palayo ang kanyang sasakyan.
Sa loob, si Nanay Floring ay nakaupo sa tabi ng crib, binabantayan ang apo habang nagso-scroll sa cellphone.
Si Clarisse, tahimik. Naghahanda nang matulog. Tumayo sa tapat ng orasan, pero hindi siya tumingin dito.
Para sa kanya, ang araw na iyon ay alaala ng kapayapaan. Alaala ng isang hindi perpektong pamilya, pero buo.
At sa paghiga niya, tila inakay ng katahimikan ang kanyang pag-idlip.
Habang ang orasan sa dingding ay patuloy sa pagtiktak.
Tik.
Tak.
Tik.
Tak.
Hindi niya napansin...
Na ang orasan—nasa kanan na naman.
Itutuloy.
Comments (0)
See all