Ang Katahimikan ng Umaga
Kinabukasan...
Dahan-dahang bumukas ang mga mata ni Clarisse. Wala nang alarm. Wala nang ingay. Tanging ang banayad na sinag ng araw mula sa bintana ang gumising sa kanya.
Sanay na sanay na siya—dati—na pagdilat ng mata'y may maririnig siyang tawa. Iyong maliit na boses na tumatawag ng "Mama" habang binabayo ang crib, humihingi ng yakap.
Pero ngayon, walang tunog. Walang tawag. Walang Ethan.
Palingon siya sa kaliwa ng silid—doon kung saan umaasa siya na matatagpuan ang isang kasagutan, isang senyales, isang himala.
Ngunit...
Wala roon ang orasan.
Nasa kanan pa rin ito. Tahimik. Hindi gumagalaw ng puwesto. Parang bantay sa kanyang pagkagising. Parang paalala.
Muling pumatak ang luha sa pisngi ni Clarisse.
Tahimik.
Hindi siya umiyak gaya ng dati. Walang hikbi, walang hagulgol. Tila ang katawan niya'y pagod na rin sa pagluluksa. Ang puso niya'y nanahimik na lang—hindi dahil nakalimot, kundi dahil wala nang lakas para magsalita.
Isa na namang araw na wala si Ethan.
Isa na namang umagang walang halakhak, walang padyak ng maliliit na paa, walang gatas na kailangang timplahin, walang laruan na kailangang pulutin.
Pero kahit ganoon, bumangon siya.
Kailangan niyang harapin ang araw na ito.
Alang-alang kay Ethan.
Kahit wala siya sa mundong ito.
Tahimik ang buong silid. Walang umiiyak. Walang tumatawa. Parang may nawalang hindi niya pa rin kayang pangalanan. Parang ang buong mundo ay biglang naging kulang, pero hindi niya mawari kung anong bahagi ang nawala—o kung kailan ito nawala.
At habang dahan-dahang inaayos ni Clarisse ang sarili, ang tanong ay nananatili sa loob ng kanyang dibdib:
"Totoo ba ang lahat ng iyon?"
At ang sagot, gaya ng orasan sa kanan—hindi gumagalaw. Hindi nagsasalita.
Ang Araw na Kailangang Ituloy
Kahit tila naubos na ang lakas niya mula sa loob, pilit na bumangon si Clarisse.
Dahan-dahan siyang kumilos. Nag-ayos ng kama. Nagpunas ng luha gamit ang laylayan ng kanyang t-shirt. Bumaba sa kusina at sumubok kumain kahit wala siyang ganang kumagat sa kahit anong pagkain.
Nagalmusal.
Naligo.
Nagbihis ng uniporme.
Ang bawat kilos niya ay parang koreograpiyang kabisado ng katawan kahit hindi na sumasabay ang damdamin.
Paglabas ng kwarto, dumaan siya sa likod ni Nanay Floring. Hinagkan ito sa pisngi. "Alis na po ako, Nay."
Lumapit siya kay Mang Tony. "Tay," maikling sambit, sabay halik sa pisngi.
Hindi nila siya pinigilan. Pero ramdam ng mga magulang niya, may mabigat na tinatakpan ang anak nilang babae.
Pagkaalis ni Clarisse, nanatiling tahimik ang bahay. Naghilamos si Aling Floring sa lababo ng kusina habang si Mang Tony naman ay binuksan muli ang dyaryo.
"Ano bang nangyari sa anak mo?" tanong ni Mang Tony, habang inaalis ang salamin sa mata. "Hindi naman siya ganyan nung isang araw, ah. Masigla pa nga eh. Ngayon, parang multo na lang na gumagalaw."
"Ewan ko ba, Antonio," sagot ni Floring habang pinupunasan ang basang kamay. "Wala naman siyang sinasabi sa akin. Tahimik lang. Hindi ko alam kung pagod o may pinagdadaanan."
Sumandig si Mang Tony sa sandalan ng upuan, sabay tingin sa kisame. "Sige. Obserbahan mo na lang muna. Tingin mo kaya... lalaki ang problema niya?"
Napailing si Floring. "Hindi ko alam. Pero magtatanong-tanong ako. Hindi ako mapapakali ng ganito."
Napabuntong-hininga si Aling Floring.
Sa kanilang mga puso, may kutob. Ngunit wala silang tiyak. Ang alam lang nila—may lamat na hindi nila makita. May sugat na hindi nila maabot.
At habang papalayo na sa bahay si Clarisse, sa labas ng gate, hindi niya na lingon ang tahanang iyon.
Hindi dahil ayaw niya.
Kundi dahil baka kapag lumingon siya...
...bumalik lahat ng hindi niya kayang harapin.
Mga Tanong sa Gitna ng Gawain
Pagdating ni Clarisse sa ospital, agad siyang sinalubong ng maagang tensyon.
Nakahalukipkip si Angela sa labas ng clinic, may bahid ng pag-aalala sa mukha. "Naku, Doc..." agad nitong bungad, "pinapatawag po kayo ni Dra. Raquel sa taas."
Si Dra. Raquel—kilalang direktor ng East Global Medical Center. Hindi madaling kausapin. Pero makatarungan.
"Bakit daw?" tanong ni Clarisse, mahina ang tinig, parang may buhat na hindi nakikita.
"Wala raw pong nakuha agad na reliever kahapon," sagot ni Angela. "Lampas tatlumpu ang pasyente kahapon sa clinic n'yo, Doc."
Tumango si Clarisse, pero hindi nagulat. "Sige... aakyat na ako."
Pagpasok sa opisina, hindi siya sinalubong ng sermon.
Walang sigaw. Walang galit.
Ngunit may bigat sa mga salita.
"Clarisse," simula ni Dra. Raquel. "Alam kong tao lang tayo, pero kailangan nating maging maingat. Lalo na't outpatient clinic ito. Professional courtesy at continuity of care ang puhunan natin dito."
Tumango lang si Clarisse. "Opo, Ma'am. Pasensya na po."
"Make sure it doesn't happen again," wika ni Dra. Raquel, may malamig na tapik sa balikat bago ito muling naupo sa harap ng desktop.
Pagbalik niya sa clinic, sinalubong siya ni Angela.
"Doc, may good news naman po. May incentives po kayo ulit from Abbot. Checke po." Kinuha nito mula sa envelope. "Pero mukhang pagod kayo. Ako na lang po mag-deposit, kung gusto ninyo. May fill-up slip na rin ako dito."
Napangiti si Clarisse kahit paano. "Salamat, Angela."
Kinuha niya ang deposit slip at ang ballpen. Agad na sinimulang isulat ang mga detalye, pamilyar na galaw ng kamay na para bang hindi na kailangang isipin.
Pero pagdating sa account number... natigilan siya.
9814561387.
Iyon ang nakasanayan niya. Muscle memory.
Pero may gumuhit sa alaala niya—ang sandaling sinabi ng teller na hindi sa kanya ang account na iyon.
Mabilis niyang kinuha ang cellphone, binuksan ang banking app, at chineck ang account details.
9814561387.
Pareho.
Napakunot ang noo niya.
"Tama siya?" bulong niya sa sarili. "Pero bakit noong isang araw, sabi ng teller mali?"
Hindi niya alam ang sagot. At ayaw rin niyang kalkalin pa. Hindi ngayon.
Kaya kinopya niya ang number mula sa app. Isinulat sa deposit slip. Isinabmit kay Angela.
"Babalik din po ako agad, Doc," paalam ni Angela, sabay lakad palabas.
Nanatiling tahimik si Clarisse.
Ngunit sa loob-loob niya... unti-unting bumubukas ang isang tanong:
Ano nga ba talaga ang totoo?
Isang Tahimik na Gabing May Hiling
Lumipas ang maghapon.
Naidaan ni Clarisse ang sarili sa trabaho—tahimik na consultations, clinical rounds, pagbasa ng lab results, sagot sa mga email, at pakikisuyo sa mga pasyente. Walang masyadong kwento. Walang masyadong ngiti. Pero natapos niya.
Pagsapit ng uwian, dahan-dahan siyang lumabas ng ospital. Parang laging may kulang sa bawat hakbang, ngunit pinilit niyang ituloy ang lakad.
Pagdating sa bahay, sinalubong siya ni Nanay Floring sa may pintuan.
"Anak, kamusta? Kumain ka na ba?" bungad ng ina, may ngiting pilit tinatago ang pag-aalala.
Ngumiti si Clarisse, payak pero totoo.
"Nay, magbibihis lang po ako. Sasabay na rin ako sa inyo ni Tay sa hapunan."
Habang nasa hapag, pinagmamasdan siya ni Mang Tony at Nanay Floring.
Hindi maikakaila—may bumabagabag kay Clarisse. Tahimik siya. Kumakain, pero hindi tulad ng dati.
"Anak..." mahinang sambit ni Floring, "may problema ba?"
Napatingin si Clarisse. Saglit siyang natahimik bago sumagot.
"Meron po, Nay... Pero okay lang po ba kung sarilinin ko muna?"
Nagkatitigan ang mag-asawa. Walang tanong. Walang pangungulit.
"Mahirap po kasi ipaliwanag," dagdag pa ni Clarisse, habang tinatapik ang kutsara sa gilid ng plato.
Tumango si Mang Tony. Malumanay ang boses.
"Sige, anak. Pero tandaan mo... nandito lang kami ng nanay mo."
Ngumiti si Clarisse. Hindi man niya masabi, ramdam niyang sapat na iyon—yung presensiya lang nila. Yung katahimikang hindi nagtatanong pero laging handang makinig.
Matapos ang hapunan, umakyat na siya sa kanyang silid.
Humiga sa kama. Hindi pa rin siya dinadalaw ng antok. Nakatingin lang sa kisame. Parang walang kasiguraduhan ang gabing iyon, ngunit ang katawan niya ay dahan-dahan nang sumusuko sa pagod.
Habang pinipikit ang mga mata, dahan-dahang lumabas ang mga salitang tila panalangin na pilit niyang itinatago buong araw:
"Ethan... anak ko... baby ko..."
"Pakiusap... sa kaliwa..."
At tuluyang pumatak ang luha sa kanyang pisngi—tahimik, walang hikbi. Isa lamang hiling. Isa lamang panaginip na sana'y maulit.
Nahimbing siya.
At ang orasan?
Tahimik pa rin itong nakasabit sa dingding.
Sa kanan.
At unti-unti... parang nawawala sa pagkakakapit.
Parang binubura ng mismong gabi.
Parang hindi na sigurado kung dapat pa ba siyang nandoon.
Itutuloy...
Comments (0)
See all