Sa isang malawak na lote sa Cavite, malapit sa Tagaytay, tahimik na nakatayo si Ken kasama si Don Miguel Montemayor—isa sa mga kilalang negosyante sa lugar, kamag-anak ng pamilya Sarmiento at matagal nang katuwang sa iba't ibang proyekto at negosyo.
Hindi nagtagal, isang itim na sedan ang dahan-dahang pumarada sa kanilang harapan. Bumaba si Tito Roman at mabilis na lumapit upang kamayan si Don Miguel.
"Pasensya na kayo at medyo nahuli ako. Hindi ko inasahang ganito kabigat ang trapiko sa SLEX. Galing pa kasi ako ng Maynila para makipag-usap sa ilang board members natin."
Umiling si Don Miguel habang nakangiti. "Ayos lang, Roman. Hindi naman kami naiinip dito. Katunayan, kanina pa namin pinag-uusapan ni Dr. Ken ang mga plano tungkol sa ipatatayong General Hospital."
"Sang-ayon na po ako sa plano, Tito Roman," dugtong agad ni Ken. "Kung ako lang po ang tatanungin ninyo, maaari nang simulan agad ang paghukay at pagtatayo ng pundasyon ng main building."
Bahagyang napangiti si Tito Roman sa narinig. Tumango siya at tiningnan si Ken nang buong pagmamalaki. "Hindi lamang ospital ang ipatatayo natin dito, Ken. Ito ang magbibigay-halaga sa ating pangalan at legacy ng pamilya natin dito sa Tagaytay."
Sumang-ayon si Don Miguel habang nakatanaw sa kalayuan. "Tama ka, Roman. Halos tatlong siglo nang nakatatak ang pangalang Sarmiento sa lugar na ito. Ilang henerasyon na ang dumaan na walang sawang nangalaga at nag-ingat ng dangal ng pamilyang ito."
"Bukod po sa ospital," marahang dagdag ni Ken, "nais ko rin pong magtayo ng isang foundation para matulungan ang mga kababayan nating kapos-palad sa kanilang pagpapagamot."
"Of course, iho. Hindi pwedeng mawala iyan," sagot ni Tito Roman, may lalim sa kanyang boses. "Hindi lang negosyo ang habol natin dito. Simbolo rin ito ng malasakit at pakikipagkapwa-tao ng ating pamilya sa komunidad."
Tumango nang buong galak si Tito Roman. "Ikinatutuwa kong marinig 'yan mula sa iyo, Ken."
Matapos ang kanilang maigsing pag-uusap, nagpaalam na sila sa isa't isa. Si Don Miguel ay bumalik sa kanyang opisina sa sentro ng Tagaytay, habang si Tito Roman ay nagtungo na sa estate ng mga Sarmiento. Samantala, bumalik naman si Dr. Ken sa kanyang clinic.
Sa Clinic
Pagdating ni Dr. Ken sa clinic ay sinalubong agad siya ng maaliwalas na pagbati ni Joanne. "Magandang tanghali po, Dr. Ken! Nakapananghalian na po ba kayo?"
"Salamat, Joanne. Sa totoo lang, hindi pa ako nakakain."
"Gusto ninyo po bang i-order ko na kayo ng lunch ninyo sa App?"
Ngumiti si Ken nang marahan. "Sige, Joanne, ikaw na bahala. Dalawa na ang orderin mo, ha? Isa sa akin at isa para sa iyo. Ako na ang magbabayad."
Saglit na nagulat si Joanne, namula ang pisngi sa hiya at tuwa. "Sige po, Doc. Ako na po ang bahala," ang masiglang tugon niya.
Maya-maya lang, dumating na ang inorder nilang pagkain. Inihatid ito ni Joanne sa mesa ni Dr. Ken.
"Doc, heto na po ang sandwich na inorder ninyo—walang mayo at walang onions," sabi ni Joanne na nakangiti.
"Ang galing mo talaga, Joanne. Natandaan mo pa rin pala ang gusto ko?" may paghanga sa boses ni Ken.
Naalala tuloy niya ang isang insidente noon nang umorder siya ng sandwich sa isang fast food chain. Ibinilin niyang huwag lagyan ng mayo at onions, pero nang dumating ang order ay hindi ito nasunod. Nagreklamo siya sa telepono noon ngunit hindi naman niya na hinabol ang refund. Hindi niya alam na nakikinig pala si Joanne noon.
Bumalik ang atensyon niya sa kasalukuyan.
"Masaya akong ikaw ang na-assign bilang sekretarya ko dito, Joanne. Maaasahan ka talaga."
Mahinhin na ngumiti lang si Joanne, halatang napalalim ang paghinga at bahagyang namula ang kanyang mga pisngi.
Habang kinakagat ni Dr. Ken ang sandwich, nanatili pa ring nakatayo si Joanne sa harapan niya, tahimik na nakatingin.
"Joanne? Ayos ka lang ba? May problema ba?" tanong ni Ken nang mapansin niyang hindi pa rin umaalis ang dalaga.
Biglang natauhan si Joanne, bahagyang napaatras sa pagkahiya at pagkalito. "Naku, sorry po, Doc! Nawala po yata ako sa sarili ko sandali. Pasensya na po talaga." Dali-dali siyang bumalik sa kanyang desk, habang hindi pa rin mawala ang pamumula ng kanyang pisngi at tainga.
Nang matapos kumain si Dr. Ken, lumabas siya mula sa exam room para kausapin muli si Joanne.
"Magkano nga pala ang sandwich at yung pagkain mo? Sabihin mo na sa akin, isasama ko na sa bayad."
"Naku Doc, 'wag na po, okay na po 'yun," nahihiyang sabi ni Joanne.
"Joanne naman, ako ang superior mo dito. Mas nakakahiya naman sa akin kung hindi ko babayaran."
Saglit na tumahimik si Joanne, pagkatapos ay naglakas-loob siyang magsalita. "Okay lang po ba, Doc? Ituring niyo na lang pong libre ko iyon sa inyo. Gusto ko rin kasi na kahit papaano, may maibigay naman akong pabor para sa inyo."
"Joanne..." hindi naituloy ni Ken ang sasabihin. Saglit siyang natigilan.
"Sige na po, Doc, huwag na kayong mahiya. Pero siyempre, aasahan ko rin na minsan kayo naman po ang manlilibre sa akin," pabirong sagot ni Joanne, may kasamang kindat.
Tumango si Dr. Ken na bahagyang napatawa. "Sige, Joanne. Don't worry, next time ako naman talaga ang manlilibre sa iyo."
Ngumiti ng matamis si Joanne. "Doc Ken, salamat po. Hihintayin ko po talaga ang paanyaya ninyo, ha? Aasahan ko 'yan."
"Anyway, kung may dumating nang pasyente, pwede na tayong magsimula by 1:30 PM, okay?"
"Yes po, Doc!" ang masiglang tugon ni Joanne.
Sa sandaling iyon, may naramdaman si Dr. Ken na kakaibang koneksyon sa dalaga, isang bagay na hindi niya inasahan.
Si Joanne P. Llamado ang sekretaryang naka-assign kay Dr, Kenneth Sarmiento sa clinic.
Hindi siya ang tipikal na babae na hahangaan mo sa unang sulyap sa billboard o fashion magazine-pero may kakaibang ganda si Joanne. Isang maamong mukha na tila laging may ngiti sa labi. May matang tila laging nakikinig, at boses na malamyos at banayad, na kapag marinig mo'y tila humuhupa ang ingay sa iyong dibdib.
Kung may gulo sa isip mo, sapat na ang kanyang "Good morning po Sir/Doc" para bumalik ka sa ayos.
Hindi siya matangkad, nasa limang talampakan lang ang taas-at balingkinitan ang pangangatawan. Pero kung siya'y nakatayo sa tabi ni Dr. Ken, mistulang siya ang tagapagbantay ng kanyang kaharian sa clinic. Tahimik, organisado, at hindi matitinag sa dami ng pasyente o tensyon sa paligid.
Disente rin siyang manamit, laging maayos, laging malinis-simple pero may uri. Mapapansin mo agad ang kanyang paninindigan. Hindi siya yung tipong magpapakatanga. Pero sa larangan ng pag-ibig? Iba ang tibok ng puso ni Joanne.
Kapag siya'y nagmahal... buong puso. Tahimik, totoo at buo. Walang kundisyon. Ibibigay niya ang lahat sa lalaking pinili niya-kahit hindi siya piliin pabalik. Tinatago niya ang damdaming iyon sa kanyang maliit na notebook na palagi niyang dala. Doon niya isinusulat ang mga lihim na titig kay Dr. Ken, ang mga araw na bumabati ito sa kanya at ang mga gabing piniling hindi siya kausapin ng lalaki.
Walang nakakaalam.
Na habang pinipirmahan ni Dr. Ken ang mga reseta...
...may isang pusong palihim na sumusulat ng "Mahal kita" gamit ang panulat na walang pag-asa.
At naramdaman na ito ni Dr. Ken.
Si Joanne P. Llamado
Si Joanne ang nag-iisang anak ni Nanay Eloisa, isang babaeng marunong ngumiti kahit pagod, at marunong magmahal kahit wasak na ang palad sa trabaho. Maaga siyang naulila: limang taong gulang pa lang si Joanne nang kunin ng tuberculosis ang kanyang Ama—isang construction foreman na araw-araw nakikipagbuno sa alikabok, semento, at init ng araw.
Pagkamatay ng asawa, kinaya ng mag-isa ni Nanay Eloisa ang bigat ng buhay. Nag-lalabada, nag-plantsa ng uniporme, nag-lalako ng kakanin sa umaga, at kung minsan ay namamasukan bilang kasambahay na hindi stay-in para lang may maipakain kay Joanne.
Lumaki ang dalaga na sanay sa tahimik na tahanan, marunong umintindi, marunong tumulong. Hindi niya nakilala ang habang-habang saya, pero kilala niya ang pagtitipid, pagdarasal, at pag-uwi sa ina na amoy sabon, pawis, at pagod.
Nang makatapos si Joanne sa high school, kay Nanay Eloisa nanggaling ang huling piraso ng lakas para ipagpatuloy ang pag-aaral niya—isang maliit na vocational school, abot-kaya lang ng naipong barya at padalang kakanin. Madalas, pumapasok si Joanne na walang baon, minsan ay naglalakad ng mahigit isang kilometro dahil wala silang pamasahe.
Bago pa siya makapagtapos, inabot ng stroke ang kanyang ina—pagod, puyat, at halos lumubog sa trabaho. Dito tuluyang nagbago ang mundo ni Joanne.
Napilitang huminto muna sa pag-aaral, nagtrabaho siya bilang fast-food crew at minsan kahera, basta may maipambili ng gamot at may maipakain sa bahay. Sa pagitan ng maingay na shift at malamig na commute pauwi, tahimik siyang nangarap na balang araw, makatapos din siya kahit paano.
At nang makabalik siya, tinapos niya ang kursong Computer Secretariat—ang pinakamalapit na pangarap na kaya nilang abutin.
Pagkatapos ng ilang buwan ng apply dito, apply doon...
Nakuha siya bilang clinic secretary sa isang ospital sa Cavite.
Doon niya unang nakilala si Dr. Ken Sarmiento.
Tahimik na tao.
Maingat kumilos.
Malamig ang presensya pero magalang magsalita.
At sa hindi maipaliwanag na dahilan—
sa unang pagkakataon sa buhay niya, may isang taong nakita siyang hindi bilang pasanin, hindi bilang anak na may inang may sakit, hindi bilang crew o tagasulat ng forms.
Kundi bilang si Joanne.
At iyon ang simula ng tahimik na trahedyang dinala niya sa dibdib...at hindi niya kailanman inamin.
Tahimik ang buong silid, tanging tunog ng ulan sa labas ang maririnig.
Pumasok si Nestor, marahan, may dala pang kaba sa boses.
NESTOR:
"Doc Ken... may nais po akong ipaalam."
DR. KEN (hindi tumitingin, nagbubuklat ng lumang medical journal):
"Sige."
NESTOR:
"May ni-report po sa atin 'yung mga pulis na kilala natin.
May estudyanteng journalist daw na nag-iimbestiga tungkol sa mga nawawalang babae dito sa Tagaytay."
(Saglit na katahimikan. Binaba ni Dr. Ken ang journal.)
DR. KEN:
"Ganun ba?
Hayaan mo muna siya.
Mas nakakatuwang panoorin kung gaano kalalim ang kaya niyang hukayin...
Bago siya mahulog sa mismong lupaing hinuhukay niya."
NESTOR:
"Masusunod po, Doc."
DR. KEN:
"At Nestor...
Kapag nakarinig ka ng kahit anong bulong tungkol sa kanya,
dalhin mo agad sa akin.
May mga bulaklak na mas mabilis mamulaklak kaysa sa iba."
Itutuloy...
Comments (0)
See all