Abala si Dr. Ken sa pag-aaral ng mga medical charts at laboratory results nang may dumating na bisita sa clinic. Tahimik na lumapit ang isang babaeng doktor kay Joanne, ang sekretarya ni Ken.
"Good morning, is Dr. Sarmiento in?" tanong nito na may kalmadong boses.
Nag-angat ng tingin si Joanne, agad ngumiti nang makita ang bisita. "Good morning po, Doc. Kayo po ba ang bagong consultant na pumalit kay Dr. Zulueta? Si Dr. Horacio Zulueta—Doc Ato po?"
Marahang tumango ang doktor. "Yes, ako nga. Actually, nagkita pa kami kanina bago siya nagpaalam sa staff. Ipinakilala niya rin ako kanina sa ibang tao dito sa clinic."
"Tuloy po kayo, Doc." Magiliw ang ngiti ni Joanne habang itinuro ang silid ni Ken.
Maingat na kumatok si Dra. Gabby bago marahang binuksan ang pinto.
"Dr. Kenneth Sarmiento?"
Nagtaas ng tingin si Ken mula sa hawak niyang dokumento. "Yes, ako nga po. Ano pong maipaglilingkod ko sa inyo, Doktora?"
"Pumasyal lang ako para magpakilala. Ako ang pumalit kay Dr. Zulueta bilang consultant for Internal Medicine – Cardiology. Kung sakaling may ire-refer kang pasyente, I'm Dra. Gabrielle Marie B. Paredes."
Tumayo si Ken at marahang inilapit ang kamay bilang paggalang. "Pleased to meet you po, Dra. Paredes."
Tinanggap ni Dra. Gabby ang kamay ni Ken. "Dra. Gabby na lang. It's nice to finally meet you, Dr. Ken."
"Likewise po," mahinahon ang tugon ni Ken, sinuklian ng isang tipid na ngiti.
"So, sige, hindi na ako magtatagal. I'll be in my clinic kung kailangan mo ng tulong."
"No worries, Dra. Gabby. Makakaasa kayo na tatawagan namin kayo kapag kailangan."
Nagpaalam si Dra. Gabby, ngumiti muli kay Joanne bago tuluyang lumabas ng clinic. "Bye, Joanne."
"Ingat po, Dra. Gabby!"
Habang break time, tahimik na nagsusulat si Joanne sa maliit niyang notebook. Tungkol ito kay Dra. Gabby—puno ng mga tanong ang isip niya. Iba kaya ang tingin sa kanya ni Dr. Ken?
Si Dra. Gabrielle Marie Buenaventura Paredes.
Matatag ang prinsipyo, maingat bago kumilos.
Matalas ang pakiramdam—kapag may kutob, hindi siya tumitigil hanggang matuklasan ang katotohanan.
May malalim na pagpapahalaga sa hustisya, lalo na kung may naaapi o nawawala.
Tapat siya sa mga taong mahal niya.
Matalik siyang kaibigan ni Beatrice at parang tita na rin kay Bernice—kaya nang mawala ang dalaga, personal ang naging epekto nito sa kanya.
At ngayon, dito sa munting clinic sa Cavite, unti-unting nabubuhay muli ang kutob niya.
Bumalik si Ken sa mga dokumentong hawak niya, ngunit unti-unting lumabo ang kanyang paningin. Nalipat ang kanyang atensyon sa isang alaala mula sa matagal nang panahon.
FLASHBACK:
Noong unang taon niya sa med school, nakilala niya si Annika Villarubin Gomez, isang nursing student na nasa third year na noon. Maganda, mestiza, balingkinitan, at laging nakakahakot ng tingin saan man magpunta. Si Ken mismo ay hindi rin nakaiwas.
Isang araw, naglakas-loob si Ken na lapitan si Annika. "Hi, ako nga pala si Ken, med student. Gusto ko lang sanang makipagkilala sa'yo kung okay lang."
Nagulat si Annika, halatang nahihiya ngunit ngumiti rin kalaunan. "Sige, bakit naman hindi?"
Ibinigay ni Annika ang numero niya. Mula noon, nagpalitan sila ng mga mensahe, hanggang sa unang date, hanggang sa araw na nagtapat si Ken ng nararamdaman niya.
Sinagot siya ni Annika. Iyon marahil ang isa sa pinakamaligayang araw sa buhay ni Ken.
Lumipas ang panahon, nakapagtapos si Ken ng medisina at nakapasa sa licensure exam. Ngunit nang simulan niya ang residency, unti-unting nawalan siya ng oras kay Annika. Madalas, siya ang hindi available, lalo na kapag may okasyon na gustong daluhan ni Annika.
Bukod pa rito, napansin ni Annika na kahit wala pa sa residency noon si Ken, tila may laging kulang sa kanya. Parang may dalang madilim na lihim na bumabalot sa pagkatao niya, bagay na nagpapabigat din sa damdamin ng dalaga.
Hindi nagtagal, may ibang nanligaw kay Annika. Pilit niyang itinago ito kay Ken sa simula, ngunit nang lumalim ang relasyon niya sa bago, nagdesisyon siyang tapusin na ang relasyon nila ni Ken.
"I'm sorry, Ken... pero may mahal na akong iba."
Dumagdag ang pait na ito sa mga dati nang sugat ni Ken, hanggang sa tuluyan siyang bumitiw sa residency at nagtago na lamang sa Tagaytay mansion ng pamilya Sarmiento.
Isang taon ang lumipas, unti-unting bumangon si Ken. Nagtrabaho siya bilang moonlighter upang pansamantalang makalimutan ang sakit. Pero ilang taon lang ang lumipas, bumalik si Annika. Iniwan siya ng lalaking ipinagpalit niya kay Ken noon.
"Ken, alam kong nagkamali ako noon. Nasaktan kita nang sobra, pero gusto kong bumawi."
Hindi kaagad sumagot si Ken, ngunit sa huli'y sinagot rin ang tawag ng puso. "Alam mo bang mahal pa rin kita hanggang ngayon, Annika? Kahit anong sakit ang idinulot mo noon, hinintay ko pa rin ang araw na ito."
"Mahal din kita, Ken."
Mahigpit silang nagyakap—yakap ng muling pagkikita, ngunit hindi alam ni Annika na may madilim nang plano na nabubuo sa isip ni Ken.
Dinala niya si Annika sa estate ng mga Sarmiento sa Tagaytay. Espesyal na candlelight dinner ang inihanda niya.
"Masaya ka ba, Annika?"
"Masayang-masaya, Ken."
Sa veranda, naghalikan sila sa ilalim ng buwan.
"Pangako, hindi na kita iiwan muli, Ken."
"Naniniwala ako, Annika. At sisiguraduhin kong hindi mo na ako iiwan kahit kailan."
Dumating si Nanay Sylvia, may dalang dalawang tasa ng tsaa.
"Para sa ating muling pagkikita," pag-toast ni Ken.
"I love you, Ken... always," sabi ni Annika, sabay higop ng tsaa.
Ilang saglit lang, unti-unting bumigat ang pakiramdam ni Annika. "Ken, parang... inaantok ako."
"Halika, Annika, may inihanda akong silid para sa'yo. Makakapagpahinga ka nang mabuti doon."
Inalalayan niya si Annika hanggang mahiga ito sa kama.
"Ken, mahal kita... pinagsisisihan ko na iniwan kita noon. Tatanggapin ko anumang galit mo, basta patawarin mo lang ako."
"Alam ko, Annika. Ibibigay mo na sa akin ang lahat ngayon."
Nang mahimbing na si Annika, ikinabit ni Ken ang IV fluid. Sumunod ang paralytic agent, at panghuli, potassium chloride.
Payapa at tahimik na huminto ang tibok ng puso ni Annika.
Maingat niyang hinubaran ang dalaga, pinagmasdan ang kagandahan nito sa huling pagkakataon, saka maingat na sinuotan ng alabok na gown. Binalot niya ito sa puting kumot at dinala sa hardin kung saan naghihintay ang unang hukay.
Habang tinatabunan ang bangkay, bumulong si Ken:
"Hindi ka na muling sasama sa iba. Sa akin ka lang, Annika. Dito ka mananatili, mahal ko, habambuhay."
Isang marker ang inilagay niya kasama ang cellphone ni Annika—simbolo ng kanilang pag-ibig na ngayon ay isa nang alaala.
Si Annika Villarubin Gomez.
Ang unang bulaklak.
Ang unang sugat.
Ang unang pagkawala.
Si Annika... Ang naging simula ng lahat.
Bumalik sa realidad si Ken nang tawagin siya ni Joanne.
"Doc, narito na po ang unang pasyente natin."
"Salamat, Joanne. Papasukin mo na siya."
Pumasok ang isang babae—maganda, maaliwalas ang mukha, at puno ng tiwala.
"Ano po ang maipaglilingkod ko sa inyo?" tanong ni Ken, ngumiti nang propesyonal habang lihim na kumikirot ang puso.
Itutuloy...
Comments (0)
See all