Ang Pagbabalik ni Roman
Sa unang pagkakataon sa loob ng dalawampung taon, bumalik si Dr. Roman Anthony Velez Sarmiento sa lupaing matagal niyang tinakasan.
Umuusok pa ang hangin ng Tagaytay nang huminto ang itim na kotse sa harap ng lumang estate ng mga Sarmiento.
Sa likod ng hamog, sumalubong sa kanya ang silweta ng bahay — tila hindi nagbago, ngunit ramdam niyang may ibang espiritu na ang nakatira rito.
Sa kanyang dibdib, isang lumang sobre ang paulit-ulit na pinipisil ng kanyang kamay.
Sa loob nito, nakasulat sa tinta ni Nestor, ang pinakamatagal niyang kasamahan:
"Sir, si Senyor Arnaldo po... wala na siya.
Naiwan ang anak —
si Kenneth.
Bata pa, pero matalim ang isip.
Wala pong ibang kamag-anak na natira."
Napatingala si Roman sa mga bintanang sarado, mga kurtinang dilaw sa agos ng panahon.
Ilang dekadang hindi tinapakan ang batong ito ng kanyang mga paa —
ngunit ang bawat tunog ng kanyang sapatos sa graba ay parang pagbabalik ng isang sumpa.
Sa loob ng bahay, sinalubong siya ni Sylvia, ang matandang mayordoma.
"Sir Roman... akala namin di na kayo babalik."
Saglit siyang tumingin sa paligid — mga lumang larawan nina Don Mariano at Doña Patricia, mga estatwa ng mga santo na tila nakamasid.
Sa dulo ng pasilyo, nakasindi ang isang kandila — tanda ng pagpanaw ni Arnaldo.
Lumapit siya sa larawan ng kapatid.
"Arnaldo," bulong niya, "lagi kang tahimik... pero hindi ko akalaing ganito karumal dumal ang pipiliin mong wakas."
Sa labas, may mahinang yabag.
Paglingon niya, isang batang lalaki — mga siyam na taon — ang nakatayo sa anino ng hagdan.
"Ikaw si Tito Roman?" tanong ng bata.
Tumango siya.
"Oo. Ako ang kapatid ng iyong ama."
"Sabi ni nanay Sylvia, ikaw daw ang lalaking hindi na bumalik."
Napangiti si Roman, mapait. "Ngayon bumalik na ako. Nagbalik ako para sa iyo."
Sa unang pagkakataon, nagtagpo ang kanilang mga mata.
At sa mga matang iyon — malamlam, tahimik, puno ng pag-usisa — nakita ni Roman ang repleksyon ng isang bagay na matagal nang nawala sa kanya:
ang binhi ng kabaliwan ng lahi ng Sarmiento.
Sa sandaling iyon, alam niyang hindi na siya aalis.
At sa pagitan ng hamog at katahimikan, sa ilalim ng lumang langit ng Tagaytay,muling nabuhay ang Hardin.
Ang Lahi ng Dugo at Karangalan
Si Roman Anthony Velez Sarmiento at Arnaldo Martin Velez Sarmiento ay mga anak nina Don Mariano Emanuel Estevez Sarmiento at Doña Patricia Ramona Constantino Velez, mga kilalang angkan ng mga manggagamot at ilustrado sa Batangas.
Sa gitna ng malawak na lupain ng pamilya, nakatayo ang kanilang lumang hacienda —
isang bahay na parang simbahan, kung saan bawat dingding ay may nakaukit na kasaysayan at kabaliwan.
Si Don Mariano, isang patron ng agham noong panahon ng mga Amerikano, ay may pilosopiyang pinaniniwalaan:
"Ang katawan ng tao ay sisidlan ng karangalan.
Kung marunong kang magpagaling, dapat marunong ka ring magpanatili."
Sa tabi niya, si Doña Patricia, may dugong Kastila at Catalan, ay relihiyosa ngunit kakaiba ang hilig — mga rebulto ng martir, antigong krusipisyo, at mga larawan ng kamatayan ang laman ng kanyang altar.
Sa ganitong tahanan lumaki sina Roman at Arnaldo — dalawang anak na parehong tinuruan ng agham, disiplina, at katahimikan.
Ngunit sa likod ng mga aral na iyon, may mga lihim na eksperimento si Don Mariano sa pag-imbak ng laman, at mga dasal ni Doña Patricia upang pigilan ang sumpa ng kanilang pamilya.
Minsan, narinig ni Roman ang ama:
"Walang kasalanan ang magtagal ng ganda.
Ang Diyos ay lumikha ng kagandahan;
tayo lang ang nag-aaral kung paano ito hindi mawala."
At mula roon, nagsimula ang binhi ng pag-usisa — isang binhing hindi na muling napigil tumubo.
Ang Anak na Lumayo
Lumipat ang pamilya sa Tagaytay upang palawakin ang negosyo at yaman.
Si Roman, matapos magtapos ng medisina, ay nagpasiyang pumasok sa Philippine Military Academy, bagay na labis ikinagalit ng ama.
Ayon kay Don Mariano, si Roman ang may talino at diskarte para pamunuan ang mga negosyo — ngunit pinili nito ang serbisyo.
Nang makilala ni Roman si Jacqueline Madrigal-Legaspi, anak ng kilalang angkan sa Makati, umusbong ang isang pag-ibig na tila mag-aangkla sa kanya sa Pilipinas.
Ngunit sinunod ni Roman ang tawag ng tungkulin. Sa isang liham kay Jacqueline, isinulat niya:
"Kapag napuspos na ang puso ko sa pagseserbisyo sa sangkatauhan, babalik ako kung handa ka pa ring tanggapin ako."
Umalis si Roman. Naging officer-medic, nakilala sa husay, at nagsilbi sa United Nations Peace Keeping Force.
Habang tumatagal, lumalayo rin siya sa pamilya — hanggang sa isang araw, dumating ang balita mula kay Nestor, ang tapat na bodyguard ng mga Sarmiento:
"Patay na si Sir Arnaldo. Nagpakamatay."
At naiwan ang isang anak na lalaki — si Kenneth.
Ang Pamana ng Katahimikan
Pag-uwi ni Roman, nalaman niyang pumanaw na rin ang kanyang mga magulang.
Siya na lang at ang pamangkin ang natira.
Tinuring niyang anak si Ken, habang si Sylvia, ang matandang mayordoma, ang tumayong ina.
Habang lumalaki ang bata, napansin ni Roman ang mga sulyap na tila pamilyar — malamlam, mahina, ngunit may katalinuhang nakakabahala.
Sa ilalim ng pangangalaga ni Roman, muling bumangon ang mga negosyo ng Sarmiento.
Ginamit niya ang kanyang disiplina, karisma, at dating koneksyon sa militar upang makakuha ng mga bagong investors at mga business partners.
Lumago muli ang pangalan ng pamilya.
Ngunit habang sumisikat ang negosyo, dahan-dahan namang lumulubog si Ken.
Nag-aral siya ng medisina, sinubukang sundan ang yapak ng kanyang tiyuhin, ngunit nabasag nang iwan siya ng kanyang kasintahan — si Annika Villarubin Gomez.
Isang araw, natagpuan ni Roman ang balita na nagpayanig sa kanyang kaluluwa:
Si Annika ay nakahimlay na sa hardin ng Sarmiento estate.
Gusto niyang ipasok sa psychiatric institution ang pamangkin, ngunit naisip niya ang panganib—
kapag nalaman ng publiko, tuluyang mawawasak ang pangalan ng kanilang angkan.
Kaya pinili niyang manahimik.
Ipinag-utos niya sa lahat ng tauhan:
"Walang sikreto ang lalabas sa pader ng estate."
Mula noon, isa-isa nang nadagdagan ang mga "bulaklak" sa Hardin.
At bawat gabi, si Roman ay lumalakad sa gitna ng mga puting kahoy na lapida na walang mga pangalan, dala ang bigat ng kanyang katahimikan.
Ang Huling Tagapag-ingat
Habang tumatanda si Roman, lalong dumarami ang mga lihim sa ilalim ng lupa.
Ang dating tunog ng mga ibon sa hacienda ay napalitan ng mga alingawngaw ng dasal at bulong ng mga nawawala.
Alam niyang mali.
Alam niyang dapat itong wakasan.
Ngunit sa bawat pagtingin niya kay Ken, nakikita niya ang sarili niyang kabataan — matalino, mabait, at ngayon... sirang-sira.
Sa huling bahagi ng kanyang buhay, isinulat ni Roman sa isang lumang journal:
"Ang kasalanan ay hindi laging bunga ng kasamaan.
Minsan, ito'y bunga ng takot —
takot mawalan ng pangalan, ng pamilya, ng dangal."
"Ngayon, ako na lang ang tagapag-ingat ng Hardin.
At balang araw, kapag tinanggap ng lupa ang aking katawan,
sana, mapatawad din ako ng mga bulaklak na pinili kong hindi mailigtas."
Itutuloy...
Comments (0)
See all