Una ko siyang nakilala nang magkaroon ng isang pagsasalo sa palasyo. Siya ang ika-tatlong prinsipe ng pamilyang Ravante na kilalang mga Encantado mula sa isla ng Hermosa. Ako naman ang ika-apat na prinsipe ng pamilyang Heilig, anak ng kasalukuyang emperador, at susunod sa trono. Kami ang mga Panginoon ng Kulog at Kidlat na may kapangyarihang pasunurin ito.
Pitong taon ako noon, siya, mag lilima pa lamang, at pareho kaming sabik sa kalaro. Madalas kaming nakakulong sa palasyo, iniingatan, inilalayo sa mga mabababang uri ng nilalang na maaring 'makadumi' sa amin. Kaya laking tuwa namin nang maiwan kami sa loob ng silid aklatan, habang ang mga magulang namin ay nagtungo sa ibang lugar upang mag-usap.
"Anong pangalan mo?" tanong ko sa kaniya. "Ilang taon ka na? Bakit may takip ang iyong mukha?"
"Ako si Claudius Marius Angelo Ravante, ika-tatlong prinsipe ng pamilyang Ravante at ang susunod sa trono," sagot niya na tila nagbabasa sa isang aklat. "Ikinagagalak kitang makilala, Prinsipe Theodorin Tanis Adelbert Heilig."
"Tinanong ko rin kung ilang taon ka na," ulit ko, "at ano ba iyang nakatakip sa iyong mukha?"
Diretso ang katawan niya at paningin, ni hindi siya tumitingin sa akin.
"Ako si Claudius Marius Angelo Ravante, ika-tatlong prinsipe ng pamilyang Ravante at ang susunod sa trono," muli niyang sinabi.
"Ikina-"
"WAH!"
Pasigaw ko siyang ginulat.
Napatalon siya'ng bahagya sa kaniyang pagkakatayo at tumingin sa akin. Napuno ng luha ang mga mata niyang kulay lilak, ngunit `di ito tumulo.
"Alam mo, walang ibang tao sa paligid," nakangiti kong sinabi. Ginulo ko ang mahaba niyang buhok, inalis iyon sa pagkakatali. "Ang ganda ng buhok mo, parang ang kuwintas na pilak na suot ng ina kong reyna," sabi ko, habang hinahawi ang sarili kong buhok na kulay ginto.
"W-wag mong guluhin ang aking buhok!" sabi niya.
Napatingin akong muli sa kaniya.
"May alam ka palang ibang salita!" biro ko.
Hala, mukhang iiyak nanaman siya!
"Halika, doon tayo sa silid ko, marami akong laruan doon!" aya ko sa munting prinsipe.
Nagningning ang kaniyang mga mata nang panandalian lamang, sabay tingin sa baba.
"Pero, sabi ng aking ama, dito lang daw tayo manatili sa silid at maghintay sa kanilang pagbalik."
"Ano ba ang iyong ama? Isa ba siyang hari?" mayabang ko'ng itinanong.
"Oo, siya ang hari ng bansang Hermosa!" pagmamalaki niya sa akin.
"Ako naman ang anak ng emperador!" pagmamataas ko. "Ang iyong ama ay isa sa mga alagad ng aking ama'ng emperador, kaya kung sasabihin kong maglalaro tayo, siguradong hindi siya magagalit!"
Napaisip nang sandali ang batang prinsipe.
"Siya nga ba?" tanong niya na may alinlangan. "Totoo ba ang sinasabi mo?"
"Oo," sagot ko, "kaya sumama ka na sa akin, maglaro tayo!"
Pumito ako, nagtawag ng hangin na siyang punong elemento ng mga may dugong Heilig. Inutusan ko ito upang ilipad kami sa tore kung nasaan ang aking silid. Maghapon kaming naglaro doon, ako at ang batang prinsipe na may suot-suot na maskara.
"Anong itatawag ko sa iyo?" tanong ko sa kaniya.
"Marius!" sagot niya habang tumatalon sa ibabaw ng aking kama.
"Tawagin mo naman akong Theo." Hinawakan ko ang maskara sa mukha niya. "Para saan ba ito? May sugat ka ba sa mukha? Nakatatakot ba ang iyong itsura?"
"Hindi ko alam," sagot niya, "mula bata pa ako, may suot na akong maskara..."
"Ba't hindi mo tanggalin?"
"Sabi ni Ina at ni Ama, huwag na huwag ko raw tatanggalin."
"Ibig mo bang sabihin, ni hindi mo pa nakikita ang sarili mo sa salamin?"
"Salamin?" tanong siya sa akin.
Napakunot ang aking noo. Hinatak ko siya papunta sa malaking salamin sa gilid ng aking silid. Tumayo kami sa harap nito, kung saan ako'y nagsimulang sumayaw. Natawa si Marius na gumaya sa akin. Hanggang dibdib ko lang siya noon.
"Para siyang tubig, ngunit `di siya tumutulo!" sabi niya, sabay hawak sa salamin. "At matigas siya na parang yelo..."
"Halika, alisin natin ang takip sa mukha mo!" Hinawakan ko ang kaniyang maskara at inusisa. Pilit ko itong tinanggal, ngunit tila nakadikit iyon sa kaniyang mukha.
"Huwag, magagalit sina ama..." pilit niya.
"Huwag ka'ng mag alala, hindi ba sabi ko sa iyo, mas mataas ako sa tatay mo dahil, anak ako ng emperador? `Di ka niya pagagalitan kapag nalaman niya'ng ako ang nag-alis ng maskara mo!"
Sinubukan ko muling alisin ang maskara, ngunit ni hindi ito gumalaw.
"Ayaw talaga, Theo. Hayaan mo na lang, baka masugatan ako kapag pinilit mong tanggalin ang maskara!"
"Hmm..."
Tinignan ko'ng muli ang takip sa mukha ni Marius. Ang maskara ay gawa sa pilak. May mga kakaibang simbulo na naka ukit dito.
Sa aking pagtitig, tila naging mga letra ang mga simbulo. Inisa-isa ko itong basahin -- kalasag, enkwentro, kapalaran, kapangyarihan... hindi ko pa rin maintindihan.
"Alam mo, may naalala akong isang kuwentong nabanggit sa akin minsan ng isa sa mga nagsisilbi sa palasyo," sabi ko sa kaniya habang pinaglalaruan ang mahaba niyang buhok. "May isang prinsipe raw na nabalot sa sumpa," patuloy ko, "at dahil doon ay nagiging mabangis na hayop siya tuwing sasapit ang gabi, ngunit dahil sa pagmamahal ng isang magandang prinsesa, naalis niya ang sumpa sa pamamagitan ng isang halik."
"Ibig mo bang sabihin, may nagsumpa sa akin?" takot na itinanong ni Marius.
"Hindi naman siguro, pero maaring isang magandang prinsesa lamang ang makapag tatanggal ng iyong maskara!"
"May magandang prinsesa ba rito sa inyong palasyo?"
"Hmm..." ako'y napaisip. "Masyado pang bata ang nag-iisa kong kapatid na babae, at sa totoo lang, mukha siyang matsing na walang balahibo."
"Ano iyong... matsing?"
"Isang hayop iyon na mukhang maliit na tao, pero di sila nagsasalita at natatakpan sila ng balahibo." Napaisip akong muli. "Kailangan pa nga pala ng pagmamahal para mawala ang sumpa."
"Mahal ako ng ina kong reyna, at napaka ganda niya..." sagot agad ni Marius, "pero, hindi natatanggal ang maskara ko kahit ilang beses pa niya akong halikan."
"Hmm... maganda rin ang aking ina, subukan kaya natin siya?"
"Siya nga ba?"
"Oo, at maari natin siyang puntahan ngayon sa kaniyang silid!"
Natuwa ako sa aking plano, hinawakan ko ang mga kamay ni Marius upang isama sa silid ng aking ina.
"Siguradong hahalikan ka niya agad kapag nalaman niyang may sumpang nakapataw sa iyo! Parang ganito!"
Pagkasabi noon, ay niyakap ko ang batang prinsipe, sabay halik sa parteng pisngi ng kaniyang maskara.
Nagulat kami nang biglang mapalibutab nang nakasisilaw na liwanag ang mukha ni Marius!
Nang mawala ang liwanag, nakita ko ang maskara na tila niyebe na natunaw mula sa kaniyang mukha. Natakot si Marius at biglang umiyak.
"Anong nangyayari?!" tanong niya sa akin, "Nalulusaw ba ang aking mukha?!"
"Huwag kang mag-alala!" pilit ko siyang inamo. "Sandali, pupunasan ko ang mukha mo!"
Agad kong inabot ang kumot sa kama upang punasan ang kaniyang mukha. Sa bawat daan ng tela ay tila natutuyo ang likidong pilak, hanggang sa tuluyan na itong mawala.
Napatitig ako sa bata sa aking harapan.
"Marius?" Tinawag ko ang pangalan niya.
Mariin ang pagkakapikit ng kaniyang mga mata.
"Marius, dumilat ka!"
Dahan-dahang dumilat si Marius.
Ang kaniyang lilak na mata ay puno pa rin ng takot at pag-aalala. Ang kutis niyang napaka puti ay nag kulay rosas nang makita niya akong nakatitig sa kaniya. Naghiwalay ang mga labi niyang kasing pula ng mansanas at nagsabing, "Nawala ba ang aking mukha?"
Bigla akong natawa.
"Hindi," sagot ko habang humahalakhak, "tumingin ka sa salamin!"
Hinarap ko siya sa salamin upang makita ang kaniyang sarili.
Ang mala-porcelanang balat na ubod ng kinis, ang mapupulang pisngi at labi, matangos na ilong, at mukhang tila hinubog ng isang maestro na pinalibutan ng pilak na buhok na tila talon ng tubig na umaagos pababa sa kaniyang balikat.
"Napaka ganda mo!" sabi ko sa kaniya. Lalong namula ang mukha ni Marius.
"Nawala ang maskara..." taimtim niyang ibinulong. "Nawala ang sumpa!"
Laking gulat naming dalawa nang biglang may bumalibag sa aking pintuan.
Nasundan pa ito, na tila ba may mga kawal sa kabila na pilit pinababagsak ang pinto ng aking silid!
"Sino kayo?" pasigaw kong tanong. "Sino kayong walang respeto sa prinsipe ng imperyo?!"
Walang sumagot.
Patuloy pa rin ang ingay na nagmumula sa kabila ng pinto. Itinaas ko ang aking kamay at nagtawag ng mahika. Pinuntirya ko ang hawakang ginto sa aking pinto at pinaulanan ito ng matatalim na kidlat.
Noon lamang natigil ang kaguluhan sa labas.
"Wala na ba sila?" tanong ni Marius na nagtatago sa likod ko.
"Hindi ko alam..."
Biglang may kumatok nang marahan sa pinto.
"Sino kayo?" muli kong itinanong.
"Prinsepe Theodorin," tawag ng boses mula sa labas, "ito ang hari ng Hermosa, si Haring Domingo." Nanlaki ang mga mata ni Marius. "Kasama mo ba sa loob ng silid ang aking anak?"
Lumapit ako sa pinto at muling nagtanong, "Paano ako makasisiguradong ikaw nga si Haring Domingo?"
"Narito ngayon ang iyong ama," sagot niya.
"Theodorin." Narinig ko ang boses ng aking ama na tila nananamlay. " Theodorin, buksan mo ang pinto," patuloy nito. "Hindi ba't binilinan namin kayo na huwag aalis sa silid sa baba?"
"Ama!" bubuksan ko na sana ang pinto, ngunit muling nag-alinlangan. "Ano po ba ang nangyari? Sino ang nagpumilit pumasok sa aking silid?"
"Anak, makinig ka nang mabuti..." sabi ng ama kong emperador.
"Prinsipe Theodorin, importante ito," si Haring Domingo muli, "natanggal ba ang maskara sa mukha ng aking anak?"
"Ama..." ani Marius.
May narinig kaming bumalibag sa pintuan.
"`Di na bali... mukhang gayon nga ang sitwasyon..." patuloy ng hari ng Hermosa.
"Ano po ang nangyayari, Ama?" tanong ni Marius. "May kasalanan po ba kami? Hindi po namin sinasadyang matanggal ang maskara..."
"Anak... huwag kang magsalita," sagot ng kaniyang ama. "Buksan ninyo ang pinto, ngayon din..."
Nilapitan ko ang pinto, ngunit bago ko pa man mabuksan ito, ay muling tumawag si Haring Domingo.
"Bago ang lahat, anak, takpan mo muna ang iyong mukha!"
"Bakit po kailangan takpan ang kaniyang mukha?" agad kong tinanong habang katabi si Marius. "Bakit po kailangan itago ang isang bagay na ubod nang ganda?"
"Ipapaliwanag ko sa inyo ang lahat," sabi niya, "ngunit kailangan niyo munang buksan ang pinto."
Hinarap ko si Marius.
Tinakpan ko ng kumot ang kaniyang mukha at nilapitang muli ang pinto. Nalusaw sa pwesto ang gintong hawakan nito. Tuluyan ko itong tinunaw sa pamamagitan ng mahika na nakapagpapasunod sa bakal, at tumawag ng hangin upang hipan palabas ang dalawang malapad na parte nito.
Pagbukas ng pinto ay bumungad sa aming harapan ang isang kawal ng mga sundalong nakahandusay sa lapag. Namukhaan ko sila bilang mga bantay sa aking tore. Ang hari ng Hermosa ang tanging nakatayo, samantalang ang ama kong emperador ay nakaakbay sa kaniyang balikat, at tila nanghihina.
"Ama!" tumakbo kaming palapit sa aming mga magulang na agad kaming niyakap. "Ano po ang nangyari? Bakit nagkalat ang mga walang malay na sundalo sa harap ng aking silid?"
"Bago ang lahat..." Hinawakan ni Haring Domingo ang mukha ni Marius sa ilalim ng takip nitong kumot. Isang itim na tela ang ibinalot niya rito, tanging mata lang niya ang nakalabas. Matapos nito ay hinarap niya ang aking ama.
"Saan ba tayo maaring mag-usap?" tanong niya.
"Dito na rin sa loob ng silid ni Theodorin," sagot ni Ama na mukhang hinihingal. "Malakas ang salamangka sa silid na ito."
Bumalik kami sa loob ng silid. Isinara nina Ama ang pinto at naglagay ng dasal sa paligid upang walang kahit anong ingay ang makalalabas o makapapasok sa loob nito.
"Papatawan kitang muli ng dasal upang `di ka maapektuhan ng kaniyang engkanto," sabi ng hari sa ama kong Emperador.
Tumango ang aking ama, at nagsimulang kumanta si Haring Domingo sa isang lenguahe na hindi ko naiintindihan. Matapos noon ay tila nakahinga na nang malalim ang ama ko. Umupo siya sa aking kama at nagbuntong hininga.
"Ama, ano po ba ang nangyayari?" tanong kong muli, ngunit hindi niya ako pinansin.
"Aalisin ko na ang takip sa mukha ng aking anak," ani Haring Domingo.
"Sige, gawin mo na," sagot ng aking ama.
Inalis ni Haring Domingo ang takip sa mukha ni Marius at iniharap ang kaniyang anak sa Emperador. Pansin ko ang pawis na tumulo sa noo ng aking ama, na tila ba hirap siyang tumingin nang diretso sa munting prinsipe.
"Napakalakas ng kaniyang alindog, na para bang ako ay nagagayuma!" sabi ng aking ama. "Napaka hirap pigilan ang aking sariling magpakatirapa sa kaniyang harapan."
"Na siyang dahilan kung bakit namin naisipang dalhin siya rito sa kabisera," paliwanag ng hari ng Hermosa. "Kahit ang kaniyang ina at mga kapatid ay nahihirapang makisalamuha sa kaniya nang di naaapektuhan ng kaniyang mahika. Ako man ay laging mataas ang depensa kapag nasa paligid niya. Napaka lakas ng impluwensiya ng kaniyang mga salita, at napaka hirap niyang suwayin."
"Ngunit lahi ninyong mga enkantadong 'Dilang Pilak' ang mga katangiang ito, hindi ba? Paanong nangyari na `di ninyo mapigilan ang kapangyarihan ng sarili ninyong anak?" tanong ni Ama.
"Pinanganak siyang kakaiba sa lahat ng mga engkantadong 'Dilang Pilak'," paliwanag ni Haring Domingo. "Kahit ang mga nakatatandang mga pantas sa aming bansa ay nahirapang gumawa ng paraan upang mabawasan ang kaniyang impluwensya sa ibang tao. Ang iyak lang niya ay nagtatawag ng mga tao upang siya'y iligtas sa anu mang kapahamakan, tulad nang nakita mo kanina... aba, nang siya'y ipinanganak, nagsuguran ang lahat ng mga kawal sa silid ng komadrona nang magsimula siyang ngumawa!" Napa buntong hininga ang hari. "Kinailangan ko silang patulugin upang `di magambala ang aking asawa na kapapanganak pa lamang!"
Comments (0)
See all